Tadhana, kumusta? Isa akong masugid mong tagahanga. As in sobrang fan mo ako. Lagi kong sinusubaybayan ang mga istorya tungkol sa’yo. Lalo na kapag kinukwento ka na ng ibang tao. Sobrang saya nila pakinggan. Gustung-gusto ko rin yung mga pelikulang ikaw ang bida. Yung mga tipong Sleepless in Seattle, Serendipity, You’ve Got Mail, mga ganun. Ang galing mo dun. Sobrang galing mo dun.
Hindi ko alam kung kilala mo ako. Pero para lang matandaan mo, ako yung ilang ulit mo nang pinaglaruan. Oo, “pinaglaruan“ ang gagamitin kong termino at hindi “napaglaruan” kas i feeling ko sinasadya mo na. Kasi nung natuto akong umibig dun na din ako natutong magmura. Kasi sa tuwing ibubuhos ko ang puso ko sa isang tao, bigla-bigla na lang palilikuin mo siya. Palilikuin mo sa daang hindi patungo sakin. Doon sa halik at yakap ng iba.
Pero hindi ako sumuko. Patuloy pa rin akong nagmahal. Yung iba akala ko yun na, pero pinaglaruan mo pa rin ako kahit alam mo naman kung gaano na kami katagal. Sorry ah, pero kailangan mong malaman. Ang sama-sama mo. Wala kang puso. Wala kang awa.
Ginagawa ko ang sulat na ito para malaman mo na ang karamihan sa aming mga pinaglalaruan mo ay mababait naman. Gusto ko ring malaman mo na sawang-sawa na ang mga pader namin sa bulusok ng aming mga kamao dahil wala kaming ibang mapagdiskitahan. Nauumay na ang mga unan namin sa pagsalo sa aming mga luha kapag hindi kami napatatahan. Sana malaman mo rin kung paanong hindi umiikot ang mundo namin kapag napapatagal ang paglalaro mo ng taguan.
Pero alam mo, salamat na rin. Kasi sa mga paglalaro mo, nakikilala ko kung sino ang mga tunay na dapat kong mahalin. May mga taong sandali ka lang iibigin, kapag kaibig-ibig ka pa. Kapag hindi ka mataba. O kapag mataba ang iyong bulsa. Kapag may kinabukasan siya sa’yo. Kapag napapatawa mo siya. Kapag natutupad mo ang kaniyang mga kondisyon. Kapag mapagyayabang ka niya. May mga tao namang hanggang sa dulo nandiyan pa rin. Na kahit anong panget mo na. Na kahit gaano ka pa kawasak. Na kahit gaano pa kasabog ang sarili mo na hindi mo na alam kung paano ka pa mabubuo… Nandiyan sila. Nandiyan sila hindi lang para sabihin sa’yo na “Ayos lang ‘yan.” Nandiyan sila para hatian ka sa sakit mo. Para iluha din ang mga luha mo. Nandiyan sila para samahan ka sa dilim at tabihan ka habang nakabaluktot sa sulok ng iyong kuwarto. Nandiyan sila para tulungan kang isuksok ang karayom sa iyong balat at tahiing magkakasama ang mga pira-piraso mo. Nandiyan sila.
Tadhana. Tagahanga mo ako. Dahil sa’yo, nalaman kong ang tanga-tanga ko. Nalaman kong hindi sapat ang pangarap na bahay. Na hindi sapat ang planong bilang ng mga anak. Nalaman kong hindi sapat kahit ibigay mo na ang lahat-lahat. Nalaman kong hindi sapat ang pag-ibig. Kailangang pumayag ka muna.
Tadhana, salamat sa mga paglalaro. Marami akong natutunan. Pero nakakarami ka na rin. Baka naman pwedeng makiusap. Pwede ba, ngayon, magseryoso ka na sakin?
BINABASA MO ANG
Ito na ang Huli
PoetryNatagpuan mo na nga ba talaga kung sino ang tunay mong pag-ibig? Alam mo ba kung tama ang pag-ibig na inyong pinag lalaban? Saan nga ba hahantong ang pag-ibig na inyong inipon? Ang pag-ibig ay mapagpasensya, mapagpatawad, ano pa bang pwede nating bi...