Nakangiting hinihintay ko ang mensahe ng long-time boyfriend kong si Vel dahil ngayon ang 123rd monthsary namin bilang magkasintahan. Excited ako dahil nabanggit sa'kin ng barkada niya na may hinanda itong sorpresa para sa'kin.Napalingon ako sa kanan ko nang may tumapik sa balikat ko. Napangiti ako nang makita ang matalik kong kaibigan na si Hyula. Napatayo ako at agad siyang niyakap.
"Kamusta ka na? Tagal mo nang di nakikipagkita sa'kin ah." may himig na pagtatampo kong saad. Ngumiti siya ng tipid na siyang kinasimangot ko.
"Anong problema?" tanong ko at inalis ang pagkakahawak sa kamay niya. Yumuko siya saka pinaglaruan ang kanyang kamay.
"Kay.." tawag niya sa pangalan ko. Hinila ko siya paupo sa sofa saka humarap sa kanya.
"Spill."
"Eh kasi naiipit ako sa sitwasyon." nabahala ako nang makita ang pagpatak ng luha niya. Ngayon ko lang siya nakitang umiyak kaya hindi ako mapakali. Matagal na kaming magkaibigan at lagi ko siyang nakikitang positibo sa buhay. Hindi ganitong para siyang binagsakan ng langit at lupa.
Lumapit ako sa kanya saka ko siya niyakap ng magsimula siyang humikbi.
"Mahal ko siya Kay.. Mahal namin ang isa't-isa pero hindi pwede. May girlfriend siya." paputol-putol nitong sabi. Ramdam ko ang pagkabasa ng damit ko sa braso marahil sa luha niya.
"Sigurado ka bang mahal ka niya?" tumango siya.
"Edi ipaglaban niyo ang isa't-isa. Papiliin mo siya kung sino ang mas matimbang sa inyo ng babae niya. Hindi pwedeng dalawa kayong nandiyan para sa kanya." seryoso kong sabi.
"Kung talagang mahal ka niya hayaan mong iprove niya ang sarili niya sayo. Kailangan niyang sabihin sa girlfriend niya na may iba na siyang mahal dahil kahit na masakit, kailangan niya pa din 'yong ipaalam. Mas masakit ang maloko ng matagal, Hyu."
Lumayo ako sa kanya nang huminahon na siya sa pag-iyak. Ngumiti ako sa kanya at ipinakita ang ngiting nagpapahiwatig na magiging okay din ang lahat.
Tumulo ulit ang luha niya pero sa ngayon ay ako na ang nagpahid nito.
"Maiintindihan ng girlfriend niya 'yon. Basta ipaliwanag niya lang ng mabuti." nakangiti kong sabi. Tumango lang siya kahit na panay pa din ang pagtulo ng luha niya.
Nakaalis na si Hyula pero hindi pa din dumadating ang text ni Vel. Nakapagtanghalian na lang ako't nakapaglinis ng bahay pero wala pa din.
"Ate, sama ka? May gig ako ngayon." napalingon ako sa kapatid ko na may dalang gitara. Tinignan ko ang orasan sa bungad ng pinto at nakitang alas singko na pala ng hapon. Hindi ko man lang napansin ang oras.
"Hindi na. Baka may date kami ngayon ni Vel." sagot ko. Tumango lang siya saka kinuha ang sapatos niya sa tukador.
"Sa bar nila Vel ang gig namin. Baka doon kayo magdedate. Balita ko pa naman e madami kaming banda ngayon ang inimbitahan dahil may espesyal daw na okasyon."
Nakaramdam ako ng excitement sa narinig. Talagang pinaghandaan niya ang araw na ito, huh.
Agad akong nagbihis at napagpasyahang sumama na lang sa kapatid ko. Kung gusto niya kong isurprise, well, uunahin ko siyang isurprise.
Nang makadating sa bar ay agad naming nakita ang kasamahan niya sa banda. Nagpaalam ako sa kanya at sinabing di na kami magsasabay na umuwi. Baka kasi matagalan kami ni Vel sa date namin.
Nang makapasok ay namangha ako ng makita ang disenyo ng bar niya. Valentines ngayon kaya alam kong may dagdag na kakornihan dito pero hindi ko inaasahang magmumukha itong engagement party.
May iilan akong nakitang kakilala ko. Magpopropose na ba siya? Bakit nandito ang mga kaibigan ko? Talagang inipon niya sila para lang dito?
Kahit na gusto ko ng lumabas ay di ko ginawa. Hinihintay kong dumating si Vel.
Tinignan ko ang cellphone ko kung nagtext ba siya na papuntahin ako dito. Pero nawala ang ngiti ko nang wala akong natanggap kahit isa. Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaba.
Tinignan ako ulit ang mga tao at alam kong malapit ng magsimula ang party dahil madami ng tao.
Napunta ang atensiyon naming lahat nang may nagsalita sa taas ng stage. Bokalista pala ng banda.
Nagsimula na ang tugtugan at lalong dumami pa ang mga tao. Nanginginig na hawak ko pa din ang cellphone ko dahil hinihintay ko pa din ang text niya. Hanggang umabot na lang ng isang oras.
Isang oras akong nakatayo sa isang sulok. Tinitignan ang bawat galaw ng tao. Isang oras akong nakatayo doon at kitang-kita ko kung paano lumuhod ang boyfriend ko sa harap ng bestfriend ko. Nagtatanong kung maaari ba siya nitong maging girlfriend. Kitang-kita ko kung paano kumislap ang mata niya habang nakatingin sa kaibigan ko. Na kahit kailan ay di ko nakita sa kanya noon habang nakatingin siya sa'kin. Kitang-kita ko din kung paano dahan-dahang tumango si Hyula bilang pagsang-ayon na maging kasintahan nito.
Habang ako'y nasa isang tabi. Mas durog pa sa paminta ang puso ko.
Nagbago siya mula noong naging kami. Naging maayos ang pakikitungo niya sa pamilya niya at naging mas close pa sila ng mga kapatid niya. Nakahanap siya ng magandang trabaho hanggang sa magkaroon siya ng sariling bar. Ginawa ko siyang tunay na lalaki para sa ibang babae.
Isang dekada kaming magkarelasyon pero doon ko napagtanto na wala palang kwenta ang tagal ng pagsasama kung sa iba na tumitibok ang puso mo. Na kahit pala siya na ang naging mundo mo ay kaya pa din nitong wasakin at gawing miserable ang kinabukasan mo.
Ilang taon na ang lumipas at di na siya bumalik. Di man lang nakarinig ng patawad at salamat dahil sa ginawa niya. Mapait akong nakangiti habang nakatingin sa kanila sa altar habang sinasabi ang vow nila.
Habang ako, nandito sa dulo, durog pa din at hindi na magawang bumangon pa. Sa akin nga tumagal, sa iba naman kinasal.
END
---
Date: February 21, 2020