Entry #1: Epitome

1.2K 50 48
                                    

EPITOME
ELEMENTS:
A fairground & A freak show display

Hindi ko alam kung ano ba ang nangyari sa akin basta nakita ko na lang ang sarili kong tinititigan siya.

Nasa gitna siya ng entablado. Tumutugtog ng biyulin. Napakagandang musika ang handog niya para sa kanyang mga manonood na bilang lamang sa kamay ang dami.

Wala namang kakaiba kung tutuusin.

Ngunit, hindi para sa akin.

Dalawang kaluluwa ang susunduin ko ngayong araw. Gumapang na ang ipinadala kong itim na usok sa isang peryahang may pangalang Cirka Creasa upang hanapin ang dalawang templong nagmamay-ari ng kaluluwang kailangan kong ipunin.

Malapit na ang paglubog ng araw at masaya ang lahat sa paligid. Handog ko man ang masamang balita para sa dalawang nilalang na kailangan kong sunduin, hindi naman iyon malaking bagay para sa karamihan.

Sa gitna ng paglilibot sa peryahan, oo, doon ko siya nakita.

Isang babaeng puro tattoo sa katawan at mukha at bulag ang kanang mata. May dalawang hikaw sa bibig, isa sa ilong at tadtad naman sa tainga. Wala siyang buhok na bihira ko lamang makita sa mga babae. Nakasuot siya ng itim na sando at maikling shorts na tila ba ipinakikita sa lahat ang mga ukit sa kanyang katawan.

Tama. Walang kakaiba sa kanya.

Subalit, hindi para sa akin.

Inilahad ko ang aking palad upang pabalikin ang mga usok para sabihin sa akin kung saan ko mahahanap ang dalawang kaluluwang kailangan ko nang sunduin. Maagang bumalik ang isa.

Muli akong tumingin sa kanya.

Natapos na ang tugtuging kanyang piyesa kasabay ng mahihinang palakpakan at pagkawala ng mga taong nanonood.

Hindi ko inaasahan nang magtagpo ang aming mga mata.

Bigla siyang ngumiti at saka yumuko upang magpasalamat.

Alam ko, wala roong kakaiba.

Ngunit hindi...

Hindi dapat sa akin.

Nakikihalo ang gaya ko sa mga mortal upang mahanap ang aming mga pakay. Ilang minuto pa ang lumipas bago ko nakita ang unang templo ng kaluluwa: isang ginang dala-dala ang kanyang walong taong gulang na anak upang ipasyal.

Masaya siya kasama ang kanyang anak. Tangan ng usok ang impormasyong kailangan ko sa ginang. Ipinagdiriwang nila ang pagkamit ng pinakamataas na marka ng batang kasama sa isang pagsusulit sa eskuwelahan.

Magandang imahe ng isang masayang mag-ina. Ngunit ang nakasaad sa talaan ng kamatayan ay oras na niya.

At ang batas ng kalikasa'y kailangang sundin.

Nilakad ko ang daan papalapit sa mag-inang kasalukuyang bumibili ng sorbetes.

"Pabili ng isang tsokolate," aniko sa mamang sorbetero at nginitian pa ang ginang na aking susunduin.

"'Nak, ano ba naman iyan! Ang dungis mo na o! Ay, 'sus!" asik niya sa anak na nagkatapon-tapon na ang kinakaing sorbetes sa damit. Hirap na siya sa pagdadala ng iba't ibang laruang pinabili ng bata kaya't ngumiti ako at nakuha pang mag-alok ng tulong.

"Magandang bata," puri ko at kinuha ang ilang laruang dala ng ginang. "Tulungan ko na kayo."

"Ay, naku, salamat! Pasensya ka na ha," nag-aalala niyang sinabi at mabilis na pinagpag ng tuwalya ang damit ng anak. "Ito kasing anak ko, highest sa test nila kaya dinala ko rito," pagmamayabang niya, na kahit sinong ina ay gagawin tuwing makatatanggap ang kanilang mga anak ng kahit anong parangal. "Alam mo naman ang mga bata. Kanina pa nga ito kulit nang kulit sumakay sa mga rides! Naku, mapapagod ka talaga kung mag-isa ka lang."

Final Phase: Of Dreadful BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon