CHAPTER TWENTY-FIVE
Pinagpasyahan muna nila na ihinto ang kotse sa tabi ng daan, isara ang lahat ng mga bintana at matulog ng gabing iyon. Kinaumagahan ay pinagpatuloy na ng tatlo ang paghahanap.
Pero natigilan sila nang may makita silang mga jeep at truck na nasa unahan nila. Agad nilang nakilala na mga sundalo ang lulan ng jeep at mga sasakyan. Mga sundalong naka-camouflage pero ang iba naman ay pang-sibilyan ang suot. Lahat ay armado.
Agad na inatras ni Audrey ang sasakyan at iniliko muna iyon papasok sa gilid ng baku-bakong kalsada.
"Shit, mga terorista yata," sabi ni Audrey.
"Mga rebelde," ani Ross.
"Paano napunta ang mga iyan dito?" tanong naman ni Albert.
"May hide-out siguro sila rito," ani Ross.
"Paano na yan? Hindi kaya nahuli na nila sila Ate?"
"Ganito, ang isa sa atin ay magpapabihag sa mga iyan," ani Ross.
"Are you kidding?" pakikisali naman ni Audrey sa usapan. "Paano kung wala naman sa kamay ng mga terrorist na iyan sina Tristan? Eh 'di napahamak pa ang isa sa atin?"
"Malakas ang kutob ko na madadamay sina Kuya Tristan," ani Ross, "namukhaan ko kasi ang isa sa kanila."
"Ano naman ang relation ng namukhaan mo kay Tristan?"
"Siya si Abhmed Arahar," sagot ni Ross sa kanya. "Nakalaban siya ni Kuya Tristan sa eleksyon sa pagiging mayor. Natalo siya, obviously. Pero hindi siya makakapayag siguro na ganun-ganun na lang. Gusto kasi niya na mamayagpag sa Luzon ang relihiyong Islam eh."
"So, a way for him to do that is to become a mayor?" conclude ni Audrey.
"Yes, Audrey. Matagal na siyang naninirahan dito sa atin eh, kaya okay lang nung tumakbo siya bilang mayor. But Kuya Tristan won. Nawala si Abhmed, pero bago siya nawala, naalala mo na noong pumunta siya sa munisipyo para bantaan ang kuya ko na magsisisi ito sa pambabalakid sa mga plano niya? I think ngayon na siya maniningil."
"Oh no," ani Audrey.
"Kaya ako ang magpapahuli sa kanila," anito, "bumaba na kayo ng kotse."
"Ha?" react ni Albert. "Mahihirapan kaming bumalik sa bayan ng walang sasakyan!"
"I know," anito, "pero kung magpapakita kasi ako sa kanila na walang dalang kotse, mas lalo nilang iisipin na imposible akong mapadpad dito ng walang kotse. Maiisip nila na may mga kasama ako, tapos hahanapin nila kayo. Patay tayo pag ganun. Kaya ang gagawin natin, magtago lang kayo sa likod ng mga puno, tapos magmamaneho ako papunta sa kanila. For sure naman, iiwanan lang nila itong sasakyan ko sa kalsada. Manigurado lang kayo na nakaalis na silang lahat bago niyo kunin itong sasakyan. Bumalik kayo sa bayan at humingi ng tulong."
"Paano ka naman namin mako-contact?" tanong ni Albert.
Inilabas ni Ross ang cellphone at headphone nito. "Siyempre, ito ang gagamitin ko. Itatago ng buhok ko ang headphones tapos ang mouth piece naman," isinuot na nito ang headphones, "narito malapit sa dibdib ko, matatakpan siya ng shirt ko. Then ang cellphone ko naman, iipitin ko sa garter ng pantalon ko."
Tumango-tango si Albert saka agad na bumaba ng sasakyan kasama si Audrey.
"Ross-" tawag ni Audrey sa kanya, "-be careful."
Nginitian siya nito. "Lagi naman eh."
* * *
Paggising ni Katrin ay nagtaka siya dahil wala na ang mga bata sa silid. Si Tristan naman ay natutulog pa rin sa tabi niya. Nakayakap pa ito sa bewang niya.
"Tristan," gising niya rito. Medyo nahirapan din siyang gisingin ito.
Ilang segundo pa ang napa-ungol ito saka iniangat ang ulo. "B-Bakit, love?"
"Ang mga bata, nasaan na sila?"
"May mga anak na tayo?"
