14 - Pagsasanay

21 2 0
                                    


ERIKA

Sino nga naman ang mag-aakalang magkakaroon ng malaking pagbabago sa buhay ni Erika ang isang lalaking nakabunggo niya sa isang bar, nagligtas sa kaniya mula sa tangkang pagpatay sa sarili, at nakainuman at kakuwentuhan?

Dagdag pa na ililigtas ng isang prostitute na tulad niya ang isang mayaman sa isang laro kung saan buhay ang kapalit? Ano pa ba ang magpapaiba sa buhay ni Erika?

Alam niyang hindi na kailangan pa ng paliwanag sa sinabi ni Mr. Percy, kahit na sa loob niya ay may nakalambiting tanong na "Bakit?" Hindi naman kasi si Erika ang tipo ng nang-uusisa, pwera na lang kung malala ang mga bagay.

Siguro ang kailangan niya lamang gawin ay sundin ang utos nito. Nakahinga siya nang maluwag. Sa simula pa lamang ay wala siyang intensyon na patayin si Simon kung kinakailangan, pero mas nagkaroon siya ng mas malalim pang rason. Pwera na lang kung gusto siya nitong patayin.

Naputol lamang ang kaniyang pag-iisip nang pumasok sila sa loob ng gusali. Kung ang labas ay nakakamangha, pinigilan ni Erika ang sarili na malaglag ang panga. Ang kaliwa't kanan ng gusali ay yari sa salamin na tumatagos ang sinag ng araw. Iba't ibang kulay ang nagsalu-salo upang bumuo ng larawan ng mga agilang lumilipad sa himpapawid. Dinaanan nila ang liwanag ng araw na tumagos mula sa kanan at muntik na siyang mapatalon sa tuwa.

May malaking fountain sa gitna kung saan isang babaeng may hawak ng isang malaking banga sa kaniyang balikat ang naglalabas ng malinaw na tubig. Sa tabi nito ay dalawa ring babae na tila naglalaba. Nang palapit sila rito ay sumilip siya sa ilalim nito at nakita ang samu't saring isda.

Maraming mga empleyado ang palakad-lakad sa silid. May ilang parehas ng uniporme ng kasama niya. Ang iilan naman, na halos lalaki, ay nakasuot ng pang-mekaniko. Maraming lalaki ang nakaputing suit na tulad ng kay Mr. Percy.

Tumigil sila sa paglalakad sa harap ng isang counter. Akala niya nga'y hotel dahil muntik na niyang masabi, "Deluxe!" Nginitian siya ng dalawang babaeng nagpakilalang Mio at Mia.

"Miss, ang iyong kamay," sabi ni Mia. Inilahad niya ang kamay. "Hindi ito masakit. Parang kagat lang ng langgam." Hindi pa siya handa pero itinusok ni Mia ang isang bolpen sa palasingsingan niya. Halos hilain niya ang kamay sa sakit.

Karayom. Sa tunog pa lang nito, o maski sa pagdampi nito sa kaniyang balat ay napapabalikwas na siya. Kaya namutla siya lalo nang makita na dumaloy ang kakaunting dugo bago lagyan ng bulak ni Mia. Busilak pa rin ang ngiti nito.

May inilagay pa na isang bakal na bangle na may disenyong tila mga bricks sa kaniyang pulso.

Nang ibinaba ng babae ang bolpen sa harapan na screen ni Mio, lumitaw ang kaniyang mukha.

"Miss Erika Carlos?" ani Mio. "Scavenger Number 54, mula sa San Diego." Nang tiningnan pa niya ang bangle sa pulso ay nakaukit ang mga letrang SCAVENGER at 54.

Mayroon pang mga letrang akala niya'y galing sa ibang planeta sa ibaba nito.

Hinatid siya ni Mia patungo sa gitnang elevator na gawa sa purong salamin lamang. Mas gusto niya sana doon sa iba na lang sumakay para may kasabay siya. Ayaw niyang maiwang kasama si Mia. Mababalot lamang sila ng katahimikan.

Ang inaakala niyang tahimik na sakay sa elevator ay mali pala. Samu't saring impormasyon ang inilahad ni Mia habang paakyat sa kaniyang kwarto. Mayroon daw siyang sariling kwarto. Mas natuwa siya roon.

Kita sa labas ang mahabang kalsada na dinadaanan ng mga fighter jets at transport jets. Sabi pa ni Mia, dahil isang human outsource na kumpanya ang Kalinga, palaging palipat-lipat ang kanilang mga tauhan. Ang mga tauhan ang nagsisilbing manggagawa sa iba't ibang kumpanya. Naging malakas sila noong nakaraang taon dahil sa mabilis na paggawa, pati na rin ang kalidad ng serbisyo.

The Scavenger HuntTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon