Ang ghost story na ito ay personal experience ng isa kong co-teacher sa Bulacan. Personal nilang naranasang mag-asawa na takutin ng isang posibleng “ghost caller”.
Buwan ng October noon, panahon ng fieldtrips sa school na pinapasukan ni Annie, kung saan siya ay isang English teacher. Kung si Annie ay high school teacher, ang asawang si Roger naman ay isang highway patrol officer.
Nang araw na iyon ay nasa Manila si Annie, nasa fieldtrip, kasama ng kaniyang mga estudyante. Lunch time noon kaya naisipan nitong tawagan sa cellphone ang asawa. Ang totoo, gawi na ni Annie na tawagan ang asawa from time to time upang masigurong ligtas ito sa trabaho.
Sa unang trial ay busy ang linya ng asawang si Roger. Ipinasya ni Annie na mag-try ulit after ten minutes.
“Hello? Pa.. .oo, nasa Ayala kami ngayon. Nag la-lunch ang mga bata, e. Nag-lunch ka na ba?”
“Hindi pa nga, e. Mga anong oras ka ba makakauwi?”
“By seven siguro nasa school na kami. Ikaw?”
“Hindi ko sure, Ma.”
“Wag kang magpa-late walang kasama ang mga bata.. .si Tita lang.”
“Pag hindi dumating ang kapalit ko paano ko makakaalis dito?”
“Hello? Hello, Pa.. .choppy ang dating mo.. .hello?”
“Try ko pa rin makauwi ng maaga.”
“Hello.. .hello, Pa, hindi kita marinig .. .hello?”
“Sabi ko try ko makauwi ng maaga.”
“Okay. Ano’ng gusto mong pasalubong”
“Kahit wala.”
“Buko pie?”
“Ano ka ba? Alam mo namang hindi ako kumakain no’n. Ma, s’ige na.. .on duty ako baka marinig ako ng amo ko .”
“Okay. Ingat ka d’yan.”
“Ingat din.”
“Pa…”
“O…?”
“Mahal kita…”
Sa kinaroroonan ni Roger ay bahagya itong napakunot-noo.
“Okay. Bye-bye na.”
“Hindi ka naniniwalang mahal kita?”
“Oo na. Sige na, ‘Ma. Bye.”
“Okay. See you later. Be faithful.”
Lalong kumunot-noo si Roger sa huling tinuran ng asawa bago naputol ang linya.
“Pare, sino ‘yon? Si Misis ba? Chinecheck ka agad? Aga naman?” pabirong komento ng kasamahan ni Roger.
Nangiti lang si Roger at muli nang lumulan sa patrol car.
Kinagabihan ay nauna pa ring makauwi ng bahay si Annie kaysa sa asawa. Tulog na ang kanilang mga anak nang dumating si Annie. Hinintay pa ang asawa saka sabay silang kumain.
“Ano’ng nakain mo kanina ha?” tatawa-tawang tanong ni Roger habang sila’y kumakain.
“Ano?” kunot-noo si Annie. “Ikaw nga ang sisitahin ko, e. Bakit mo ako pinagpatayan ng cellphone ha?”
Si Roger naman ang kumunot-noo. “Hindi kita pinagpatayan ng cellphone ano ka?”
“Ano’ng hindi? Pinagpatayan mo ko! Noong una choppy ka.. .ang labo ng dating mo. Tapos pinagpatayan mo na ‘ko.”
Sumeryoso na ang anyo ni Roger.
“Swear talaga.. .hindi ko ginawa ‘yon. Nagtaka nga ‘ko sa mga pinagsasabi mo kanina, e.”
“Pinagsasabi? Wala nga…”
“Sabi mo mahal mo ‘ko,” bahagya pang natawa si Roger. “Kelan ka pa naging corny? Mas prefer mo ang ‘love you’ kesa do’n ‘di ba? Tapos kanina may pamahal-mahal ka pang nalalaman d’yan.”
Tuluyang sumimangot si Annie sa harap ng asawa.
“Ano ba’ng pinagsasasabi mo d’yan? Wala akong sinabing gano’n. Ni hindi nga ako nakapag-goodbye sa ‘yo dahil pinagpatayan mo ‘ko ng cellphone buwisit ka! Pasalamat ka nga at kinausap pa kita at hinintay kumain ngayon.”
Napalis ang pilyong ngiti ni Roger. Waring saglit itong nag-isip.
“Teka lang.. .ano ang huling tanda mo na nasabi mo sa ‘kin kanina?”
“Na hindi kita madinig,” mabilis na sagot ni Annie.
Muling binalikan sa isip ni Roger ang konbersasyong naganap kanina.
“Hindi mo ba itinanong sa ‘kin kung.. .ano’ng gusto kong pasalubong?”
“Paano ko masasabi ‘yon pinagpatayan…”
“Hindi mo tinanong kung gusto ko ng buko pie? Hindi mo rin sinabing mahal mo ‘ko? Hindi ka ‘kamo nakapag-goodbye.. .hindi mo sinabing ingat ako at.. .lalong hindi mo sinabing maging faithful ako?”
“Hindi! Teka lang.. .ako ba’ng kausap mo?”
Nang maging choppy na ang reception sa konbersasyon sa cellphone ng mag-asawa ay totoong naputol na ang linya ni Roger. Iyon ang pagkakaalam ni Annie. Ngunit ang hindi alam ni Annie at ni Roger mismo ay hindi na ang asawa ang kausap sa cellphone. May “ligaw” na boses na nag butt-in na siyang nakausap ni Roger.
Iyon ang dahilan kung bakit may mga salitang sinabi ang “ligaw” na boses na pinagtakhan ni Roger. Dahil hindi gawing sabihin iyon ng asawa.
Nang ikuwento iyon ni Roger sa kasamahan ay waring hindi na ito nagtaka pa o nagulat man lang. Sa halip ay sinabi nitong: ‘Narinig ko na ang kuwentong ‘yon. Kailan lamang natuklasan ni Roger na ilan na sa kanilang kasamahan ang nakaranas ng katulad na eksperyensiya.
Ang ganoong pangyayari ay naganap sa iisang “spot” ng highway patungong Norte. May ligaw na boses na sumisingit sa phone conversation ng dalawang tao. Ayon sa mga nakaalam ng kuwento, posible raw na iyon ay ligaw na kaluluwang nanghihingi ng pansin at dasal.