Entry #4: Bampira, Kagatin Mo Ako

509 26 36
                                    

BAMPIRA, KAGATIN MO AKO
ELEMENTS:
Prison & “I would rather die a meaningful death than to live a meaningless life.”


Nang lapitan ako ni Babe, naramdaman ko na maganda ako. Pero nang iwan niya ako at ipagpalit... nabasag ang pantasya ko at nadama ko kung gaano ako kapangit.

Iyon ang nagtulak sa akin upang magdesisyon na baguhin ang aking sarili.

Para magawa iyon, maghahanap ako ng bampira. Magpapakagat ako sa kanila.

***

Sa bayan ng Shalom, kilala ang mga bampira bilang angkan na may pinakamagandang lahi---lahi na ang kagandahan ay hindi kumukupas. Kapag nagkaroon ako ng ganoong ganda, siguradong magsisisi ang dati kong kasintahan na isang baboy-ramo.

Sa loob ng maraming araw ay naghanap ako ng mga bampira ngunit masyado silang mailap. Kaya nga naisip ko na maghanda ng paing para sila na mismo ang lumapit sa akin.

Nagpunta ako sa pinakamalapit na baryo kung saan maaari akong makakita ng tao na puwedeng ipaing sa mga bampira.

Nagtago ako sa talahiban at dito ay nag-abang.

Isang oras.

Dalawang oras.

Sa wakas, may namataan na ako. Isang babae na naglalakad sa gitna ng palayan.

Mahaba ang buhok niya katulad ng sa akin. Maganda rin ang kanyang mukha. Kung ang balat ko ay kayumanggi, ang sa kanya ay kulay puti. Mas matangkad din siya sa akin.

Ngumisi ako at naghanda sa pagsalakay. Lumukso ako sa likuran ng babae at siya ay sinindak. Ipinakita ko ang aking matulis na dila.

"Bakit?"

Natigilan ako nang marinig ang mahinahong tinig ng babae. Dito ko lang naalala na naiiba nga pala ako sa aking mga kauri. Isa akong tik-tik ngunit wala akong kakayahan na magpahaba ng dila.

Iginala ko ang aking paningin. Nakakita ako ng bato.

"Pasensiya na binibini, pero kailangan ko itong gawin." Kinuha ko ang bato at ipinukpok sa ulo niya.

"Ahh..." malambing na daing ng babae bago ito bumagsak.

Tagumpay ako!

Hahawakan ko na ang babae nang biglang dumilim ang langit.

Nang tumingala ako, nakakita ako ng tatlong taong-ibon na nagpapatrolya.

Napangiwi ako.

Bakit ko ba nakalimutan iyon? Mahigpit na ipingbabawal sa amin ang pagpunta sa lugar ng mga tao at pananakit sa kanila.

Napapikit ako. Sa pagmulat ko, kulungan na ang kaharap ko.

"Patawad po! Hindi ko sinasadya! Self Defense. Self Defense!" Kung anu-anong palusot ang sinasabi ko huwag lang akong ipasok sa kulungan.

"Dalhin n'yo yan sa dulo!" utos ng Tikbalang sa kapwa niya mga taong-kabayo na nakahawak sa akin.

Ang kulungang ito na pinagdalhan sa akin ay kilala sa tawag na Cailles. Mga Tikbalang at taong-ibon ang namamahala rito. Kung sa labas titingnan, aakalain lang na isa itong malaking puno. Pero dito sa loob makikita ang hilera ng mga selda kung saan nakakulong ang mga nagkasalang halimaw.

"Diyan ka!" Itinulak ako ng Tikbalang papasok sa aking selda.

"Sandali!" Sinubukan ko pang humabol ngunit mablis nilang naisara ang selda.

Ano ba itong gulo na napasok ko?

Tiningnan ko ang kabuuan ng selda. May nakita akong tatlong pintuan.

Final Phase: Of Dreadful BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon