♡ 4 ♡

177 30 15
                                    

Dahan-dahang ipinarking ni Exel ang sasakyan sa tapat ng maliit na inuupahan ni Moira. Mukhang hindi inasahan ng binata ang itsura ng lugar kung saan tumutuloy ang dalagang kasama. Nanliit naman si Moira dahil kitang-kita niya sa mukha ng binata ang pagkagulat. Sino ba naman kasi ang hindi magugulat kung pawang pinagtagpi-tagping plywood lang at mga lumang materyales ang two-door apartment na inuupahan niya kasama si Angge na nasa kabila? Wala naman siyang magagawa dahil gano'ng tipo lang naman ang kaya niyang bayaran. Sino siya para magreklamo? Hindi nga niya sigurado kung tama bang apartment ang itawag niya sa tinutuluyan. Para lang kasi itong kulungan ng baboy, bawas na 'yong amoy at dumi.

At dahil hilong-hilo na si Moira at tila bibigay na rin ang katawan, dali-dali na lang niyang binuksan ang pinto ng kotse. Bago siya lumabas, binalingan niya si Exel at sinabing, "Salamat."

Lumingon din sa kanya ang binata at tumango lang. Halata pa rin ang pagkagulat sa mukha nito. Pati rin siguro pagkadismaya ay naipinta na sa mukha ng binata.

Lumabas na nga si Moira sa sasakyan at hinilot ang kanyang sentido. Umiikot na talaga ang paligid niya sa sobrang hilo. Hindi pa siya nakakatatlong hakbang nang lumabas din si Exel sa sasakyan.

"Moira, sunduin kita sa susunod na araw. Ako na ang maghahatid sa'yo kay Carmonita so you can officially start on your new job. Is that okay with you?" Hinawakan siya ng binata nang sabihin nito iyon.

Tumango naman siya at ngumiti nang pilit. "Salamat talaga, Exel."

"Seven in the morning sa makalawa. Okay?"

Tinanguan niya ito. Akala niya aalis na nang tuluyan ang binata ngunit nagulat siya sa huli nitong sinabi bago ito pumasok sa kotse nito.

"Moira, please recall kung saan tayo nagkita. I really think I know you. I just can't remember when and where."

¤ ¤ ¤ ¤ ¤ ☆ ¤ ¤ ¤ ¤ ¤

Ipinilit ni Moira na imulat ang kanyang mga mata dahil sa sunod-sunod na katok mula sa kanyang pinto. Hinilot niya ang kanyang sentido habang binabagtas ang maliit na espasyo mula sa kanyang matigas na kama papunta sa isang maliit na lababo. Naghilamos muna siya bago binuksan ang pinto.

Hindi na siya nagulat nang makita ang kapitbahay niyang si Angge sa labas ng kanyang maliit na kuwarto. "Ikaw pala," matipid niyang wika.

"Ano ka ba naman, Moira? Alam mo bang sa ginawa mo, pinag-alala mo ako? Magdadalawang araw kang nawala at ni hindi kita mahanap tapos nang umuwi ka, buong araw ka namang nakakulong diyan sa loob ng kuwarto mo! Malay ko naman kung may nangyari na sa'yong masama sa loob, 'di ba? Natanggal ka pala sa canteen, pumunta pa ako ro'n dahil nag-alala na ako. Saan ka ba nagpunta? Ang lakas pa ng ulan kahapon!" Mahabang litanya ni Angge sa kanya. Ni hindi man lang siya nakakurap.

"Anong isang buong araw? Kahapon? Anong oras na ba?" inosente niyang tanong sa kapitbahay. Wala siyang kamalay-malay kung anong oras na.

Nagkamot naman sa ulo si Angge. "Ano ka ba naman, Moira? Sadya ba talagang may toyo na 'yang utak mo? Mula nang maihatid ka ng kasama mong nakakotse ng alas tres kahapon, nagmukmok ka na riyan sa loob! Pasado alas diyes na ng umaga. Naku naman, Moira. Ako ang natatakot sa'yo eh. May pagkaweirdo ka na nga tapos gagawa ka pa ng mga bagay-bagay na nakamamatay sa nerbiyos sa aking kapitbahay mo."

Nasapo naman niya ang ulo. "Naku. Gano'n ako kahabang nakatulog?"

"Malamang. Puwede ba, Moira, ibaba mo na 'yang depensa mo at kung may problema ka man sa buhay, ilabas mo na lang sa akin para naman maging magaan naman ang pakiramdam mo. Hindi 'yong nandadamay ka pa ng ibang tao sa pag-aalala sa'yo."

At tila naman nagising ang buong sistema ni Moira sa narinig. Malamig ang kanyang boses nang sabihin niyang, "Wala namang umoobliga sa'yo na mag-alala sa akin."

The Best Of MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon