October 15, 2013
Dear Mr. G,
Ako po si Francis Lavilla. Francis sa umaga, Franchesca sa gabi. Opo, bakla ako. Maraming nandidiri, maraming nanghuhusga. Ano ba ang nakakadiri sa pagiging bakla ? Hindi naman ito isang uri ng nakakahawang sakit. Yan ang naging dahilan kung bakit nahirapan ako sabihin sa lahat kung ano ba talaga ako.
Lumaki ako ng wala si papa. Namatay siya sa gera. Mahirap lumaki ng walang tatay sa tabi mo. Kahit na nandyan si mama hindi ko naman ramdam ang presensya niya dahil busy siya palagi sa trabaho. Siguro yun yung dahilan kung bakit ako nagkaganito. Ewan ko lang. Baka nakatadhana na sakin ang maging ganto.
Sa school alam na ng lahat ang tungkol sakin, pero sa bahay wala. Natatakot kasi ako kay mama. Ang gusto kasi niya sundan ko ang yapak ni papa sa pag susundalo. Pero mahirap magpakalalaki lalo na at may-ari ng clothing line ang mama mo. Ayaw kong malaman ni mama ang tungkol sakin baka kasi pag nalaman niya itakwil na niya ako bilang anak.
Kapag nasa school ako feeling ko sobrang malaya ako. Dito kasi nagagawa ko lahat ng gusto ko. Napapakita ko kung sino talaga ako. Hindi pa rin syempre mawawala yung mga kontrabida sa buhay ko. Nandyan yung mga taong wala ng ibang magawa sa buhay kundi manlait at manghusga.
Naranasan ko na ata lahat ng klase ng pang-aasar. Pero ang natatanging nakapagpainis sakin ay nung asarin ako ng crush ko. Masakit ! Minahal ko siya eh. Charot. Nagustuhan ko siya kasi akala ko iba siya sa kanila. Pero niloko lang niya ako. Pagkatapos niya kong asarin o inisin wala na akong ibang nagawa kundi ang lumayo. Tumakbo ako papunta sa isang lugar na ako lang ang nakakaalam. Isang maliit na garden sa likod ng school. Tuwing may problema ako doon lang ako pumupunta. Tahimik at walang tao.
Isang beses pag punta ko sa garden, isang lalake ang nakita kong nakupo sa trono ko. Di ko alam kung magagalit ako dahil walang pwedeng umupo sa upuan ng dyosa. O matutuwa dahil ang gwapo niya.
"Anong ginagawa mo dito?"
Tinanong ko siya. Syempre pagalit yung tono ko para kunwari galit ako sa kanya. Nagpakilala siya sakin. Si Riley. Nakasuot siya ng uniform ng school pero parang hindi ko siya nakikita dito. Nagkaroon kami ng konting kwentuhan at nalaman ko na may mga pinagdadaanan din pala siya. Sa pagkakakwento niya ng buhay niya pakiramdam ko ang swerte swerte ko pa. Lumaki siyang walang kaibigan. At sa kalagitnaan ng kwentuhan namin nalaman ko na magkakilala pala sila ni Ethan, yung crush nung kapatid ko. Ang galing. What a small world.
Pag-alis niya parang nagliwanag ang paligid ko. Kakaiba kasi yung itim na aura na dinadala niya. Naisip ko na kailangan ko siyang tulungan. Mula nung araw na nagkita kami palagi ko na siyang hinahanap pag reccess o kaya uwian para makapag-usap kami ulit. Kaso sobrang hirap niyang mahanap.
Nung nagkita kami ulit sa canteen sinabihan ko siya na gusto ko siyang maging kaibigan. Sa tingin ko naman natuwa siya sa sinabi ko dahil inaya niya ako na tabihan siya sa pagkain. Puro kwentuhan lang ang ginagawa namin tuwing magkakasama kami. Nasabi ko na din sa kanya na kilala ko si Ethan.
Pero hindi nag tagal ang pagiging magkaibigan namin ni Riley, na sa tingin ko ay ikanulungkot niya ng sobra. Mas pinili kong layuan siya ng malaman kong pinaguusap-usapan na siya ng mga tao. May kumakalat na chismis na boyfriend ko daw siya. Mabait si Riley kaya ayaw kong madamay pa siya sa magulong mundo ko kaya mas pinili kong lumayo.
Minsan napapaisip ako kung bakit ginawa ng diyos ang mga taong makikitid ang utak. Gusto ko po sanang humingi ng tulong kung paano sila ipapatapon sa araw ? Joke lang po. Kung hindi niyo po mamasamain ay hindi ko naman po kailangan ng tulong niyo. Kaya ko po lahat ng problemang dumadating sakin. Nasa dugo ko ang dugo ni Darna. Hindi na po ako mag susulat ng mahaba baka po nakakaistorbo lang ako sa inyo. Gusto ko lang pong dumaldal. Maraming salamat po sa oras.
-Francis Lavilla
