CHAPTER 5
SA MALALIM na liwanag na dulot ng ilawang de gaas ay kitang-kita ni Aleli ang pamumutla sa mukha ng asawa nang bigla itong mapaatras sa pagkakasilip sa butas ng dingding. Ang takot na nakabadya sa mga mata ay kitang-kita rin.
“Bakit Randy, ano’ng nakita mo?”
Hindi ito sumagot. Basta nananatili itong namumutla at nakamulagat ang mga mata.
Bumangon sa pagkakahiga si Aleli sa papag.“Bakit ikako, ano ba’ng nakita mo sa labas?” Takot na rin ang tono nang pagkakatanong ni Aleli nu’n.
Ilang segundo pa rin bago nakasagot si Randy.
“‘Yung mga nitso d’yan sa sementeryo, nabibitak.”
Kinilabutan si Aleli.
“Ha…?”
“Oo, kitang-kita ko sa tama ng liwanag ng buwan.”
Halo ang takot at pagnanasa na silipin din ni Aleli ang nagaganap sa kabila ng butas ng dingding.
“Gusto mong silipin?” Tanong sa kanya ng asawa.
Hindi agad masagot ni Aleli ‘yun. Curious ito na makita ‘yun kung totoo pero nadadala naman ng takot.
“Teka sisilipin ko uli.”
Sumilip nga uli si Randy sa butas ng dingding. At ‘yun pa rin ang nakita niya. Ang ilan sa mga nitso ay nabibitak. Lumilikha ng malaki at malalim na guhit ‘yun sa nitso.
“Ano’ng nakikita mo Randy?”
“‘Yun pa rin. Nabibitak ang mga nitso.”
“Pasilip nga,” lakas-loob na nasabi ni Aleli.
“O, ayan.”
Malakas ang kabog ng dibdib nang sumilip ito. Hindi nga ito makapaniwala sa nakikita. Totoo na nabibitak ang ilan sa mga nitso.
Parang pader ‘yun na nilindol atnalalapag ang bawat bahagi ng bato na nagbubuhat sa nabibitak.
“Ano naniwala ka na?” Tanong ni Randy.
“Oo nga. Pa’nong nangyari ‘yun?”
“Ewan…?”
“Paano kung ganap na mabitak ang nitso, ano’ng mangyayari?”
Siguradong malalantad ang bangkay na nasa loob. Gusto sanang sabihin ni Randy ‘yun pero pinigil niya ng sarili. Nag-aalala siya na matakot ng husto ang asawa.
“Randy, natatakot ako,” umiiyak na si Aleli nang sabihin ‘yun matapos umalis sa pagkakasilip sa butas ng dingding.
Nakapagpahina sa loob ni Randy ang nakita niyang reaksiyon ng asawa. Gayunpaman, hindi siya nagpahalata. Kung malalaman nu’n na natatakot na rin siya ay masisiraan ito ng loob. Baka mag-hysterical sa takot.
“Kung lumabas kaya tayo ng bahay na ito at hanapin ang labasan ng sementeryo para makaalis na tayo rito?” Mungkahi niya.
Nagpakatanggi-tanggi si Aleli.
“Ayoko…ayoko! Nasa gitna tayo nitong sementeryo, hindi natin alam kung saan hahanapin ang palabas ng sementeryo. Baka kung ano ang mangyari saatin.”
“E, me baril naman ako.”
“Ano’ng magagawa ng baril, hindi naman tayo sigurado kung tao nga ang masasagupa natin kung sakali.”
May logic ang sinabi ng asawa. Hindi tinutulan ni Randy ‘yun.
“E, di pa’no, magpapaumaga na lang talaga tayo rito?”