Ang isang beses na pagpapaalam ni Chesca na hindi siya makakasama sa lakad ng pamilya ay nasundan pa ng isang beses. At isa pa. At isa pa ulit. Hanggang sa napadalas na. Minsan ang dahilan nito ay related sa buhay estudyante niya pero minsan naman ay dahil lang sa may lakad sila ng mga kaibigan niya.
Naiintindihan naman ng mga magulang niya si Chesca na kung minsan ay hindi ito nakakasama sa kanila. Napagdaanan din naman kasi nila minsan 'yon. Normal na sa edad ni Chesca ang maging sobrang busy sa university pati na rin ang maglaan ng oras para sa mga kaibigan. Ganoon din naman kasi sila noong panahon nila.
Kaya lang ayon ang bagay na hindi pa maintindihan ng nakababatang kapatid na si Carlo.
Bakit wala si Ate Chesca? Bakit hindi na naman siya kasama? Bakit gabi na hindi pa rin siya umuuwi? Bakit parang bihira ko na siya makita? Bakit madalas siyang wala? Bakit hindi na niya ako tinuturuan? Bakit... ilang mga bakit pa ang tanong minsan ni Carlo na matiyagang sinasagot ng magulang niya.
Kahit na sinasagot 'yon ng magulang niya, madalas naguguluhan pa rin siya. Siguro nga iyon ay dahil sa bata pa siya kaya hindi pa niya maintindihan kung bakit parang hindi na siya masyadong nabibigyan pansin ng kapatid niya.
Noong una ay nagtataka pa si Carlo kasi dati rati ay araw-araw niyang nakikita ang kapatid niya pero nitong mga nakakaraan ay napapadalang na. Kapag uuwi ito ay tulog na siya o di kaya ay hindi naman sila masyadong mag-uusap. Nawala na rin ang kamustahan nilang dalawa sa kung ano ang nangyari sa mga araw nila. Hanggang sa nakasanayan na lang niya ang ganoong set-up nilang magkapatid.
Sobrang na-a-out of place na si Carlo kasi ang dami na niyang hindi alam sa ginagawa at pinagkakaabalahan ng Ate Chesca niya. Pero hinayaan na lang niya 'yon. Tutal naman nakasanayan na niya. Kaya itinuon na lang niya ang atensyon sa pakikipaglaro sa ibang kaibigan pati na rin sa pag-aaral.
Kahit ganoon man ang nangyari, hindi nagalit si Carlo sa kapatid niya. Kahit minsan pakiradam niya ay wala nang pakialam si Chesca sa kaniya, hindi siya nagalit. Nagtatampo siya, oo, pero hindi siya galit.
Si Chesca naman ay walang kaalam-alam sa nararamdaman ng nakababatang kapatid. Hindi na rin naman niya kasi ito masyadong nakakausap kaya paano nga naman niya malalaman.
"Mano po," lapit ng kakauwi lang na si Chesca sa magulang sabay kuha ng kamay ng papa niya at nagmano dito. Matapos ay sa mama naman niya siya lumapit.
"Sumabay ka na sa amin. Kukuha na kita ng pinggan," sabi ng mama niya sa kaniya at kinuha na nga siya ng pinggan at mga kubyertos.
Inilagay ni Chesca ang gamit niya sa sala at bumalik sa dining area at umupo sa tabi ng kapatid niya. Ginulo niya ang buhok ni Carlo at nginitian. Ganoon din naman ang ginawa ni Carlo pero wala silang binitawan na mga salita.
"Mukhang pagod na pagod ka," puna ng papa niya nang mapansin na nanglalata ang anak. "Sobrang dami ba ng ginagawa?"
Tumango si Chesca at kinuha ang kanin na inaabot ng mama niya, "Malapit na po kasi ang finals kaya nagpatong patong na naman ang mga ginagawa namin."
"Hell week," biro pa ng mama niya.
Ngumiti ang anak at tumango, "Sobra po. Parang mas grabe pa kaysa noong first sem."
"Don't worry, Chesca. After ng lahat ng 'yan bakasyon na. Konti na lang. Kaya mo 'yan."
Ngumiti ulit siya at sobrang nagpasalamat sa encouragement ng magulang. Parang nawala ang pagod niya dahil sa kanila pero nang maisip niya ulit lahat ng schoolwork na nakatambak pati na rin ang mga lessons na dapat niyang ireview pagkatapos ng mga project at requirements ay napapagod na ulit siya.
BINABASA MO ANG
One Thing Remains by iDangs
General FictionSabi nila hindi mo mapipili ang magiging kapatid mo pero pwede mong piliin ang magiging bestfriend mo. Sa kaso ni Chesca at Carlo, hindi nga nila piniling maging magkapatid pero pinili nilang maging bestfriend ang isa't isa. Sobrang close nilang dal...