Her Silence

1K 65 13
                                    

You may also read "Her Silence" in PSICOM's compilation of Fictional Literary pieces - REEDZ Volume 2

****

Dalawa lamang ang lubos na nakakaintindi sa aking sarili. Kaya mahalaga para sa akin si Diane at si ginoo na hindi ko pa alam ang pangalan – ang aking mga kaibigan.

Unti-unting bumabalot ang kadiliman. Naglakad ako papunta sa napakalaking kahon na pinaglalagyan ng mga damit, pumasok dito't umupo sa pinakagilid. Kinuha ko ang aking munting kaibigan sa bulsa. Siya lamang ang tanging nakakakilala sa 'kin. Siya lamang ang tanging saksi sa lahat ng aking pinagdaanan.

"Kumusta ka?" tanong ko sa kanya gamit lamang ang aking isip. "Samahan mo na muna ako, ah." Napangiti ako nang siya'y marahang tumango. Kahit papaano'y gumaan ang loob ko. Kahit ano'ng mangyari ay hindi niya ako hahayaang mag-isa.

Ang aking kaibigan ay kasing-laki ng aking palad at bilugan. Alam kong may tawag sa bagay na ito ngunit hindi ko maalala. Simula kasi nang mapulot ko ang bagay na ito ay lubos ko na siyang pinakaingatan at tinago. Babasagin ito, ayokong masira ang aking kaibigan at lahat ng malapit sa 'kin ay pinahahalagahan ko.

Siya'y pinangalanan kong Diane.

Napatingin ako sa nakasabit sa aking leeg. Siya ang isa ko pang kaibigan. Hindi ko rin alam ang tawag sa kanya. Isang araw, tinanong ko kung ano ang tawag sa ginoong nakayuko at nakapako sa tinatawag nilang krus ay sinampal lamang nila ko't pinagtawanan. Wala naman daw himalang mangyayari kung aalamin at papaniwalaan ko pa kung ano ang tawag at ibig sabihin nito. Gayunpaman ay hindi ko itinapon ang ginoo. Ang ginoo sa aking kwintas ay binigay ng isang ale na madalas na nakaupo sa isang napakalaking bahay – simbahan 'ata ang tawag nila dito. Sobrang laki niya at maraming taong pumpunta rito, lalung-lalo na sa t'wing araw ng Linggo upang makinig sa sinasabi ng isang lalaki na nakasuot ng puting bestida – ibang klase siyang bestida. Sa sentro ng napakalaking bahay na iyon ay may malaking bersyon ng aking kwintas. Hindi ko alam kung ano ang kasalanan niyang ginawa – marahil meron, marahil ay wala.

Ganoon din ako, kahit walang kasalanan ay pinaparusahan. Hindi ko lubos maisip kung ano ang napapala nila sa paggawa nito. Hindi ko maisip... hindi ko maintindihan dahil walang nagpapaitindi sa 'kin. Uhaw ako sa kaalaman ngunit walang nagpapainom sa 'kin ng karunungan.

Alam kong nahihirapan siya at kailangan niya ng karamay. Ngunit gusto ko man siyang tulungan ay hindi ko magawa. Hindi ko alam kung paano siya aalisin sa pagkapakong iyon. Gayunpaman, lagi kong suot ang kwintas dahil pakiramdam ko'y pinoprotektahan niya ko.

Katulad ni Diane, alam kong naiitindihan din ng ginoo ang aking sitwasyon. Ako'y napangiti. Dalawa lamang ang aking kaibigan ngunit sapat na ito. Hindi na ako naghahangad ng karagdagan pa. Sinandig ko ang aking ulo sa gilid ng malaking kahon na kinalalagyan ko, pumikit, at bumuntong-hininga. Kontento sa munti kong tahanan, kontento sa dalawa kong kaibigan.

Iba't-ibang ginoo ang naririnig ko sa bawat gabi na pinapapunta ni Mama sa 'ming tahanan. Manatili lamang daw ako sa aking kwarto at isarado 'yon. Kahit isa sa kanila ay hindi ko pa nakikita't nakakausap, marahil nga'y hindi alam ng mga ginoong iyon na may anak ang aking mama. Wala akong masabing masama tungkol dito dahil naririnig ko naman s'yang masaya.

Gusto ko na masaya si Mama. Noong nagpaalam si Papa upang umalis ay lubos na nagdusa si Mama. Sa t'wing umiiyak siya ay sinasamahan ko siya. Iiyak din ako ngunit sasabihin sa kanya na babalik din siya. Pero marami na kaming Paskong pinagsaluhan ni Mama ngunit wala pa rin si Papa. Hindi pa rin siya bumabalik. Ang sabi pa naman niya'y dadalhan niya ako ng napakaraming laruan, libro, at krayola. Dati ay mas sabik ako sa materyal na dinadala niya ngunit ngayon, makita lang si Papa ay sapat na.

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon