Nakapasok na sina Ybarro, Aquil, Muros at Wantuk sa lagusan sa ilalim ng palasyo. Madilim ito at napapalibutan ng alikabok at sapot ng gagamba.
"Teka nga, Mashna Aquil, paano niyo nalaman na may ganito pala sa ilalim ng inyong palasyo? Hindi na ginagamit at ang dumi pa. Hmp!" Reklamo ni Wantuk.
"Matagal na ang lagusang ito. Sapul pa sa sinaunang reyna ng mga diwata." Sagot ni Muros.
"Kung ganoon, alam din ng mga kaaway ang daanang ito, Muros. Baka binabantayan na nila ang entrada sa loob." Sabi ni Ybarro.
"Maaari, kung alam nila ito, kamahalan." Nakita ni Muros ang pagtaas ng kilay ng prinsipe, at dinagdagan ang kanyang paliwanag. "Ang lagusan na ito ay gagamitin lamang sa panahon ng hindi inaasahang pangyayari. Na kung sakali ay sinalakay ang palasyo at naharangan ng mga kalaban ang lahat ng daanan. Tanging ang Mashna lamang at ang kanyang kanang-kamay ang nakakaalam nito. Kaya huwag kayong mag-alala. Ligtas ang lagusan na ito."
"Salamat naman kung ganoon." Sabi ni Wantuk.
Nang makarating sila sa tarangkahan, kinakapkapan ni Aquil ang pader. Hinahanap niya ang nakatagong bato, na kung itutulak ay magbubukas sa pinto. Matapos ang ilang sandali ay nahagip na ng kanyang kamay ang batong hinahanap at madaling binuksan ang pinto. Dahan-dahang lumabas ang grupo at nagtago sa likod ng isa sa mga haligi. Pagkalabas nila, napansin ni Ybarro na nasa silid pala sila ng kunseho.
"Halina kayo. Nasa ibaba pa ang selda kung saan ang mahal na reyna." Sabi ni Aquil. Nagkatinginan ang apat sa isa't isa, at tinango ang kanilang pag-ayon.
Bago pa man sila makahakbang, napansin nina Aquil at Muros ang paghawak ng prinsipe sa kanyang pulseras. "Kamahalan, anong..." At nagulat sila sa kanilang nakita. Ang mahal na Prinsipe Ybrahim ay nagpalit ng anyo suot ang isang maitim na kalasag. Nanlaki ang kanilang mga mata sa gulat.
Napansin ni Wantuk ang kanilang mukha at hindi mapigilang tumawa. "Mashna Aquil, Muros, ipinakikilala ko sa inyo si Kalasag." At mas lalo pang nanlaki ang kanilang mga mata.
"Kalasag? Ang Kalasag na naririnig namin noon pa na tumutulong sa mga enkantado't enkantada mula sa mga Hathor? Ikaw ang Kalasag na kanilang sinasabi?" Gulat na sabi ni Muros.
"Oo, Muros. Ako nga si Kalasag." Pagkumpirma ni Ybarro sa kanila.
"Mukhang may mahabang salaysayan kang sasabihin sa amin, kamahalan, pagkatapos ng ating pagliligtas." Sabi ni Mashna Aquil sa prinsipe. "Halina kayo. Ipagpatuloy na natin ang ating paglalakad."
Marahan silang naglakad, at tumitingin sa paligid kung may makakasagupa ba silang kaaway. Hanggang sa makarating na sila sa ibabang palapag kung nasaan ang mga selda.
"Sandali." Pagpigil ni Aquil sa mga kasama. Sumandal sila sa pader, at palihim na tinitingnan ang pasilyo. "May mga Hathor na nagbabantay sa isa sa mga selda. Maaaring nandoon ang mahal na reyna."
"Kung ganoon, batiin natin sila." Sabi ni Ybarro na naka-ngisi. Hinarap nila ang mga Hathor at nakipaglaban hanggang ito'y kanilang matalo.
Inabot ng kamay ni Murosang dalawit, at hinila ito pababa upang mabuksan ang pintuan ng selda. Hinarap ni Ybarro ang kaibigan at sinabihan na magbantay ito. Magrereklamo sana ito ngunit napigilan siya ni Muros.
"Kami na ni Wantuk ang magbabantay dito sa labas." Pagbibigay-alam niya kina Aquil at Ybarro, na ipinagpasalamat ng prinsipe.
Naunang pumasok si Mashna Aquil, at dali-daling pinuntahan ang kanyang reyna upang makasiguro sa kanyang kalagayan. Pagpasok ni Ybarro sa selda, kumirot ang kanyang puso. Walang malay si Amihan, at paglapit niya rito, makikita na may bahid ng luha ang mukha ng reyna, at sa kanyang palagay, matagal bago nahimasmasan ang diwata.
BINABASA MO ANG
Ang Tagapagligtas ng Mag-Ina
FanfictionMalalaman ni Ybrahim ang nangyari kina Amihan at Lira sa Lireo, at ang kanyang pagnanais na mailigtas sila mula sa kamay ni Pirena.