Ilang linggong naging busy si Chesca sa buhay kolehiyo pati na rin sa mga kaibigan niya kaya tambak ang mga pinapaturo sa kaniya ni Carlo. Noong mga nakaraan kasi ay naging kaunti ang oras na nilalaan ni Chesca sa pagtuturo sa kapatid dahil sa dami ng ginagawa niya. Napansin din naman 'yon ni Carlo dahil kahit kaunti pa lang minsan ang natuturo ng kapatid sa kaniya ay nagpapaalam na ito.
Naisip na lang tuloy niya na siguro busy lang talaga ang mga buhay ng college students. Pero dahil sembreak naman nila Chesca, naging maluwag na kahit papaano ang schedule niya.
Kasalukuyan niyang tinuturuan ang kapatid sa isang subject.
"Ganito, ate? Tama ba 'tong mga sagot ko?" tanong ni Carlo at inabot ang notebook kay Chesca.
Kinuha naman 'yon ng kapatid at binasa. Sumilip si Carlo sa notebook at nang ilang segundo na ay chinecheck pa rin ng kapatid ang mga sagot niya kaya naisipan na lang niyang laruin ang mga gamit niyang nakakalat sa lamesa.
"Ito," panimula ni Chesca kaya bumalik ang atensyon sa kaniya ni Carlo. Tumingin ito sa tinuturo ng kapatid. "Tama 'to. Pati itong mga ibang numbers. Pero may dalawa kang items na hindi naitama."
Kumunot ang noo ni Carlo sa tinuro ng kapatid. "Ano ang tamang sagot diyan, ate?"
Kinuha ni Chesca ang lapis at isusulat na dapat ang sagot nang maisip niya na hindi matututo ang kapatid kung siya lang ang sasagot para sa kaniya. Kaya para mas maturuan at mas matulungan si Carlo na maintindihan ang equation ay tinuro na lang niya ang step by step process.
Nang medyo maintindihan na ni Carlo ang itinuro niya ay gumawa siya ng panibagong set ng questions at pinasagutan sa kapatid.
Habang hinihintay niyang matapos si Carlo ay kinuha niya ang phone niya para malibang. Nakipagpalitan siya ng messages sa mga kaibigan. Pinaalala ng mga ito na magpaalam na siya sa parents niya habang maaga pa. May lakad kasi sana silang magkakaibigan. Parang celebration na rin sa pagtatapos ng isang sem at para na rin makapag-enjoy man lang sila.
Kaya nang marinig ni Chesca ang pagbukas ng pinto ay agad siyang tumingin doon. Ilang sandali lang ay lumitaw ang papa niya na may mga dala pang pasalubong na pagkain sa Jollibee para sa kanilang magkapatid.
"Pa!" tawag ni Chesca sa papa niya at tumakbo palapit dito para magmano. Tinulungan niya rin ito sa mga bitbit.
Sumunod naman si Carlo at nagmano rin sa papa niya. Napangiti siya dahil naaamoy na niya ang Chickenjoy na ngayon ay bitbit ni Chesca.
"Aba ang sipag naman ng dalawang 'to. Nag-aaral pala kayo," papuri sa dalawa. Lumapit ang papa nila sa lamesa kung saan nakakalat ang mga gamit ni Carlo. Tiningnan niya ang notebook ng anak at chineck ang mga sagot.
Nang masigurado niya na tama ang lahat ng sagot ng bunsong anak ay hinarap niya ito, nginitian at ginulo ang buhok, "Good job, Carlo. At dahil diyan, inuwian kita ng..." Huminto pa siya sa pagsasalita at kinuha ang isang lalagyan ng chicken. "Chickenjoy!"
Lumawak naman ang ngiti ni Carlo at tinanggap ang ibinigay ng papa niya.
"Nga pala, Pa, magpapaalam po sana ako sa inyo," agaw ni Chesca sa atensyon ng papa niya.
"Tungkol saan?"
"Well, kasi po, since sembreak ngayon, naisipan namin ng mga kaibigan ko na magswimming sa isang resort. Malapit lang naman po dito 'yon. Kaya lang po overnight 'yon."
Nang hindi agad sumagot ang papa niya ay pinagdikit pa ni Chesca ang mga kamay at humarap dito, "Sige na po please."
Nag-isip pa ang papa nila pero pumayag din naman. Kaya lang marami pa itong naging tanong tulad ng kailan, sinong kasama, saan, anong oras uuwi, anong oras aalis at iba pa. Matapos naman ng mga tanong ay ang mga paalala niya sa anak na mag-iingat at huwag masyadong makikipagkulitan kapag nasa pool at manatili lang sa safe na lugar.
BINABASA MO ANG
One Thing Remains by iDangs
General FictionSabi nila hindi mo mapipili ang magiging kapatid mo pero pwede mong piliin ang magiging bestfriend mo. Sa kaso ni Chesca at Carlo, hindi nga nila piniling maging magkapatid pero pinili nilang maging bestfriend ang isa't isa. Sobrang close nilang dal...