Chapter 5

6.6K 240 17
                                    

Antok na antok ako habang kumukuha ng mga litrato at bidyo. Siyempre, kinausap ko rin ang mga katutubo, lalo na ang pinuno nila upang magpasalamat dahil sa malugod nilang pagtanggap. May sinabi siya na pinasalin ko kay Tonyo sa Tagalog. Pero ayon kay tonyo ang sabi niya ay mag-ingat daw ako. Hindi ko na siya tinanong kung bakit dahil gusto ko maabutang bukas ang tanggapan ng kapitana para makapag-charge ako ng laptop ko. Iyon lang kasi ang may kuryente sa sitio na ito.

Pero wala si kapitana sa opisina nitong sarado. Sabi ng mga nakatambay sa labas ay buong araw daw wala si kapitana. Naisip ko na lang na baka abala siya.

Hinikayat ako ni Tonyo na bumalik sa talon na dinalhan niya sa akin noong nakaraang araw. Pumayag na rin ako dahil wala rin naman akong gagawin. Gusto ko na rin magliwaliw sa huling araw ko sa sitio. Naisip ko na sa bayan na lang ako magcha-charge ng mga gamit ko.

Hindi ko alam kung nabighani ba ako kay Tonyo o ano. Pero sadyang may kaakit-akit sa kanya. Kung ano iyon ay hindi ko lubos mapagtanto. Siguro ang mukha niyang parang inosenteng kerubin, lalo pa't kulot ang buhok niyang bagay na bagay sa hubog ng kanyang mukhang noon ko lang napagtantong hindi karaniwan sa mga naninirahan doon. O baka naman nabighani ako sa batak niyang pangangatawan na siguro bunga ng gawaing bukid, gaya ng pangangaso.

At ang mas nakakuha ng atension ko ay ang kahubdan niyang hindi niya pinagdamot sa akin. Siguro ay sanay siyang maghubad kahit na mayroong tao. Pero parang kabalintunaan naman, lalo pa at alam ko na mahiyain siya.

Muli akong napalunok ng sa pag-ahon niya ay nasilayan ko ang lahat sa kanya nang mas malapit.

"Bakit nandito ka lang?" Pumatong siya sa malapad na batong inupuan ko sa gitna ng ilog. Sa di kalayuan ay tanaw namin ang pagbagsak ng tubig sa talon.

"Tinatamad akong lumangoy," maikli kong tugon. Hindi ko masabi sa kanya na pinagmasdan ko siya, dahil interesado ako, kung bakit ay ayokong alamin. Aalis din naman ako. At iiwan ko rin naman ang pook na ito.

"Sana bumalik ka ulit dito."

Napalingon ako sa kanya. Gusto ko siya tanungin kung bakit, ngunit tila alam niya ang laman ng isipan ko.

"Ikaw lang kasi ang kumakausap sa akin." Kinurot niya ang puso ko dahil sa sinabi niya.

"Wala bang kumakausap sa iyo dito?"

"Natatakot sila sa akin."

"Bakit naman?"

"Hindi ko alam." Tinapon niya ang mga inosenteng tingin sa malayo.

"Salamat ha, sinamahan mo ako sa mga lakad ko dito. Hindi ko matatapos ang research work ko kung hindi dahil sa iyo."

Yumuko siya. At ngumiti. "Mabait ka kasi." Ang tamis ng ngiti niyang ginawad niya sa umaagos na tubig.

"Bukas ng umaga aalis na ako. Gusto ko sana ngayon, pero gusto ko rin magpaalam nang maayos kay kapitana. Baka ngayong gabi pagkahapunan natin doon."

"Mas mabuti kung lumisan ka na ngayon. Sasamahan kita sa sakayan."

"Bakit, gusto mo na ba akong umalis?"

Umiling siya. "Naisip ko lang na baka naiinip ka na dito. Laking lungsod ka kasi. Mahirap sa katulad mo na mamuhay dito."

"Hindi naman. Sanay na ako sa mga lugar na gaya nito."

"Marami ka na sigurong naging kaibigan."

