♡ 9 ♡

105 15 6
                                    

Unti-unting iminulat ni Moira ang mga mata. Naramdaman niya ang pagkirot ng kanyang likod. Inilibot niya ang paningin sa loob ng kuwarto kung saan siya naroon. Napagtanto niyang nasa motel pa rin siya. Pinilit niyang bumangon at pinakiramdaman ang sarili. Wala naman siyang naramdamang kakaiba. Balot pa rin siya ng kanyang mga damit.

Napakislot siya nang biglang may dumagundong na boses mula sa loob ng banyo. Hindi lubos na nakapinid ang pinto nito kaya rinig na rinig niya ang boses. Kasama niya pa rin pala sa loob ng kuwarto si Bruno, ang lalaking pinagbentahan sa kanya ni Paula. Kumulo ang dugo niya nang muling maisip ang ginawa ng amo sa beer house na pinagtatrabahuan.

"Nawalan siya ng malay! Anak ng putakte! Kanina lang, mga sampung minuto na. Ayoko naman siyang galawin na ganyan! Kapag hindi ko pa napapakinabangan 'yang alaga mo hanggang mamaya, babawiin ko ang binayad ko sa'yo!"

Tumindig ang balahibo ni Moira sa narinig. Ang lakas ng tibok ng puso niya. Sinubukan niyang tumayo kahit nanginginig ang mga tuhod niya. Kahit pa pakiramdam niya ay mabubuwal siya, pinilit niyang makalapit sa pinto ng banyo.

Sinilip niya ang loob nito. Nakatalikod si Bruno habang hawak-hawak nito ang cell phone sa isang kamay. Dahil abala ang lalaki sa kausap nito na nasisiguro niyang si Paula ang nasa kabilang linya, nagdesisyon si Moira na takasan ang mga ito. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa pinto. Kailangan niyang makalabas bago pa siya mapansin ni Bruno.

Muling nagsalita ang lalaki. "Oh, sige. Ibang babae na lang ang dalhin mo rito. Ngayon na! Ngayon na, ha? Bago ko pa masaktan 'tong maarteng alaga mo!"

Kaunting hakbang na lang at mararating na ni Moira ang pinto. Nanginginig ang buo niyang katawan ngunit pinilit niyang magpakatatag. Ayaw na niyang magtagal sa lugar na 'yon.

"Anong pareho ang presyo? Depende kung sino ang ipapalit mo kay Moira. Kaya lang naman ako umoo sa presyo mo kasi si Moira talaga ang gusto ko. Alam mo namang matagal ko nang pinagnanasaan 'yang alaga mo."

Napalunok si Moira sa narinig. Hindi siya makapaniwalang nasa isang alanganin siyang sitwasyon. Nabibili na pala siya ng pera. Pera lang pala ang halaga niya.

"Konti na lang," bulong niya sa sarili. Dahan-dahan ang mga ginawa niyang hakbang. Hindi siya magpapatalo sa mga naiisip niya. Alam niyang nakakapanghina ng loob ang sitwasyon niya ngayon pero lalaban siya.

"Masyado naman yatang marami ang hinihingi mo, Paula! Hindi ko pa nga napapakinabangan tapos nagpapadagdag ka pa sa presyo? Ganito na lang, hanggang bukas sa akin si Moira kung gano'n. Kalimutan mo na 'yong babaeng hinihingi ko basta hanggang bukas sa akin si Moira. Hindi ko lang maipapangako na hindi ko ito masasaktan. Makakatikim talaga 'to sa akin kapag patuloy sa pag-inarte."

Nanginginig ang mga kamay ni Moira nang hawakan niya ang doorknob. Pinihit niya ito. Pigil ang kanyang hininga. Dahan-dahan niyang hinila ang pinto ngunit gumawa ito ng mahinang ingay. Mas lalo siyang kinabahan kaya napaigtad siya at sigurado siyang nakagawa siya ng kaluskos. Tumulo agad ang luha niya nang marinig niya ang mga yapak ni Bruno hudyat ng paglakad nito.

Para siyang binuhusan ng yelo at namanhid ang buo niyang katawan. Ni hindi niya maigalaw ang mga paa na kahit naisin niyang tumakbo ay ayaw gumana ng mga ito. Ang bigat ng pakiramdam niya. Nais niyang sumigaw ngunit walang lumalabas na boses sa bibig niya. Para siyang kandilang nauupos.

Nanginig ang buo niyang katawan nang biglang bumukas ang pinto ng banyo at iniluwa roon ang gulat na si Bruno. Biglang nagsalubong ang mga kilay nito at agad siyang nilapitan. "Anak ng..."

Mabilis naman niyang pinihit muli ang doorknob habang papalapit ito. Binuksan niya agad ang pinto ngunit mabilis din siyang napigilan ni Bruno.

The Best Of MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon