CHAPTER 6
PIGIL ang hininga ng mag-asawa habang pinakikiramdaman ang nangyayari sa balkonahe. Ang mga yabag sa sahig na kawayan ay talagang dumami na. Indikasyon na nakapanhik na lahat doon ang limang bangkay kanina na nakaabang sa ibaba.
“Randy, marami na sila,” halos pabulong ang pagkakasabi ni Aleli nu’n na halatang-halata ang katal sa boses.
Oo nga, nandiyan na silang lahat. Gusto sanang isagot ni Randy sa asawa ‘yun pero nag-aalala siya na lalong ikatatakot nito ‘yun. Hindi na lang siya kumibo. Naghintay na lang nang anumang mangyayari. Basta ang pagkakahawak niya sa baril ay higit na mahigpit ngayon. Handa niya talagang iputok anumang oras na malalagay sa bingit ng alanganin ang buhay nilang mag-asawa.
Kalampag sa pinto ang sumunod na narinig nila at pagyanig nu’n. Parang pilit na binubuksan.
Kitang-kita nila ang pag-uga ng pintong yari sa sawali. Yumayanig ‘yun. Kasunod ang pagbalya na.
“Randy, winawasak nila ang pinto!”
Hindi tumitinag si Randy. Titig na titig lang sa pinto habang hawak na mahigpit ang baril sa kamay.
Si Aleli naman ay nanalangin na sana’y ‘wag magiba ang pinto.
“O God, ‘wag sanang bumigay ang pinto.” Umiiyak sa takot na dasal ni Aleli.
Sa isipan naman ni Randy, walang mangyayari sa dasal ng asawa.
Sawali lang ang pinto. Madaling gibain iyon. Hindi naman ‘yun tulad ng pintong yari sa kahoy. Saka isa pa, ang trangka ng pintong ‘yun ay pinutol na kahoy lang na ipinapako sa hamba saka ipinahahalang lang para sumara Kahit batang pitong taong gulang ay kayang gibain ang pintong iyon.
At tulad nang pinangangambahan ni Randy, ilang magkakasunod na balya pa ay nawasak ang sawaling pinto. Nalantad ang mga bangkay na bumalya noon. Nag-uunahan sa pagpasok.
Nagtitili naman si Aleli.
Agad namang itinuon ni Randy ang baril sa unang bangkay na nakapasok sa loob. Dalawang magkasunod na putok ang ibinigay niya rito.
Sapol sa dibdib ang bangkay at kitang-kita ni Randy kung paano tumama sang bala ng baril niya.
Tumalsik ang bahagi ng laman ng bangkay sa gawing tinamaan ng bala. Lumikha ng butas ‘yun sa katawan nito.
Napaatras lang ang bangkay dahil sa lakas ng impact ng tama ng bala. Pero hindi ito tinablan gayong dalawang butas ang nalikha sa katawan nito na naglagos sa likuran.
Patuloy itong sumugod, kasama ng iba pang bangkay na nasa likuran ng nauuna.
Sunud-sunod na nagpaputok uli si Randy na pawang tumama sa katawan ng mga bangkay na pinuntirya niya.
Pero tulad din ng naunang nangyari, balewala rin ‘yun nang tumama sa mga bangkay. Sige rin ang pagsugod ng mga ito.
Kinalabit uli ni Randy ang baril, pero wala ng bala.
“Nakuuuu!”
Wala siyang dalang balang reserba para kargahan uli ang baril. Kung ano lang ang laman nu’n na nasa chamber ay ‘yun lang ang bala. Bale anim lang ‘yun. Hindi naman kasi inalaka ni Randy na magagamit niya ang baril. Hindi niya inaasahan ang pangyayari ngayon.
Sa katunayan nga, simula nang mabili niya ang baril na iyon ay ngayon niya lang naiputok iyon na may tunay na pinuntirya. Nagagamit niyang paputukin ‘yun sa target shooting lang.
Hindi pa sa ganitong pagkakataon.
Patuloy naman ngayon sa paglapit sa kanila ang limang bangkay. Napaatras ang mag-asawa. Lumingon sila sa likuran para alamin kung mayroon pa silang maaatrasan.