"Kaunti lang. Kadalasan kasi pagkatapos ng field research iyon na iyon. Wala ng kamustahan, tawagan, o komunikasyon."

Matagal siyang hindi nagsalita. Habang tahimik siya ay inaliw ko ang sarili ko sa pagtanaw sa ganda ng kalikasan at sa pakikinig sa musika ng daloy ng tubig habang binabasa kami ng hamog. Bukod sa ingay ng tubig ay pinuno ng mga huni ng ibon ang lugar.

Nasa kalagitnaan ako ng pagiging isa sa kalikasan nang maramdaman ko ang palad na dumapo sa palad ko. Napalingon ako. Hinugot ko ang kamay ko sapagkat may naramdaman ako na hindi ko gustong maramdaman.

"May kasintahan ka na ba sa Maynila?"

Umiling ako. Hindi ako komportable sa tanong niya.

"Kinakasama?"

"Wala." Hindi ko siya tiningnan.

"Pero kasama mo naman siguro ang pamilya mo."

Umiling ako. "Tinakwil nila ako noong nalaman nilang..." Bago ako nagpatuloy ay tinanong ko ang sarili ko kung dapat bang ikwento ko ang buhay ko sa kanya, sa isang taong hindi ko kilala.

Nabigla ako ng pahiran niya ang luha ko gamit ang kanyang hintuturo. "Pasensiya ka na. Hindi ko sinasadyang magtanong."

Ewan ko ba. May kung anong nag-udyok sa akin na huminga sa kanya. "Hindi nila matanggap na bakla ako. Pinalayas nila ako noong nag-aaral pa lang ako sa kolehiyo nang malaman nilang may boyfriend ako."

"Masaklap din pala ang buhay mo. Pero buti ka pa kilala mo ang mga magulang mo."

"Minsan naisip ko na parang wala rin namang kwenta kahit kilala ko pa sila. Hindi na naman nila ako tinuturing na anak."

"Kung nag-iisa ka lang, nasaan na ang nobyo mo?"

"Naghiwalay din kami noong may nabuntis siyang babae." Ngumingiti ako pero lumuluha. "Alam ko din naman na mangyayari iyon. In denial lang ako na sila na noong babae, pero noong nabuntis niya ito, pinalaya ko na siya. Alam ko din naman na mangyayari iyon."

Pinagmasdan ko lang ang talon, pinakinggan ang bagsik ng pagbagsak ng tubig. Pinayapa ko na rin ang damdamin ko. Ayaw kong ibuhos ang emosyon sa tabi ng estranghero. Kinalimutan ko na rin naman ang masakit na pangyayaring iyon.

"Carlo," saad niya.

"Bakit?"

"Pwede ba kitang yakapin?"

"Bakit?"

"Para mawala ang sakit sa dibdib mo."

Hindi ko pa nabibigay ang sagot ko nang igapos niya ako sa mga bisig niya. Nang ilayo niya ang katawan niya sa akin ay tinitigan niya ako, titig na may halong pag-aalala, titig na animo'y may hinahanap sa aking diwa na kung anong hindi ko mapagtanto o maintindihan. Bumaba ang tingin ko mula sa mga mata niya patungo sa mga labi niyang bahagyang nakabukas. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Hinalikan ko siya. At hindi siya tumutol.

Hindi ko lubusang maintindihan kung paano nauwi sa ganoon ang dapat sana ay simpleng yakapan. May nangyari sa amin ni Tonyo. Ayaw ko man aminin sa sarili ko, pero nagustuhan ko ang nangyari.

May kakaiba akong naramdaman. Ayaw ko man niyon, subalit iyon ang sigaw ng aking damdamin. Nagugustuhan ko na siya. Pilit ko mang iwaglit sa aking isipan ang naramdamang emosyon ay umaalpas ito, sumisiksik sa diwa ko.

Hindi ko na alintana ang mga kaluskos dahil kasama ko siya, at pakiramdam ko ligtas ako kapag nasa tabi ko siya.

Ang Lalaki sa SitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon