Mayo...Disyembre: PANIMULA

1.3K 12 3
                                    

Mayo...Disyembre: PANIMULA

Sa panahon ngayon, hindi na bago sa pandinig natin ang mga itinuturing na ipinagbabawal na pag-iibigan—mga pagtitingingang, sa kabila ng pagiging makabago ng mundong ating ginagalawan, ay hindi lubusang maunawaan at lalong hindi matanggap ng nakararami... mga simpleng damdaming pinapakumplika ng sari-saring sitwasyon.

Para sa mga ganitong kalagayan, ang kaganapan ng "happy ending" ay parte ng isang matayog na pangarap. Ang pagsasakatuparan nito ay bahagi na marahil ng isang matinding milagro.

Mapanghusga ang tao; metikuloso ang standards ng lipunan. Walang ligtas sa mga ito ultimo ang mga isyung napapaloob sa mga romantikong relasyon—ang babae ay para sa lalaki; ang binata, para sa ka-edad niyang dalaga; ang kauri, para sa kanyang katulad; at kung anu-ano pang klase ng pagpaparis. May ibang nagbibingi-bingihan sa mga samo ng kanilang kalooban, alang-alang na rin sa pagtanggap ng mga taong nakapalibot sa kanila. Gayunpaman, may pagkakataong tila wala pa ring makakahadlang sa siyang tunay na isinisigaw ng bawat damdamin... kahit na, ang katumbas nito ay ang paglihis sa kumbensyunal na landas. Mayroong nakikinig at tumutugon nang husto sa bawat pag-alingawngaw ng tumitibok nilang mga puso, na halos hindi na nila inaalintana ang kahihinatnan ng kanilang puwang sa lipunan.

Ang pag-ibig ay pag-ibig. Mananatili ito sa ganitong paraan, kahit ano pa man ang kontekstong kapapalooban nito. Ang 'di-hamak na mas mahalaga ay ang sinseridad at katapatan ng mga nagmamahalan. 'Yan ang isa sa mga napakaraming bagay na nais iparating nilang mga napapabilang sa mga bawal na relasyon... at sana ay siya ring maipahiwatig ng mga tauhan sa mga kuwentong inyong matutunghayan.

-Ang May-Akda

Mula sa Presidential Hometown

12.03.2013

(11.28.2013)

Mayo... DisyembreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon