Sumulyap ito sa kanya bago ito nagbaril sa sarili. Nawala agad ang aparisyon nito ngunit hindi ang dugong nakita niyang pumuslit mula sa ulo nito.
SINO ang mag-aakala na pagbukas ni Leandro sa pinto ng kuwarto ng kanyang ama ay makikita niya ito na nakadiin sa kanang sentido nito ang hawak nitong baril?
Sinakmal siya ng matinding pagkabigla. Ilang mahahalagang segundo ang lumipas na nakamata lang siya sa kanyang ama na nakapikit nang mga sandaling iyon, bumubuka-buka nang marahan ang bibig nito na tila nagsasalita bagaman wala naman siyang naririnig na salitang inuusal nito.
Hanggang sa isang putok ang nagpakislot sa kanya. Sinundan niya ng tingin ang dugong malakas na pumulandit mula sa ulo nito at ang pagbagsak ng katawan nito sa sahig kasama ang silyang kinauupuan nito.
Saka lang siya nakahiyaw. Pero huli na, hindi na maisasalba ang buhay nito.
Ang pagkakaroon ng malubhang sakit ang nag-udyok sa kanyang ama upang kitlin nito ang buhay.
Nagkaroon ito ng sakit sa atay. Ang hindi maawat na pag-inom nito ng alak ang sanhi ng karamdaman nitong iyon.
Ayon sa mga doktor, malubha ang sakit nito pero may pag-asa pa naman daw na gumaling. May pantustos naman ang pamilya nila sa mahabang gamutan. Dangan nga lamang, habang ginagamot ang kanyang ama ay araw-araw itong dumaranas ng walang katulad na kirot.
May paniniwala rin ito na hindi na ito gagaling. Kaya siguro minabuti na lang nitong mamatay.
PANGALAWANG gabi ng burol ng ama ni Leandro nang susian niya ang nakakandadong kuwarto nito dahil may kukunin siya roon. Pagbukas niya ng pinto ay nagitla siya nang may makitang tao sa loob ng kuwarto. Nakaupo ito sa isang silya habang nakaharap sa dingding. Pilit niyang inaaninag ang mukha nito dahil may kadiliman sa loob ng kuwarto nang unti-unti ay sumulyap ito sa kanya. Ito ay walang iba kundi ang kanyang ama! May nakatutok uling baril sa ulo nito. Kasunod niyon ay isang malakas na putok ang kanyang narinig. Ang sumunod na nakita niya ay ang pagtumba nito. Sa muling pagdilat niya ay wala na ang aparisyon nito.
Hindi na siya nagkalakas ng loob na manatili pa sa kuwarto nito. Agad niyang isinara ang pinto at mabilis na lumabas ng bahay. Dahil may sakit sa puso ang kanyang ina, sa mga kapatid na lang niya ikinuwento ang nakita niya.
Hindi iyon ang una at huling pagpapakita sa kanya ng kanyang ama. Dalawang gabi bago ang libing nito ay muli niyang nakita ang tagpong iyon hindi sa loob ng kuwarto nito dahil iniiwasan na muna niyang pumasok sa kuwarto nito kundi sa kalye, sa harap ng puneraryang kinabuburulan nito. Paglabas niya ng punerarya ay nakita niya ang kanyang ama, nakaupo sa silyang nakaposisyon sa gitna ng kalsada, nakatagilid ito sa kanya. Tulad ng naunang aparisyon nito, sumulyap muna ito sa kanya bago ito nagbaril sa sarili.
Ilang gabi pagkaraang mailibing ito ay nagpakita uli ito sa kanya sa kaparehong tagpo. Sa kuwarto naman ng kanyang ina niya nakita ito, nakaupo uli ito sa silya, nakatagilid sa kanya. Taliwas sa aktuwal na nangyari, sumulyap ito sa kanya bago nagbaril. May malungkot na ngiting nakaguhit sa mga labi nito nang sulyapan siya.
Bakit sa kanya lang ito nagpapakita? Bakit paulit-ulit na ipinapakita nito sa kanya ang naging kamatayan nito?
Walang katulad na pagdurusa ang nararamdaman niya tuwing maaalala niya ang malupit na tagpong iyon. Sa paglipas ng mga araw ay nagkahinala siya kung bakit. Sinusumbatan siya ng kanyang ama.
May tsansa sana na naisalba niya ang buhay nito kung naging mabilis lang ang pagkilos niya nang gabing iyon. Pero naging mabagal siya. Ilang sandali pa ang pinalipas niya na nakatulala lang siya sa kanyang ama habang nakaumang dito ang baril nito.
Ikinuwento niya iyon sa kanyang mga kapatid.
“Mali ang iniisip mo na sinusumbatan ka ni Dad sa pagkamatay niya,” wika ng panganay nila. “Walang may kagustuhan ng nangyari kundi siya. Kung mayroon mang dapat na manumbat, tayo yon dahil hindi niya ikinonsidera ang posibleng mararamdaman natin sa mangyayari.”