Pangalawang Silip
Napabalikwas ako ng bangon. Napahawak ako sa aking dibdib habang habol habol ko ang aking paghinga. Halos maligo na pala ako sa sarili kong pawis. Isang taon na ang nakalipas pero gabi-gabi ko pa ring napapanaginipan ang insidenteng iyon na bumago sa aking buhay. Kung maaari lang hilingin ko sa Diyos na burahin ang aking alaala ay ginawa ko na. Pero hindi, naaalala ko ang lahat, bawat detalye, bawat saksak at bawat hampas kasabay ng pagtalsik ng dugo sa kanyang mukha at ang malademonyong niyang mga ngiti. Lahat ng aking nasaksihan ay sariwa pa sa aking alaala na tila kahapon lang ito nangyari.
Pinagmasdan ko ang aking sarili sa katapat na salamin. Hinawakan ko ang aking mukha. Nandito pa rin ang bakas ng kahapon. Ang marka ng sunog sa aking mukha na muntik nang tumapos sa aking buhay.
Bumangon na ako sa kama at dumiretso sa sala. Alas-otso na pala ng umaga. Kinuha ko ang remote control at in-on ang tv.
Kasalukuyang umeere ang isang balita.
"Ngayong araw po ay ginugunita ng Liechenstein Academy ang unang anibersayo ng pagkamatay ng kanilang tatlong estudyante at isang guro matapos ang isang sunog na tumupok sa Old Building ng paaralan. Nag-alay ang buong paaralan at ang pamilya at kaibigan ng mga namatay ng isang prayer vigil."
Hindi ko na tinapos ang binabalita ng newscaster. Agad ko ring pinatay ang t.v.
Napailing na lang ako.
Hindi sila namatay sa sunog. Pinatay sila!
Tumungo na lang ako sa kusina at kumuha ng isang basong tubig. Ininom ko ang mga gamot na nireseta sa akin ng aking doktor. Umiinom ako ng anxiolytic drugs para sa aking anxiety at panic attacks.
Oo. Hanggang ngayon kinakain pa rin ako ng takot. Yung pakiramdam na nasa paligid mo lang ang pumapatay at nakabantay sa iyong bawat galaw. Sige, tawagin niyo na akong paranoid, pero yun ang nararamdaman ko.
Nang makatakas ako sa nasusunog na school building ay takbo lang ako ng takbo palayo sa lugar na iyon. Hindi ko na ininda ang sakit ng napaso kong mukha. Basta, takbo lang ako ng takbo noon. Nang marating ko ang main road ay nawalan na ako ng malay. Paggising ko ay nasa hospital na ako. Tatlong araw daw akong tulog, sabi ni mommy.
Napansin ko rin na nakabenda ang aking mukha. Iyak ng iyak si mommy dahil sa aking kalagayan. Wala na, wala na ang aking magandang mukha.
Nang makalabas kami sa hospital ay nagmukmok lang ako sa bahay. Hindi na ako pumapasok. Hindi na rin ako lumalabas ng kwarto. Gusto ko lang lagingmapag-isa. Pakiramdam ko pinagsakluban ako ng langit at lupa.
Iniwan na rin ako ng mga sinasabi kong kaibigan. Isa na daw akong freak. Pangit. Hindi ko 'to ginusto! Iyak lang ako ng iyak nang mga araw na 'yon.
Nag-umpisa na rin akong bangungutin. Ang mga pangyayaring aking nasaksihan ay paulit-ulit na nagrereplay sa aking panaginip. Si Sir Garcia at yung tatlong estudyante, humihingi sila sakin ng tulong. Gusto nila ng hustisya.
Gusto kong tumulong pero natatakot ako. Ayoko pang mamatay.
Napansin ng aking magulang ang pagbabago sa akin. Ang dating masiyahing Yen ay laging tulala at mapag-isa.
Lumipat kami ng bahay at nagpakalayo-layo sa lugar na iyon ayon na rin sa aking hiling. Ipinakonsulta rin nila ako sa isang psychiatrist. Ang akala nila ang pagbabago ko ay dulot ng nasira kong mukha. Ang hindi nila alam ay iyon ay dahil sa nasaksihan ko. Isa iyong sikretong itinago ko. Wala akong pinagsabihan. Takot ako sa mga maaaring mangyari. Mas maganda siguro kung manahimik na lang kaysa ungkatin pa ang nakaraang ayoko nang balikan.
Nag-undergo ako ng ilang therapy at kahit paano'y hindi na ako umiiyak gabi-gabi.
Nagho-home school na lang ako ngayon. Takot pa akong makihalubilo sa mga tao ngayon. Lalo na't hindi mo alam kung sino ang iyong pagkakatiwalaan. Pati na rin ang itsura ko. Hindi pa ako handang harapin ang mapanghusgang mata ng mga tao.
BINABASA MO ANG
Eye Witness (Slow Update)
Misteri / ThrillerIsang karumal-dumal na pagpatay ang nasaksihan ni Yen. Pero imbes na magsumbong sa mga pulisya ay nagtago siya dahil alam niyang sa oras na malaman ito ng mga otoridad ay nalalapit na rin ang kanyang katapusan. Pero tila inuusig siya ng kanyang kons...