Entry #2: Serinea

696 24 40
                                    

SERINEA
ELEMENTS:
A beauty contest & The only ugly woman in the world


"Mabuti't masamang ginto

Sa urian natatanto."

- Salawikain

***

NASAKSIHAN ko ang pagpatak ng mga luha sa malungkot niyang mga mata. Tangan niya sa kanyang mga kamay ang isang gintong kwintas na may palawit na tala. Nagliliwanag ito na parang isang totoong tala sa langit.

Sa wari ko'y inaalala niya rin ang aking pumanaw na ama. Ang amang hindi man lang nasilayan ng aking mga mata. Kaagad niyang pinahid ang luhang humalik sa kanyang pisngi. Ikinubli niya ang kanyang kalungkutan sa isang matamis na ngiti.

"Mayroon ka bang dinaramdam, Ina?" nag-aalala kong tanong. Kahit humalakhak pa siya sa aking harapan ay hindi niya mapagtatakpan ang lungkot na dumudungaw sa kanyang mga mata.

Ipinakita niya sa akin ang kwintas saka nagwika, "Maraming alaala ang nakakabit sa kwintas na ito. Ibig kong bumuo ka rin ng iyo."

"Ibibigay niyo po sa akin 'yan?" usisa ko. Halos magningning ang aking mga mata sa labis na kasiyahan.

"Hindi!" naibulalas niya. Muli niyang itinago sa maliit na kahon ang kwintas. "Bumuo ka ng mga alaala sa sarili mong kwintas," dugtong niya na nag-iwan ng palaisipan sa akin.

"Hindi kita maunawaan, Ina." Tinabihan ko siya at tinitigan na tila ba nagtatanong.

"Batid mo naman siguro ang panawagan ni Magayon. Noong aking kabataan, ako ang nanalo sa hamong 'yon. Napanalunan ko ang kwintas bilang simbolo ng aking nangibabaw na kariktan," wika niya.

Bigla namang binayo ng kaba ang aking dibdib dahil sa kanyang tinuran. Ang mga sumunod niyang sinabi ay pumasok sa aking kaliwang tainga at lumabas sa kanan. Ayaw ko nang unawain ang mga salitang iyon.

Sa rurok ng kalangitan ay matatagpuan ang isang gintong templo. Ang templong ganapan ng mga pagtitipon. Ang templong luklukan ng diyosang si Magayon – ang diyosa ng kagandahan. Ang nasabing templo ay nababalot ng katahimikan. Kung kaya't naisipan ni Magayon na muling ipatawag ang mga engkantada mula sa iba't ibang kaharian. Pinaghahanda ang lahat para sa muling pagbubukas ng timpalak ng kariktan. Ang hamong kinasasabikan ng karamihan. Ang hamong aking kinatatakutan.

Binalot ng pangamba't pag-aalinlangan ang aking puso. Ang aking mga matang alipin ng luha ay tila lalo pang mamumugto.

***

"Naku! Nagtago na naman si Adlaw sa likod ng mga ulap. Masama na naman ang panahon," isang tinig na nagmumula sa likod ng mayabong na halaman sa hardin. Kasunod nito'y buntong-hininga.

"Malamang si Serinea ang unang nabungadan ni Adlaw kaninang umaga. Buti pa si Bulan, hindi siya gaanong napapansin. Magkakulay kasi sila ng gabi," sagot ng kanyang kausap.

Sa magkasabay na paghagikhik nilang dalawa, tila may kumurot naman sa aking puso. Napahigpit ang aking hawak sa mga pinitas kong rosas para kay Ina.

"Biruin mo, siya ang napiling ipadala sa templo para kumatawan sa ating kaharian! Ano na lang ang sasabihin ng diyosang si Magayon?" muling tinuran ng tinig.

"Mabuti sana kung may remedyo pa ang magaspang niyang balat, makapal na labi at naglalakihang nunal sa mukha. Ubod na nga ng kapangitan, saksakan pa ng katangahan!" dugtong pa ng isa.

Magkahalong pagkayamot at lungkot ang naghari sa aking buong pagkatao. Ang isipan ko'y muling dinalaw ng eksenang gustung-gusto kong gawin kung hindi lamang ako madalas yakapin ng pagtitimpi. Ibig kong ihambalos sa pagmumukha nila ang mga rosas. Ibig kong makita rin silang luhaan. Ibig kong ipadama sa kanila ang sakit na araw-araw nilang ipinararamdam sa akin. Subalit, alam kong mali. Walang sino man ang may karapatang manakit ng kanyang kapwa. Marahil ay naiwaglit na nila ito sa kanilang mga isipan.

Final Phase: Of Dreadful BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon