CHAPTER 7
SA LAYO na ng kinaroroonan ni Aleli ay hindi na nito maririnig pa ang sigaw ni Randy. Gayundin naman ito. Hindi na rin maririnig ng asawa ang tili niya at palahaw.
Hila si Aleli ng dalawa sa mga bangkay sa magkabilang kamay at pakaladkad na nakadapa sa lupa. Ang damit pantulog nito ay sira na gawa nang pagkakaladkad sa lupa. Ang magkabila nitong tuhod ay nagdurugo na.
Habang hinihila siya nang pakaladkad ng mga bangkay ay nakasunod naman ang lima pa sa bangkay. Nakaabang ang mga ito sa maaaring mangyari kung sakaling makakawala si Aleli sa pagkakaladkad dito.
“Parang awa n’yo na, pawalan n’yo ako!” Samo ni Aleli. Ang bagsik nang panlalaban nito kanina ay nahalinhinan na ngayon ng pagmamakaawa.
“Randy, tulungan mo ako!”
Patuloy naman sa paghilang pakaladkad ang dalawa sa bangkay. Hindi nila nauunawaan ang pagsusumamo ng babae.
“Bakit n’yo kami ginaganito? Sino kayo? Bakit kayo dumating sa aming mag-asawa? Ano’ng kailangan n’yo?”
Sunud-sunod ang tanong na iyon ni Aleli na parang sinasabi lang nito sa mga bingi. Wala itong narinig na tugon sa mga kinakausap.
Ang sugat sa magkabilang tuhod ni Aleli ay patuloy na lumalaki at patuloy ang pagdurugo sa patuloy din na paghila sa kanya ng dalawang bangkay.
“Sa’n n’yo ako dadalhin? Ano’ng gagawin n’yo sa akin?” Umiiyak na tanong ni Aleli.
Tulad din ng dati, wala rin itong narinig na tugon sa mga bangkay.
“Randy, asan ka na? Iligtas mo ako rito…”
Habang nagsusumamo si Aleli ay iniisip naman nito kung saan na kaya ng panig ng sementeryo iyon sila naroroon. Gaano na kaya sila kalayo sa lugar ng bahay kubo?
At si Randy, ano kaya ang nangyari sa kanya? Bakit hindi siya nito nasaklolohan?
Sa kalagayan nito ngayon, nawawalan na ito ng pag-asa na makaliligtas pa sa kamay ng mga bangkay kung hindi ito gagawa ng paraan para sa kanyang sarili.
“Kailangang makatakas ako sa mga ito. Kung hindi, tiyak na kamatayan ang naghihintay sa akin,” sabi ng isip ni Aleli.
Ngunit paano?
Natigilan sa iniisip ito nang biglang huminto ang mga bangkay sa pagkaladkad sa kanya. Tiningnan nito ang dakong harapan na tinigilan ng dalawang bangkay na may hila sa kanya.
Dalawang bangkay ang nakita nito doon na naghuhukay. Ang isa’y piko ang hawak at pala naman ang isa na sige ang pagpala sa lupa na nahuhukay nila.
Lampas beywang na ang lalim ng hukay.
May humahaging na masamang pangitain sa isipan ni Aleli sa nakitang paghuhukay na iyon.
“Hindi kaya para sa akin ang ginagawang hukay na iyon?”
Kinilabutan ito sa isiping iyon.
“Maaaring para sa akin nga ang hukay na iyon? Ano’ng dahilan at naghuhukay ang dalawang bangkay na iyan at bakit dito ako dinala?” Sabi sa isipan nito.
Binitiwan ito ng dalawang bangkay na humihila. Sa biglang pagkakabitiw sa kanyang dalawang kamay ay bumagsak ang katawan nito sa lupa na naging sanhi para mapangudngod ang kanyang mukha sa lupa.
Gayunpaman, nagbigay ng konting pag-asa kay Aleli ang ginawang iyon ng dalawang bangkay. Wala nang humahawak sa kanya. May pagkakataon na para makatakas.
Nakiramdam ito. Bahagyang nilinga sa magkabilang panig ang kanyang ulo. Nakita nito ang mga paa ng dalawang bangkay sa kanyang magkabilang panig.
‘Yung limang bangkay na nakasunod kanina sa kanilang likuran ay hindi nito batid kung saang panig ito ngayon doon naroroon.