♡ 6 ♡

139 22 15
                                    

Mahigit tatlong buwan nang nagtitiis si Moira sa lahat ng pambabastos at panghihipo ng mga lalaking umiinom sa beer house ng nakilala niya sa terminal ng bus noon na si Paula. Gaya ng kanilang naging usapan, serbidora lang ang papel niya sa beer house ngunit hindi pa rin siya nakakatakas mula sa mga bastos na lalaki at ang malilikot na mga kamay ng mga ito.

Dali-dali niyang inalis ang kamay ng isang parokyano mula sa kanyang baywang nang hapitin siya nito. Matapos ibaba ang order nitong pulutan, hindi nakatiis si Moira na pagalitan ang lalaking humawak na naman sa kanya. Sa araw na iyon, panglima na yata niyang sasabihin ang, "Ano ba? Ilang ulit ko pa bang sasabihin na serbidora lang ako rito?"

Mukha namang nainis ang lalaki sa inasal niya. "Bakit ang sungit mo ha?" Hinablot nito ang kanyang kamay ngunit nagpumiglas siya.

"Bitawan mo ako!" Dahil sa lakas ng pagkakasabi niya, napatingin ang lahat sa kanilang dalawa.

"Magkano ka ba ha?" Mas humigpit pa ang hawak sa kanya ng lalaki at labis na siyang nasasaktan.

"Bitawan mo ako!" mangiyak-ngiyak niyang wika ngunit hindi pa rin siya pinapakawalan ng lalaki.

Agad naman silang dinaluhan ni Paula, ang may-ari ng beer house. "Bitawan mo 'yang alaga ko, Bruno."

Marahas naman siyang binitawan ng lalaki na siyang dahilan ng pagkatumba niya sa sahig. Kumikirot pa rin ang kanyang braso pero dahan-dahan siyang bumangon. Tumutulo ang kanyang luha nang pumanhik siya sa kusina.

Hinihilot niya ang braso nang bigla siyang daluhan ni Paula. Pinunas naman niya agad ang mga luha sa pisngi. Hirap na hirap na siya sa beer house. Araw-araw na lang siyang nababastos. Lahat na yata ng parte ng katawan niya ay nahipuan na ng mga bastos nilang parokyano.

"Moira, ano na naman bang pag-iinarte ang ginawa mo?" Halata ang inis sa boses ni Paula nang magsalita ito.

Napatungo na lang siya sapagkat alam niyang sesermunan na naman siya ng amo.

"Tatlong buwan ka na rito, hindi ka pa sanay? Hayaan mo na lang sila! Napakaarte mo!"

"P-pero kung saan-saan kasi sila nanghihipo. 'Yong iba nga lumalampas na sila."

Napabuga sa hangin ang kausap. "Malapit na akong mapika sa'yong babae ka. Hipo lang! Ang arte-arte mo!"

Tinalikuran na siya nito at naiwan siyang mag-isa. Hindi nagtagal, sumilip ulit ito sa kanya.

"Ano pang hinihintay mo? Lumabas ka na at magsilbi!"

Agad naman siyang sumunod sa utos nito kahit pa alam niyang makararanas na naman siya ng iba't ibang klaseng pambabastos sa labas.

May ilang oras pang nagtiis ang dalaga sa trabaho. Hapong-hapo siya nang matapos sila sa beer house. Katatapos lang nilang magsara at ilang oras na lang ay sisikat na ang araw. Papasok na si Moira sa maliit na silid na kanyang tinutulugan sa likod mismo ng beer house nang tawagin siya ni Paula.

"Magpalit ka. May pupuntahan tayo."

Dahil inakala niyang isasama na naman siya nito sa pagbili ng ilan nilang supplies sa beer house, sumunod siya rito.

Hindi nagtagal, lulan na sila ng taxi at huminto sila sa isang gusaling mukhang lumang hotel. Biglang sinalakay ng takot ang buong sistema ni Moira nang mapagtantong motel ang pinagdalhan sa kanya ni Paula.

"A-ano'ng ginagawa natin d-dito?" kinakabahang tanong ni Moira sa kasama. Bigla na lang siyang nanginig dahil sa itsura ng kausap, alam na niyang masama ang balak nito sa kanya.

The Best Of MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon