Entry #3: Super V

637 20 58
                                    

SUPER V
ELEMENTS:
A hotel room & A pair of scissors


Napamulat ako bigla. Panaginip lang pala. Ang weird ng panaginip ko.

"Gising na si Viv," anang munting tinig malapit sa uluhan ko. Nagawi roon ang aking paningin at nasumpungan ang isang butiki na dinidilaan ang kanang mata.

"Victor B," garalgal kong sabi sa kanya. "Anong oras na?" Si Victor B (short cut ng Victor Butiki) ay ang resident house lizard ng bahay. At yeah, nagtataka ka siguro kong bakit ko kinausap ang butiki. Isa akong zoolinguist. Ibig sabihin, may kakayahan akong makipag-usap sa mga hayop.

"Oras na para kumain!" hiyaw nito at hinampas-hampas ang buntot.

Napairap ako. Patay-gutom talaga ang butiking ito. Saan naman kaya nito nilalagay ang mga kinakain niya?

"Tumigil ka, nakapagsaing ka na ba?" ungkat ko rito.

Siya naman ang umirap sa akin. "Ayos ka rin ano." Napahalukipkip siya. "Ako pa talaga ang uutusan mo? E di pati ako nalunod na rin kasama ang bigas. Diyan ka na nga!" Sabay takbo nito sa butas ng dingding at nagtago.

Nasampal ko ang sariling noo. Nagtampo na naman ang loko.

"Bayaan mo na siya." Napabaling ako sa bintana kung saan isang tandang na nababalot nang ubod ng itim na balahibo ang matikas na natungtong (Ang sabi nila, manok raw ito ng mga engkanto). Siya si Timmy (Short cut ng Timmy Laok). "Wala ka rin naman nang sasaingin dahil kinain ko na ang lahat ng bigas."

Anak ng tinapa! Gusto kong maghumitok. Masyadong spoiled ang mga hayop na ito!

Napahilamos na lamang ako ng kamay at napabuntong-hininga. Padabog akong tumayo mula sa katre.

"Saan ka pupunta?"

Nilingon ko si Timmy. Seryoso ang tingin nito.

"Maghahanap ako ng makakain," yamot kong sabi.

"Nasa ospital ang mamang mo."

Natigilan ako sa tinuran niya. "Nagbibiro ka 'di ba?"

"Mukha ba akong nagbibiro?"

Sa tono ng pananalita niya, bigla akong kinabahan. Ano kaya ang nagyari kay mamang? "Nasaan siya ngayon?"

Matalas ang tingin na ipinukol ng tandang sa akin. "Kakasabi ko lang ah. Nasa ospital 'di ba?"

"Saang ospital?"

"Malay ko."

Tumakbo na ako palabas ng barung-barong. May kung ano sa lalamunan ko na biglang bumara. Kung anu-ano na rin ang naiisip ko habang tumatakbo.

Paano kung pag dating ko sa ospital ay patay na si mamang? Ano na lamang ang gagawin ko? Si mamang na lang ang natitira kong pamilya.

Ang alaala na pinaghahatian namin ang isang maliit na piraso ng tuyo ay biglang gumuhit sa isipan ko.

Kasagsagan noon ng bagyong Yolanda. Tatlong araw na ang lumilipas . Para sa aming mga salat, panahon iyon ng taggutom. Dalawang araw na rin kaming hindi kumakain noon kahit na ang iba naming mga kapitbahay sa squatters area ay sagana sa groceries na kinawat nila mula sa mga tindahang napabayaan. Mapalad na may napulot si mamang na supot na naglalaman ng tuyo noon, na siya naming inihaw.

Isang bagay ang tumatak sa akin noong araw na iyon.

"Vivaldi," nakangiti pa si mamang habang nginangata ang ulo ng inihaw na tuyo. "Pagpasiyensahan mo na kung ganito ang pamumuhay na kinagisnan mo. Hindi ko kayang ibigay sa iyo ang marangyang buhay, dahil sa gulang kong ito, ay mahina na ako at hindi ko na kaya ang mabibigat na trabaho. Pero sana, kahit na ganito ang ating buhay, huwag na huwag kang gagawa ng masama para sa pansariling kapakanan. Dahil kapag ginawa mo iyon, hindi mo na muling maibabalik ang integredad mo."

Final Phase: Of Dreadful BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon