Invisible
Tumagal nang higit sa pangkaraniwan ang aking paliligo. Marami akong naiisip; gaya ng lahat ng pinagdaanan ko sa buhay bago ako nakatuntong sa kalagayan na ito. Patuloy lamang sa pagdagsa ang mga gunita, at sabi nga nila, "a moment of reflection" daw ang tawag dito. Nitong mga nakaraang araw kasi, masyado akong naging abala sa laboratoryo kung kaya ang atensyon ko ay natuon sa kasalukuyan naming proyekto: ang lunas sa lahat ng uri ng kanser.
As the pioneer of the project, that must be my breakthrough.
Ang ideya na ito ay nagbigay sa akin ng adrenaline—iyong pakiramdam na ganadong-ganadong kumilos dahil sa pagbugso ng emosyon.
Pananabik.
Lumabas ako sa banyo nang nakatapis. Gaya ng nakagawian, dumiretso ako sa malaking salamin ng aking kuwarto.
Pinagmasdan ko ang aking sarili. Wala na 'yung dati-rati'y mahaba kong buhok. Kapag kasi nasa lab, bukod sa mas komportable't mas efficient kung maiksi ang buhok, for safety measures na rin. Gayunpaman, masasabi kong litaw na litaw pa rin ang aking kagandahan.
Saglit akong natigilan nang mag-ring ang aking phone na nakapatong sa tukador. Lihim akong napangiti. Iisa lang naman ang kilala kong tumatawag sa akin tuwing ganitong oras ng gabi.
"Bella," pambungad ko.
"Marge! Loka, nasa'n ka na?"
"Malapit na—" Hindi ko pa man natatapos ang aking sasabihin ay kaagad na siyang sumabad.
"Sus. Sanáy na ako sa'yo. O basta, bilisan mo na. Ready na ang finishing touches," pangwakas ni Bella. Kahit di ko nakikita ang kaniyang mukha, alam kong nakangiti siya.
May kung anong pumitlag sa aking dibdib pagkarinig ng "finishing touches". Iisa ang sigurado:
Malapit na talaga naming matapos ang lunas sa kanser.
"Sige, sige," sabi ko, "salamat, Bella."
Pagkababa ng phone ay nagbihis na ako. Hindi ko maiwasang hindi maluha. Matapos ang ilang taong pagsusumikap sa mga eksperimento, malapit nang magbunga ang lahat. Panigurado, lubos na ikatutuwa ito ng aking pamilya.
Bago lumabas ng kuwarto, pinasadahan ko pa ng tingin ang mga medalyang aking natanggap. Sa edad na dalawampu't lima, mayroon na akong "Asia's Most Influential Scientist", "International Excellency Award for Science and Technology" at samu't sari pa.
Higit pa sa mga parangal na iyan, ang dahilan ko talaga sa paglikha ng lunas sa kanser ay upang makapaglitas ng buhay. Ito ang pangarap ko.
Napakaaliwalas ng paligid. Naabutan ko sa hapag-kainan sina Mama't Papa at si Butchoy; mga ngiti nila ang sumalubong sa akin.
"O, anak—sumabay ka na sa amin," nakangiting pahayag ni Mama. Si Papa naman ay tumango lang, halatang ganadong-ganado sa pagkain. Samantala, abala si Butchoy sa kaniyang cellphone.
"Butchoy," sambit ko pagkaupo, "di ba ang sabi ko sa'yo, walang gadget kapag kumakain?"
Nagkamot lamang ng ulo ang aming limang taong gulang na bunso. "Ate, ang ganda kaya ng mga bagong downloaded games dito. At saka, ikaw kaya nag-download, uy."
Napailing na lang ako.
"Hayaan mo na, anak. Pasasaan ba'y magsasawa din 'yang bata," untag ni Mama. Kunsabagay, ganoon nga ang mga bata—mabilis magsawa sa mga bagay-bagay. Kung ano iyong bago, iyon ang mas pumupukaw ng kanilang interes.
"Kamusta na pala sa lab?" pagkuwa'y tanong ni Papa. "Baka nasosobrahan ka na sa trabaho, ha?"
Isang malapad na ngiti ang aking itinugon. "Di naman po, 'Pa. Nakakapagpahinga pa naman ako."