Ang aking munting pipi na pag-ibig
Noong una kitang makita ay walang masabi ang aking bibig. Na tila pati ang aking utak, mga paa at bisig ay nawalan ng lakas dahil sa karisma na iyong dala. Kahit na bago pa lang ay nakikita ko na ang pagmamahal sa iyong mata. Mahal mo ako at mahal din kita. Mahal natin ang isa't-isa. Pero kahit gaano pa natin kamahal ang isa't-isa'y nasubukan na rin ng tadhana ang ating pag-iibigan. Nag-aaway na umaabot sa hiwalayan. Ganunpaman ay narito pa rin tayong dalawa. Magkasama pa rin kahit na may humahadlang sa ating dalawa. Gustuhin mang sumuko ay hindi rin magawa.
Mahal kita.
Yan ang laging sinisigaw ng isip at puso ko kaya mas ginusto kong makipag-ayos sayo. Ngunit noong namasyal tayo kasama ang mga pinsan mo, nakaramdam ako ng kaba. Kaba nang makitang tinititigan mo ang nobya ng iyong pinsan tulad na lang ng pagtitig mo sa akin noon. Na para bang mahal mo rin siya. Natakot ako noong araw na iyon pero inisip kong mahal mo ako kaya hindi mo iyon magagawa sa akin.
Pero nagdaan ang ilang araw. Laging tumatatak sa aking isipan ang imahe ng iyong ngiti habang tinititigan mo siya. Habang katabi mo ako at hawak ko ang iyong kamay. Ayokong masaktan. Pero hindi mo naman matuturuan ang puso mo na huwag masaktan, hindi ba? Kaya heto ako ngayon at piping nasasaktan.
END
---
Date: February 14, 2018