BULAKLAK NG HALIMAW

58 0 0
                                    

Tama ang sinabi ng tiyahin kay Milagros. Sinuman ang maging karibal ng halimaw sa kanya ay kakainin ng laho. Mawawala na parang bula. At heto, kada sipa niya sa pumpon ng bulaklak na bigay ng halimaw ay nakikita niya ang nagtatalsikang putul-putol na bahagi ng katawan ng mga lalaking sumasamba sa kanya…

NAPAKAGANDA ni Milagros. Dalaga na siya. Para siyang bulaklak na habang naglalakad ay nagsasabog ng napakabangong halimuyak. Ultimong puno ng kawayan ay gustong yumukod sa bawat matapakan ng dalaga.

Si Milagros ay tila isang Diyosa sa lahat ng mga lalaking gustong sumamba.

May isang nilalang sa loob ng kakahuyan ang laging nakamasid sa bawat kilos ng dalaga. Naaaliw ito tuwing makikitang namimitas siya ng mga ligaw na bulaklak.

“Akin ka, Milagros… magiging akin ka…!” ang bulong ng ayaw magpakitang nilalang.

Ang bulong ay tinangay ng hangin. Napalinga si Milagros nang maramdaman na parang may nagmamasid sa kanya. Daii-dali niyang binitbit ang basket ng bulaklak sa pangamba na may panganib na nakaamba sa kanya.

Marami ang nagkakainteres sa kanya kaya maingat ang dalaga na mapangalagaan ang dangal.

Karamihan sa kalalakihan sa baryo nila ay nangangarap mapaibig si Milagros. Mabait naman ang dalaga pero marami rin ang naiilang na lumapit sa kanya.

Madalas, kapag nagkakatipon ang mga kalalakihan ay ang magandang dalaga ang paksa.

“Maging akin lang si Milagros, puwede na akong magpakain sa buwaya,” bulalas ni Vino nanasa kumikinang na mga mata ang malabis na pag-ibig sa dalaga.

Isang matanda ang nagpakita ng gintong singsing na may malaking brilyanteng nakatanim. “Sa laki ng bato ng singsing ko, ewan lang kung hindi masilaw ang babaing gugustuhin ko. Mismo.”

May lihim na pagtingin din pala ang matandang si Julian sa musa ng baryo. “Sagutin lang ako ni Milagros, bukas nabukas din puwede na akong ilibing nang buhay.”

Si Enteng na natatawa lang sa usapan ay nagawa ring magparinig. “Sige, pag nabiyuda na lang si Milagros, saka na ako didiskarte sa kanya.”

Malakas na kinutusan ni Vino si Enteng. “Kahit ikaw pa ang kahuli-hulihang lalaki, hindi kapapasa kay Milagros. Ambaho ng hitsura mo!” Saka ito tumawa nang ubod lakas at muntik pang tumalsik ang pustiso sa tawa.

Lalong umugong ang tawanan.

Ang malakas at masayang tawanan ay hindi nagustuhan ng selosong nilalang sa kakahuyan. Kailanman ay hindi ito papayag na may maging karibal sa pag-ibig ni Milagros.

NABULABOG ang katahimikan ng gabi sa isang malakas na panaghoy. Nakakakilabot na panaghoy.

Ginising noon si Milagros at ang tiyahin.

“Diyos ko! Nagising na yata ang halimaw sa kakahuyan!” sambit ng tiyahin.

Gulat na napatingin ang dalaga sa matanda.

Ang tiyahin ni Milagros ay nabalot ng pangamba. “Milagros, niligawan ka ba ng halimaw?” tanong sa pamangkin.

Napaigtad sa pagkakahiga ang dalaga. “Tiya, sino bang halimaw? Wala akong manliligaw na halimaw.” Bigla tuloy natakot ang dalaga sanarinig.

“Basta, huwag ka munang pupunta sa kakahuyan. Delikado. Iba na ang nag-iingat. Basta,” takot ang anyo ng matanda.

Matagal ding hindi lumabas ng bahay si Milagros. Pinagbawalan siya ng tiyahin. “Huwag kang pupunta sa kakahuyan, hindi mo ba alam na may namamahay doong halimaw.”

Akala nga ni Milagros isa lang kuwentong bayan ang tungkol sa halimaw. Napalingon siya sa tiyahin. “Totoo ho ba iyon? Totoo ang halimaw?”

“Naka!” piyok ng matanda. “Kapag nakursunadahan ka ng halimaw na iyon, lahat ng lalaking magkakagusto sa iyo, kakainin ng laho.”

Hamon Ni Kamatayan (Updating)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon