Chapter 4

6.9K 247 6
                                    

Inusisa kami ni kapitana kung ano'ng nangyari sa amin. Ang sabi niya huwag magpapagabi sa gubat. Sinermonan niya naman si Tonyo na pinagtanggol ko na rin dahil nakakaawa rin. Masama pa rin ang tingin sa akin ng anak ni kapitana na si Osias. Hindi ko na lang pinansin hanggang sa lumapit muli ito at sinasabihan akong mag-ingat noong paalis na kami. Nahiwagaan na ako sa turing niya. Kaunti lang ang nakain ko, hindi dahil sa kakaibang lasa ng pagkain nila tuwing gabi, ngunit dahil sa nangyari sa akin sa gubat.

"Baunin mo ito," saad ni kapitana na nagbalot ng bawang sa pulang tela.

"Para saan po ito?"

"Pangontra sa malas."

"Mapamahiin pala kayo."

"Sige na. Lumakad na kayo." Halata kong balisa si kapitana.

Mabilis ang paglalakad namin ni Tonyo hanggang sa makarating kami sa kubo niya. Agad niyang nilagay ang lampara sa sulok matapos sarhan ang mga bintana at pinto.

"Huwag ka mag-alala, walang mananakit sa iyo dito."

"Bakit ka nga pala nawala kanina sa gubat?"

"May tiningnan lang ako, tapos pagbalik ko wala ka na." Inayos niya ang kanyang higaan. "Huwag ka gumala dito nang mag-isa. Kung may gusto kang puntahan, sabihan mo ako."

Galaw ako nang galaw dahil hindi na naman ako makatulog. Binuksan ko na lang ang laptop ko. Sinalin ko ang mga larawan sa SD card ng camera ko sa laptop. Kulang pa ang mga ito. Kelangan pa ng footages at dagdag na mga larawan na magpapakita ng pangkaraniwang buhay ng mga katutubo.

Ilan sa mga larawan ang kumuha ng atensiyon ko. May isang larawan na parang may itim na pigura sa likod ng kumpol ng mga katutubo. Tila nagmamasid ang itim na pigura. Nanlaki ang mga mata ko nang sa ibang larawan ay nawala ang itim na pigura at napalitan ng parang baboy ramo sa mismong kinatatayuan ng itim na nilalang. Kinilabutan ako. Sinarado ko na lang ang laptop.

"Hindi ka makatulog, Si... Carlo?"

Napaigtad ako sa gulat. Ang buntong-hininga ko yata ang sumagot sa tanong niya.

"Masyado ka palang magugulatin."

"Baka epekto lang ng stress."

Hindi ko alam kung bakit taimtim niya akong tinitigan. "Carlo, may itatanong ako, pero huwag ka magagalit."

"Ano naman?"

"Bakla ka ba?"

"Bakit mo tinatanong?"

"Pasensiya ka na." Tumitig siya sa kisame. "Kalimutan mo na lang."

"Paalisin mo ba ako sa kubo mo kung bakla ako?"

"Bakit naman kita paaalisin?" Marahan siyang tumawa. Sandaling nagtama ang mga tingin namin nang sulyapan niya ako.

"Oo, bakla ako. Pero hindi naman ako nangangain ng tao." Inayos ko na lang ang pagkakahiga ko. Nakiramdam lang ako kung ano ang sunod niyang sasabihin pero tumahimik na siya, na tulog na pala nang lingunin ko.

Dumako ang tingin ko sa sugat sa braso niya. Tinitigan ko ito. Nang idampi ko ang hintuturo ko dito ay napansin kong tuyo na ito, isang bagay na pinagtakhan ko. Wala na rin ang pasa niya sa pisngi. Ang kanyang malakerubing mukha ang huling rumehistro sa diwa ko bago ako saklubin ng matinding antok.

Bumalikwas ako nang makarinig ako ng pagkalabog sa kalakat. Umuga ang kubo. Wala ang kasama ko! Wala siya sa kinatutulugan niya. At ang mas kinatakot ko ay bukas ang pinto. Hindi ko alam kung lumabas siya.

Isa pang kalabog ang nagpasigaw sa akin. Sa pagkakataong ito, nasira ang bahagi ng dingding. Natatakot ako lalo pa't hindi ko batid ang nagaganap. Gumapang ako patungo sa pinto. Nakiramdam ako sa susunod na mangyayari. Tinalasan ko ang aking pandinig, ngunit ang naririnig ko lang ng mga minutong iyon ay ang mabilis na tibok ng aking puso na parang sasabog sa dibdib ko. Sa pagtagaktak ng pawis sa aking balat ay nanuot ang lamig sa mga buto ko.

Ang Lalaki sa SitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon