Chapter 6

6.4K 215 3
                                    

"Bakit wala sila?"

"Hindi ko alam," sagot ni Tonyo. Pareho kaming nasa tapat ng bahay nilang madilim.

Tahimik ang paligid. Lumalakas na ang tunog ng mga kulisap habang inaagaw na ng gabi ang takipsilim.

"Bumalik na lang tayo sa kubo bago tuluyang gumabi," saad ni Tonyo.

"Hindi ba natin sila hihintayin?"

Umiling siya.

"Saan kaya sila pumunta?"

Inikot niya ang tingin. Para bang may hinahanap siya.

"Tonyo, bakit?"

Tinitigan niya ako. "Huwag na tayo tumuloy sa kubo." Mababa ang kanyang boses.

"Ha? May mga gamit pa ako doon."

"Halika ka na." Hinila niya ako.

"Bakit?"

Matulin ang mga hakbang niya. Pilit kong inaalis ang hawak niya, pero masyado itong mahigpit.

"Tonyo!"

Tumigil siya at muling ginala ang tingin.

"Ano'ng problema?"

"Naririnig ko sila."

Sa gitna ng kalituhan ay ginambala ako ng pagtakbo ng iilang tao. May dala silang mga sako. Parang may tinatakbuhan sila. Hindi ko na sila nausisa dahil sa tulin ng kanilang paglisan.

"Hindi ka na dapat abutin ng dilim dito."

"Bakit?"

"Mapanganib." Mahigpit ang hawak niya sa mga braso ko. Taimtim ang kanyang mga titig. "Carlo, ayaw ko na may mangyari sa iyong masama." Muli ay hinila niya ako. Halos madapa ako sa tulin ng aming takbo pababa sa mabatong daan.

Biglang tumigil si Tonyo. "Hindi," saad niya habang nakaharap sa paglitaw ng bilog na buwan.

Umalingawngaw ang alulong ng mga aso. Kinilabutan ako. Pinuno ang paligid ng palahaw ng mga hayop.

"Tonyo, ano'ng nangyayari?" Ginala ko ang tingin sa paligid. Sinundan ng nakakabinging katahimikan ang mga palahaw. Maging ang mga kulisap ay tahimik. Ang mga ibon ay walang mga huni. Ang mabilis kong paghinga na lang ang naririnig ko.

"Bilisan natin." Hinigpitan niya ang hawak sa pulso ko at tinangay niya ako sa kanyang pagtakbo.

Isang ale ang sumalubong sa amin. May dala siyang lampara.

"Ser!"

"Kapitana!" Pareho kaming tumigil ni Tonyo.

"Tamang-tama!" bulalas niya. "Kanina pa kita pinapahanap." Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala.

"Huwag kang lumapit sa kanya," bulong ni Tonyo.

"Pero..."

"Hayaan mo na siyang makaalis," saad ni Tonyo.

"Hindi ligtas ang daan." Lumapit si Kapitana sa amin.

Pumagitna si Tonyo sa amin. "Mas hindi siya ligtas sa lugar na ito."

"Ser Carlo, bumalik na tayo sa bahay. Doon ka na lang magpalipas ng gabi. Bukas na bukas ng umaga ay ako mismo ang maghahatid sa iyo pauwi."

"Huwag!" sigaw ni Tonyo. "Kailangan na niyang makaalis dito."

Nagulat ako nang bigla siyang sampalin ni kapitana. "Tingnan mo ang daan! Paano kayo makakaalis dito gayong madilim na?"

"Tonyo, tama si kapitana. Manatili na lang siguro muna tayo sa kanila."

Ang Lalaki sa SitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon