Chapter 2

8.3K 290 9
                                    

Pagkatapos namin mag-usap ni kapitana ay pinasamahan niya ako sa maliit na komunidad ng mga Negrito kay Tonyo. Halos primitibo ang buhay ng mga katutubo. Nakatira sila sa mga kubo sa gitna ng gubat. Nag-iihaw sila ng baboy ramo nang madatnan namin. Nagsimula naman akong kumuha ng mga litrato. Mabait sila. Pero ang iba sa kanila ay naiilang na may tagalabas na nasa lugar nila. Tanging ang pinuno nila ang marunong magtagalog. Ang ilan ay hindi gaanong napag-aralan ang wika. Si Tonyo naman ay nagsasalin sa akin ng ibang sinasabi nila.

Hapon na nang umalis kami sa lugar. Naglakad lang kami ni Tonyo patungo sa tutuluyan ko. Napakapayak ng kanyang kubo. Nipa ang bubong. Kalakat ang mga dingding. Kawayan naman ang sahig. Iisang silid lang siya. So pagpasok mo, iyon na iyon. Kung tutuusin parang tulugan lang siya. Sanay na rin ako sa mga ganito. Sa tatlong taon kong pagiging field researcher ganito talaga. Minsan nga matutulog ka lang sa improvised tent.

"Sir, mag-iigib lang muna ako ng tubig para makaligo kayo." Sa wakas nagsalita rin siya. Lalaking lalaki ang kapal at lalim ng boses niya.

"Mabaho na ba ako at pinapaligo mo ako?" Ngumiti ako sa kanya.

"Hindi naman po, sir. Baka po kasi gusto niyo maligo bago matulog."

"Carlo na lang. Huwag mo na ako i-po." Hindi yata siya nagpapigil at nag-igib talaga ng tubig sa isang poso. Sinamahan ko na lang siya. "Tulungan na kita."

"Kaya ko na." In fairness, malambing siya magsalita. "Dito lang po kayo." Pino na naman ako. "Puntahan ko muna si kapitana. Pagkatapos niyo pong maligo hintayin niyo lang ako dito."

Dahil wala naman din akong nagawa at malagkit ang pakiramdam ko, naligo na lang ako. Pagkatapos ay nanigarilyo sa tapat ng kubo. Madilim ang paligid pero may ilaw naman mula sa lampara. Hindi nga lang sobrang liwanag. May mangilan-ngilang ilaw lang akong nakita sa malayo. Malamang mula ang mga iyon sa mga bahay dito.

Tiningnan ko na lamang ang aking cellphone kung may importanteng mensahe. Wala naman. Wala ring internet, kaya walang Facebook.

Malamok ang lugar. Pinapak na yata ako ng mga kulisap habang hinihintay si Tonyo. Babalikan ko sana ang bag ko para kunin ang insect repelling lotion nang may mapansin ako sa tabi ng kubo.

Tumama ang kakarampot na ilaw sa isang pigurang hindi ko malaman kung ano. "Tonyo?" Hindi ito sumagot. Bagkos ay nakatayo lamang ito sa gilid ng kubo na ang isang kamay ay nakahawak sa dingding. Lalapit sana ako, ngunit narinig kong ginalaw nito ang kamay. Kinilabutan ako sa alatiit ng kalakat. Bigla akong nanlamig at kinabahan.

Pinaandar ko ang ilaw ng cellphone ko. Tinapat ko ito sa pigura. Wala akong maaninag kundi ang repleksiyon ng mga mata nito, parang mga luminous na mata ng pusa. Parang umuungol ito.

"Sir Carlo."

"Oh my God!" Akala ko malalagutan ako ng hininga. Napadiin ang hawak ko sa kamay ni Tonyo.

"Bakit?" tanong niya habang hawak ang flashlight.

Nilingon ko muli ang pigura. Wala na ito. "Wala."

"Bakit pawis na pawis kayo?"

"Mainit kasi," pagsisinungaling ko.

"Maghapunan daw tayo kina kapitana."

"Sige." Kinakabahan pa rin ako. Muli kong nilingon ang kubo ni Tonyo. Pero wala na doon ang kung anong nilalang. Naisip ko na baka guni-guni ko lang. Ilang gabi na rin kasi akong puyat, tipikal sa isang writer.

"Hindi pa ba abot ang kuryente dito?"

"Hindi pa kasi natatapos ang ginagawang koneksiyon ng mga kawad," saad niya.

"Buti hindi kayo nawawala kapag gabi."

"Hindi naman po. Halos kabisado ko na rin ang mga bahay ng mga kilalang tao dito sa sitio."

"Huwag mo na ako i-po."

"Nakakahiya kasi."

"Carlo na lang."

"Ah, sige kung iyan ang gusto mo... Carlo."

Parang may narinig akong kaluskos sa likod namin. Parang may mga yapak. Sandali kong nilingon ang dinaanan namin. Pero wala naman akong naaninag.

"May pamilya ka na ba?" tanong niya habang tinatahak namin ang mabatong daan pababa ng burol.

"Wala pa." Ginala ko ang tingin. Hindi naman ako madalas kilabutan pero parang may mga pigura akong naaaninag sa maitim na paligid na alam ko namang puro mga punongkahoy lang.

"Ilang taon ka na ba?"

"Bente-sais na."

"Dapat may katuwang ka na sa buhay." Seryoso ang tono niya. Muli siyang tumahimik. Hinayaan ko na lang siya hanggang makarating kami kina kapitana. Gaas at lampara lang din ang mga ilaw nila. Pero kumpara sa mga bahay na narito sa sitio, kanila ang masasabi mong marangya.

Maraming tao sa bahay niya, kasama doon ang batang naghatid sa akin kanina. Tahimik sila kumain. Nakakailang. Kaya hindi ko rin masyadong naubos ang pagkain dahil sa ilang, bukod pa sa kakaibang lasa ng pagkain. Hindi ako nabusog.

Kinamusta lang ako ni kapitana pagkatapos at nag-alok na sa kanila na rin mag-agahan kinabukasan. "Nako, pasensiya ka na at hindi umabot dito sa bahay ang kuryente. Hindi pa kasi natatapos ang proyekto ng pagkakabit ng kuryente dito sa sitio."

"Bakit parang iyang poste lang sa tapat ninyo ang may ilaw?"

"Nako, hindi pa namin alam kung sino ang sumira ng ilang poste. Ang sabi sabi mga rebelde daw. Kinausap ko na si mayor sa bayan tungkol diyan."

May isang binata na kumuha ng atensiyon ko. Ang anak niyang lalaki na panay ang tingin sa akin. Hindi ko mawari kung masama ba ang tingin niya o ano, pero hindi ko gusto ang paraan niya ng pagtutok sa akin. Umiwas na lang ako ng tingin.

Nanigarilyo ako sa tapat ng isa sa mga iilang poste sa sitio na ito na may ilaw. Tinatantiya ko sa isip kung kakayanin bang gawin ang research sa loob ng dalawa o tatlong araw. Hindi ko kaya magtagal sa lugar na ito.

Napuno ng huni ng mga kulisap ang pook. May mga nagliliparang kuliglig sa palibot ng ilaw. Sinubukan ko kung may signal, pero wala. Ang layo ng lugar na ito sa kabihasnan. Nangulila tuloy ako sa apartment ko sa Maynila.

"Bakit nandito ka?"

Napalingon ako. Nasa tapat ng gate na gawa sa mga sanga ng kahoy ang anak ni kapitana, iyong hindi maganda tumitig. "Nagpapahangin lang."

"Hindi ligtas sa labas kapag gabi na." Nanuot sa mga buto ko ang lamig ng boses niya.

"Okay." Iyon na lang ang nasabi ko. Inapakan ko na lang ang upos ng sigarilyo matapos igala ang tingin sa paligid. Kinilabutan ako. Papasok na sana ako nang lumabas na rin si kapitana kasama si Tonyo.

"Lumakad na kayo at malalim na ang gabi," saad ni kapitana. "Sir Carlo, kung may kailangan kayo magpasabi lang kayo." Ngumiti siya matapos sarhan ang gate.

"Mag-ingat ka," saad ng anak ni kapitana. Matalim ang titig niya sa akin. Pagkatapos ay tinitigan niya rin si Carlo na hindi umimik.

"Tara na," saad ni Tonyo.

"Ano'ng pangalan ng anak niyang iyon?" tanong ko.

"Osias."

Parang nagsisi na ako na tinanggap ko ang assignment na ito. Kung hindi lang ako heartbroken hindi ko ito tatanggapin. Kung may masasakyan lang, kanina pa ako bumalik sa bayan. Pero mukhang wala ng bumabyahe sa lugar kapag gabi na. Puro mga kuliglig ang narinig ko sa paglalakad namin paitaas. Paminsan-minsan may naririnig akong kaluskos sa mga puno, pero hindi ko na pinapansin. Nanalangin na lang ako na sana walang sumakmal sa amin dito. Marami na akong napuntahang malalayong probinsiya, pero iba ang dating ng sitiong ito. Parang may hindi akma.

"Bilisan natin ang paglalakad," mahinang saad ni Tonyo.

"Bakit?"

Hindi siya sumagot. Kaya binilisan ko na lang din ang paglalakad. Laking ginhawa ang naramdaman ko nang sa wakas ay makabalik kami sa kubo niya.

"Sir... Carlo, nagpahiram ng kumot at unan si kapitana para sa inyo." Kinuha niya ang mga ito sa bayong na bitbit niya mula kina kapitana.

"Salamat naman."

Ang Lalaki sa SitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon