"Ate Chesca, say ahhh."
Napangiti si Chesca nang makita ang kapatid niyang si Carlo na sinusubuan siya ng isang pirasong fries. Sumunod naman siya sa gusto ng kapatid niya at ibinuka ang bibig para kainin ang fries. Dahil sa ginawa niyang 'yon ay ngumiti si Carlo at saka nagpatuloy sa pagkain ng hamburger na binili sa kanila ng magulang niya.
Kasalukuyang nasa Jollibee ang magkapatid. Dinala kasi ni Chesca ang kapatid doon para kahit paano ay mapagaan ang loob nito na mukha namang umepekto. Alam niya kasi na comfort food ng kapatid ang pagkain dito.
Napagalitan kasi si Carlo ng mama nila dahil inabutan niya itong nagkakalat ng mga papel at iba pang art supplies. What's worse is that habang nagdradrawing ito ay lumagpas ang ilan sa mga pangulay niya dahilan para madrawingan ng kung anu-ano pati ang kama niya.
Kaya nang makauwi si Chesca at makita ang kapatid na umiiyak sa isang tabi ay parang kinurot din ang puso niya. Para mapagaan ang loob ni Carlo ay niyaya niya ito sa Jollibee, ang paborito niyang kainan. Alam niya kasi na kahit papaano ay mababawasan ang lungkot ng kapatid niya kung dadalhin niya ito roon tulad ng mga nakagawian.
"Ate, saan ka nagpunta kanina? Hindi ka kasi sumabay sa amin kumain ng lunch," tanong ni Carlo at kumagat ulit sa hamburger na hawak.
"Nag-enrol kasi si ate," sagot ni Chesca at ginulo ang buhok ng kapatid. "Malapit ng magcollege si Ate Chesca, Carlo."
Sandaling tumingin si Carlo kay Chesca saka ulit ibinalik ang atensyon sa pagkain. "College? Hindi ba matanda na ang mga college, ate?"
Napabungisngis si Chesca sa tanong ng kapatid. Ang cute. Ang inosente, isip nito.
"Hindi pa matanda si ate. Teenager pa lang ako. Ikaw rin, darating ka rin sa pagiging teenager."
"Hindi ka na ba titira sa bahay? Iiwan mo na ba kami?" inosenteng tanong ulit ni Carlo at ibinaba na ang pagkain na hawak niya na para bang nawalan na siya ng gana.
Nagulat si Chesca sa tanong ng kapatid at natahimik sandali. Hindi na niya napansin na nakakunot na pala ang noo niya.
Anong iiwan? Saan nanggaling 'yon? Naguguluhan niyang tanong sa sarili.
Umiling siya sa kapatid bilang sagot. "Hindi ako aalis. Sa bahay pa rin ako titira. Sino naman nagsabi sa 'yo na hindi na ako titira sa bahay natin? Saan mo ko papatirahin? Sa kalsada?" biro pa niya rito.
"Kasi sabi sa akin dati ng kaklase ko noon daw nang mag-college ang kapatid niya, lumipat daw 'yong kapatid niyang 'yon ng bahay. Kaya baka pati ikaw umalis din. Parang nangyari sa kanila," sagot naman ni Carlo sa kaniya at sumibi pa.
Hindi napigilan ni Chesca ang pisilin ang pisngi ng kapatid. Hinila niya ang magkabilang pisngi nito at ngumiti. "Hindi aalis si ate ng bahay. At huwag ka rin mag-alala, kahit college na ako, lagi pa rin tayong maglalaro. 'Di ba ako ang favorite playmate mo?"
"Promise?" Paninigurado ni Carlo at itinaas pa ang pinky finger niya.
Tumango naman si Chesca at ikinonekta ang pinky finger niya sa kapatid saka ngumiti. "Promise."
Lumaki ang ngiti ni Carlo at may kinuha sa likod ng bulsa ng shorts nito. Sinilip ni Chesca ang kinukuha ng kapatid nang mapansin niya na papel 'yon na nakatupi. Inabot niya ang papel kay Chesca at nang kuhanin ng isa 'yon ay ibinalik na ni Carlo ang atensyon niya sa pagkain.
Tiningnan lang sandali ni Chesca ang kapatid at saka inayos ang papel. Nang makita niya ang papel ay napangiti siya at sobrang natouch.
Sa papel ay may nakaguhit na isang batang lalaki at mas matandang babae. Magkahawak ng kamay ang dalawang 'yon at may nakasulat pa sa ilalim na 'Best ate in the whole wide world. Bestfriends forever.'
BINABASA MO ANG
One Thing Remains by iDangs
General FictionSabi nila hindi mo mapipili ang magiging kapatid mo pero pwede mong piliin ang magiging bestfriend mo. Sa kaso ni Chesca at Carlo, hindi nga nila piniling maging magkapatid pero pinili nilang maging bestfriend ang isa't isa. Sobrang close nilang dal...