Paubaya

166 6 0
                                    

Tatlong taon na tayong magkasama bilang magkasintahan. Masaya tayo sa piling ng isa't-isa. Kahit sa maliit na bagay ay sabay tayong tumatawa ng malakas dahil ganoon tayo e, iisa lang ang naiisip natin pagdating sa kalokohan. Naalala ko pa noon kung paano ka kiligin 'pag nagpipick-up line ako. Namumula leeg mo, tainga at mukha. Tumatakbo ka lagi papunta sa banyo kaya akala ko sobrang sakit ng tiyan mo at tinatawag ka na ng inang-kalikasan. Nalaman ko lang na ganoon ka pala kiligin noong nanonood tayo ng korean novela. Sabi mo ayaw mong manood pero ikaw pa 'yung nagsasabing "next episode pa" hanggang sa umaga na tayo nakakatulog. Sabi mo pa nga noon na "Babe, gusto ko hanggang sa pagtanda natin manood tayo ng korean novela. Nakakakilig pala." Sobrang lakas ng tawa ko noon kasi ayaw na ayaw mo ngang manood tapos 'yon sasabihin mo. Di ko din maiwasan kiligin kapag may ginagawa ka na gaya sa pinanood natin. Ang corny mo pala? Pero kahit ganoon mahal na mahal kita.

Dumating 'yong birthday mo na ang tanging request mo lang ay manood tayo ng mga nagkikislapang bituin habang nakahiga sa ilalim ng malaking puno sa likod ng bahay niyo. Doon sinabi mo na gusto mo nang makilala ang pamilya ko. Siyempre noong una sobrang kinabahan ako kasi hindi ko alam kung magiging okay lang ba kina Mama at Papa. Pero dahil ayaw kong malungkot ka, pumayag ako at tinawagan sila. Naging maayos naman ang lahat hanggang sa makilala mo si Lovina. Pansin ko ang kakaibang kislap ng iyong mata habang kausap mo siya. Iyong kislap na hindi ko noon nakita habang ako ang iyong kausap. Ang iyong ngiti na kahit kailan ay hindi mo naibigay sa akin.

Minsang naabutan ko kayong dalawa na magkausap ay tila wala namang kakaibang nangyari. Hinila mo pa nga ako palapit sayo tsaka mo hinalikan ang noo ko. Napangiti ako kasi naisip ko na baka nga paranoid lang ako. Nakita kong ngumiti si Lovina kaya nawala ang pagkabahala na nasa dibdib ko. Matapos ang pangyayaring iyon ay naging panatag ang loob ko kahit na hindi kita kasama. Kasi alam kong ako lang.

Pero 'yon ay akala ko lang pala.

Nagising ako isang araw na wala na ka sa tabi ko. Iba na ang pakikitungo mo sa akin. Wala na 'yong matatamis mong ngiti pagkamulat ko ng mata. Wala na 'yong labi mong dumadampi sa noo at labi ko pagkatapos mo akong yakapin ng mahigpit. Wala na. Nawala ka na lang bigla.

Nawala sa piling ko ngunit nakikita ka lagi ng mga mata ko.
Nakakatuwang pagmasdan ang taong mahal mo na nakangiti. Ang kislap sa iyong mga mata habang masayang nakikipagkwentuhan sa mga taong nasa paligid mo; ganito ang gusto kong makita sa araw-araw. Na mula ngayon ay hanggang sa isip at puso ko na lang nakatatak. Mahal kita at mahal mo ako, noon. Dahil ngayon, may iba nang nagbibigay ngiti sa iyo at nagpapatibok ng puso mo. At iyon ay si Lovina, ang kapatid ko.

Mas masakit palang makita kang masaya sa piling ng kapatid ko kaysa sa ibang babae. Kasi kapatid ko 'yon e. Kadugo ko. Para lang tayong pinagtagpo ng tadhana para gawing tulay upang magkakilala kayo ng kapatid ko.
Ngayon hindi na ako ang kasama mong manood ng Korean Novela. Hindi na din ako ang kasama mong pagmasdan ang bituin. Hindi na ako ang kasama mo sa kalokohan mo.

Hindi na ako.

Binitawan kita dahil alam kong sa kanya ka sasaya. Nagpaubaya ako para sa kasiyahan ninyong dalawa.



END

---

Date: October 27, 2020

Bite-SizeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon