DUGO NG MANGKUKULAM

61 0 0
                                    

Hindi siya makahuma sa matinding pagkatakot, lalo na nang magsimulang maglabas-masok sa bibig nito ang mahaba at napakatulis na dila nito.

HALOS kalahating oras na yata sa embalming table ang bangkay ng isang matandang babae pero hindi pa rin ginagalaw ni Nestor. Nakatingin lang siya rito habang may hindi maipaliwanag na kabang nararamdaman. Pitumpung taong gulang na ito at atake sa puso ang ikinamatay. Kaninang umaga pa ito namatay pero nang mahawakan niya ito mga ilang minuto pa lang ang nakararaan ay mainit at malambot pa ito.

Kasama niya sa embalming chamber ang kapwa niya embalsamador na si Tony nang dalhin doon ang bangkay ng matanda upang ayusin. Maraming kuwento si Tony tungkol dito.

Ayon kay Tony, mangkukulam daw ang matandang babae. Mismong isa raw sa mga naging biktima nito isang kuwarenta anyos na babae na ang asawa ay namatay sa mahiwagang sakit ang nagpunta sa punerarya kanina upang alamin kung talagang patay na ang matanda. Galit na galit daw sa matanda ang naturang babae pati na ang mga kasama nitong kamag-anak. Kung ang mga ito raw ang masusunod, susunugin na lang ng mga ito ang bangkay ng matandang babae upang matiyak na hindi na uli ito mabubuhay at makakapaghasik ng lagim. Naawat lang daw sa panggagalaiti ang mga ito nang dumating ang ilang kamag-anak ng patay.

Hindi raw mangkukulam ang matandang babae, ayon sa mga kamag-anak nito. Kung totoo raw na mangkukulam ito, bakit hanggang ngayon ay buhay pa raw ang mga kaalitan nito? Kung may kapangyarihan daw talagang pumatay ang matanda nang hindi ito nag-iiwan ng ebidensiya, hindi ba dapat ay patay na ang lahat ng kagalit nito at lahat ng may atraso rito?

Na lohikal lang naman para sa kanya. Kung totoong may mga mangkukulam nga na kayang pumatay nang walang iniiwang ebidensiya, hindi ba dapat ay kabi-kabila na ang mga taong bigla na lang nabubuwal at namamatay o bigla na lang dinadapuan ng mga nakamamatay na karamdamang kahit ang pinakamagaling na doktor sa buong mundo ay hindi kayang tukuyin at gamutin?

“Hindi gano’n “yon,” naiiling at nangingiting wika ni Tony sa kanya kaninang kausap niya ito. “Totoo ang mangkukulam, pare. Pero hindi nila kayang mambiktima o pumatay maya’t maya. Sa mga pelikula at komiks lang nangyayari yong may mangkukulam na araw-araw ay may pinapatay o pinahihirapan.”

Ayon pa rin kay Tony, sa totoong buhay, ang mga mangkukulam daw, pagkatapos ng isang seremonya ng pangkukulam ay nasasaid ang lakas at kapangyarihan. Isang taon daw ang kailangang palipasin bago nito mabawi ang lakas at kapangyarihan nito. Saka lang daw uli nito kayang magsagawa ng ritwal ng pangkukulam o pambabarang. Kapag tinangka raw ng isang mangkukulam na pumatay ng dalawang katao o higit pa sa isang taon ay ikamamatay raw nito iyon.

Hindi nakapagtataka na interesado si Tony sa bangkay ng matandang babae, na may mga alam ito tungkol sa kulam. Galing ito sa isang lalawigan kung saan napapabalitang naglipana ang mga mangkukulam. May ilan na nga rin daw itong kamag-anak sa probinsiya nanabiktima ng mga mangkukulam. Pinalad lang na hindi mangamatay. Hindi naman daw lahat ng mangkukulam ay kayang pumatay. Ang iba raw ay kaya lang magbigay ng sakit o karamdaman na tumatagal lang nang ilang araw.

“Pero “yan daw,” ani Tony na nakaturo kanina sa matandang babae na hubad na nakahiga ngayon sa harap niya. “Mabagsik daw na mangkukulam yan. “Pag gusto mo raw mamatay ang taong ipakukulam mo sa loob lang ng dalawa o tatlong araw, “yan daw ang puntahan mo.”

Sinimulan na niyang paliguan ang bangkay ng matandang babae. Marami na siyang nalinis na bangkay ng matatandang tao ngunit kakaiba ang katawan ng “mangkukulam” na ito. Kulubot na kulubot at tuyung-tuyo na ang halos buto’t balat na katawan nito. Parang dalawandaang taon na ang edad nito sa sobrang pagkakulubot ng katawan nito.

Dahil sa nakita ay muli niyang naalala ang ikinuwento ni Tony. Hindi rin daw gumagamit ng manyika ang mangkukulam na ito. Sariling dugo raw ang ginagamit nito sa pangkukulam. “Bibigyan ka niya ng ilang patak ng dugo niya at ihahalo mo “yon sa pagkain ng gusto mong kulamin. Sa sandaling inakain iyon, dadapuan na ito ng isang mahiwagang sakit. Iba-iba ang klase ng karamdamang ibinibigay ng mga mangkukulam sa kanilang mga biktima upang hindi raw agad matukoy ng mga tao kung sino ang bumiktima rito,” sabi pa nito kanina sa kanya.

Hamon Ni Kamatayan (Updating)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon