Dear Ex,
Inaamin ko na ipinagdasal ko sa Diyos na sana maka-move on ka na. Ayoko kasing nahihirapan ka. Kahit naman naka-move on na ako, inaalala pa rin kita. Kung okay ka na ba? Kung nakakain ka na ba? Kung nasasaktan ka pa rin ba?
Pasensiya na. Wala akong ibang alam na paraan para makalimutan mo na ako. Hindi na kita kinakausap. Hindi ko sinasagot mga tawag mo. Blinock kita. Sinusungitan na para bang hindi kita minahal. Pinunit kita na para bang isa lang pahina sa kuwaderno at basta na lang tinapon.
Iniwan kitang nasasaktan at gulong-gulo. Iniwan kita sa ere. Binitiwan ko ang halos apat na taon nating relasyon na sabay nating ipinaglaban ng ganoon na lang.
"Sa wakas malaya na ako," sabi ko sa sarili ko. Ang sarap sa feeling ng malaya. Masaya palang wala ka na sa buhay ko. Hindi na ako stressed. Wala ng inaabangang tawag sa tuwing 9:00 PM. Nagagawa ko na rin ang mga bagay na gusto kong gawing mag-isa. Wala ng nagbabawal sa kung ano ang gusto kong suotin. Nakakasama na rin ako sa mga lakad naming magtrotropa ng walang nagbibigay ng curfew. Na-miss ko 'to dahil ang tagal ding umikot ang mundo ko sayo.
Pero bakit ganoon? Tapos na tayo pero tila hawak mo pa rin ang mundo ko. Tapos na tayo pero ikaw pa rin. Bakit noong hindi ka na nagparamdam namiss kita bigla? Hindi ka na nagte-text, hindi ka na tumatawag at nagpapakita. Hindi ako sanay, naka-move on ka na ba? Hindi mo na ba ako mahal?
Ang gulo ko 'no? Kahit ako 'di ko maintindihan ang sarili ko. Nami-miss ko na iyong kakulitan mo. Nami-miss ko iyong pangungulit na ginagawa mo sa tuwing may ginagawa ako. Nami-miss ko iyong mga gabing magdamag tayong magkausap sa cellphone pagpatak ng 9:00 PM. Nami-miss kita dahil ikaw ang nagpapalakas ng loob ko sa tuwing pinanghihinaan ako. Nami-miss kita, oo, ikaw na kahit kailan ay hindi nag-give up sa akin. Gusto ko ulit makita ang mga ngiti mo at marinig ang halakhak mo na gustong-gusto ko. Nami-miss ko na rin ang mga kamay mo na hawak-hawak ang mga kamay ko kahit pasmado. Mga kamay na laging magkahawak kahit saan pumunta. Kamay na hindi ako binitiwan
Nasaan ka na kaya? Pag nami-miss kita, nami-miss mo rin kaya ako? Okay ka na kaya? Kasi ako hindi pa. Oo, ipinagdasal kong tulungan ka ng Diyos na mag-move on pero gusto ko ng bawiin iyon ngayon. Huli na ba ang lahat? Ayaw kong mag-move on ka kasi masasaktan ako. Nasasaktan ako.
Masakit isipin na hindi mo na ako mahal. Masakit kasi kapag naka-move on ka na ibig sabihin nakalimutan mo nang minahal mo ako nang sobra. Iniisip ko pa lang namamatay na ang puso ko.
Kung babalik ba ako, matatanggap mo pa ako? Malamang hindi na. Nasaktan kita nang sobra. Ilang buwan kang iyak nang iyak, nagpakalunod sa alak, ilang sugat sa kamao mo ang tiniis mo kakasuntok sa pader hanggang sa makalimot tapos bigla na lang ako babalik? Ang kapal ng mukha ko kung hihingi pa ako ng isa pang pagkakataon sa iyo kasi itinapon kita na parang isang basahan. Maiintindihan ko kung hindi mo na ako balikan. Ayaw mo lang masaktan ulit.
Nakakatawa, life is so ironic talaga, naalala ko noon bigla na lang ako nagalit noong 'di sinasadyang napatingin ka lang sa legs nung babae. Ako 'tong selosa at nangakong kumulot o umiksi man ang buhok ko hindi tayo maghihiwalay tapos ako pala ang bibitaw sa ating dalawa.
Kung nasaan ka man ngayon o kung sino man siya na kasama mo, alam ko na masaya ka. Siyempre siya ang sumagip sa' yo noong mga panahong talo ka. Siya ang sumalo sa'yo noong binitiwan kita. Siya na ang babaeng magtutuloy ng mga ipinangako ko sa'yo. Siya na ang babaeng makakasama mong mangarap, ang babaeng makakasama mo thru thick and thin, ang babaeng hinding- hindi ka iiwan ano man ang mangyari. Siya na ang babaeng may karapatan sa'yo. Siya na ang babaeng pumalit sa puwesto ko sa puso mo.
Patawad, mahal. Patawad sa basang unan gabi-gabi. Patawad kung hindi kita naalagaan sa mga panahong may sakit ka. Patawad sa mga malulutong na mura kapag galit ako. Patawad sa mga pagkakataong nagsinungaling ako para sa sarili ko. Patawad dahil sa napagod ako at sana naisip ko rin na matagal ka ng pagod sa ugali ko pero hindi mo pinili ang iwan ako. Patawad mahal sa biglang pagbitaw sa kamay mong handa pang kumapit.
Patawad sa bigla kong pagtalikod at sa hindi paglingon sa tayo.