Hindi malaman ni Katrin kung matatawa siya rito o ano. "Get serious, Tristan. Narito pa rin tayo kina Mang Pedro. Yung mga anak niya ang tinutukoy ko."
Napatawa naman ng mahina si Tristan bago nahiga ulit. Yumakap pa ito ng mahigpit sa kaniya at isinubasob nito ang mukha sa leeg niya. "Baka mga gising na at kumakain na ng almusal. Hayaan mo na ang mga iyon."
"Tara na rin kaya?" anyaya niya rito habang iniikot ang katawan paharap sa lalaki para mahawakan ang mukha nito. "Gutom na ako eh."
Idinilat nito ang mga mata at ngumiti sa kanya. "Ako na lang ang kainin mo."
"Tse," tawa ni Katrin. "'Ayan ka na naman eh. Tsaka na tayo maglapaan, okay? Pag kasal na tayo? Now, come on, dali na..."
Bumangon na si Katrin kaya wala nang choice si Tristan kundi ang patamad na bumangon ng higaan. Pagkaligpit nila ng pinaghigaan ay lumabas na sila ng silid. Nagtaka sila dahil parang ang tahimik ng bahay. Wala ang ingay ng mga bata at ni Aling Ines na laging sinasaway ang mga ito.
"Nasaan na sila?" tanong ni Katrin kay Tristan.
Napakibit-balikat na lang ito. Nilingon niya si Katrin ng bigla itong yumakap sa braso niya.
"Bakit?" tanong sa kanya ni Tristan.
"P-Parang.. may masama kasi akong kutob eh-"
"Kutob mo na naman," he groaned saka inakbayan si Katrin. "Masyado ka namang kabado, malay mo nasa silong lang sila."
"Eh bakit wala akong marinig na ingay?"
Bago pa sila makalabas ng bahay ay pumasok na si Mang Pedro na tila nagulat dahil nakita nito na gising na sila.
"O, heto si Mang Pedro," ani Tristan kay Katrin bago kinausap ang lalaki. "Magandang umaga, Mang Pedro."
Alanganing ngumiti ang lalaki sa kanila. "Sa inyo rin, Tristan."
"O, eh, asan na pala sina Aling Ines?"
"Pinagpasyal ko muna sila ng mga bata sa bayan."
Lalong kinabahan si Katrin sa sinabi ni Mang Pedro. Humigpit tuloy ang yakap niya sa bewang ni Tristan. "Eh, gano'n po ba? Aling sasakyan po ang ginamit nila?"
Natahimik si Mang Pedro.
"You are lying," panghuhuli sa kanya ni Katrin. Nagtataka namang niyuko ito ni Tristan.
"Katrin," bulong niya rito, "anong ibig mong sabihin?"
"Nagsisinungaling siya," sabi niya. "Walang sasakyan si Mang Pedro nang dumating tayo rito! Hindi naman niya magagamit ang sasakyan natin dahil bukod sa hindi susi ang ginagamit natin para paandarin ang kotse, wala na iyong gas na laman. At hindi ba itinago mo yung galon ng gas?"
Sabay silang napatingin kay Mang Pedro na ngayon ay may nakatutok na itak sa kanila.
"Magaling," anito, "pero huli na ang lahat."
"Shit. Kailan ka pa naging Pedro Penduko, Mang Pedro?" ani Tristan.
"Tristan, papatayin na niya tayo nakukuha mo pang mag-joke ng corny?"
Nilingon nito si Katrin. "Kayang-kaya ko yan," bulong niya rito saka nito binitiwan si Katrin para sugurin si Mang Pedro.
Agad na iwinasiwas ng matandang lalaki ang itak, pero naiwasan iyon ni Tristan hanggang sa mahawakan na niya ito sa braso. Nagbuno ang dalawa hanggang sa mabitawan ni Mang Pedro ang itak. Sinikmuraan ito ni Tristan kaya napabaluktot ito sa sahig.
"Tara na, love," anito saka agad na hinila sa braso si Katrin.
Tumakbo sila palabas ng bahay pero tulad nga ng sabi ni Mang Pedro, huli na ang lahat. Huling-huli na.
Nasalubong kasi nila ang grupo ng mga terorista o rebelde, anuman ang gusto ninyong itawag sa kanila, at ang mga sasakyan nila na nakaparada na. Agad naman silang tinutukan ng mga ito ng mga dala nilang baril.
BINABASA MO ANG
I Love To Be With You (COMPLETE)
RomanceI love to be with you, I want to give you a second chance. Pero ikakasal ka na.