December 9, 2013
Dear Mr. G,
Ako si Riley.
Fourth year high school na ako. Sa loob ng apat na taon ko sa high school wala pang nakakakilala sakin. Kahit ang mga kaklase ko. Wala akong mga kaibigan. Hindi ko nga alam kung kilala ba ako ng mga teacher ko. Sa tingin ko hindi.
Siguro nagtataka kayo kung bakit walang nakakakilala sakin. Hindi kasi ako yung tipong mahilig makipagkaibigan. Hindi ako sanay na nakikipagusap sa ibang tao. Lumaki ako sa isang mayamang pamilya, pero hindi ako masaya dahil dun. Palaging busy sa trabaho ang mga magulang ko. Wala akong ibang kasama sa bahay kundi ang mga katulong namin.
Lumaki ako na nakukuha lahat ng bagay na gusto ko. Lahat ng bagay na hilingin ko ibinibigay sakin ng mga magulang ko. Pero habang lumalaki ako nalaman ko na hindi pala lahat ng bagay kayang bilhin ng pera. Mayaman kami pero wala akong kaibigan. Kahit isa.
Noong bata ako meron akong isang kaibigan, si Ethan. Palagi kaming naglalaro sa bahay. Patago siyang pumapasok sa bintana ng kwarto ko. Hindi kasi ganun kayaman ang pamilya ni Ethan kaya hindi ako pinapayagan ni mama na makipagkaibigan sa kanya. Pero hindi natakot si Ethan at nagpatuloy pa rin sa pakikipagkaibigan sakin.
Minsan ako ang pumupunta sa bahay nila, pero syempre patago. Maliit lang ang bahay nila. Yung buong bahay nila kasing laki lang ng kwarto ko. Pero hindi katulad sa bahay, masaya kina Ethan. Kaya minsan naisip ko na sana dun na lang ako nakatira.
Matagal din na ganun ang gawain namin. Patago siyang pumapasok sa kwarto ko para mag laro. Ako naman patagong lumalabas ng bahay para pumunta sa bahay nila. Pero hindi din yun nag tagal. Nalaman ng mga magulang ko ang patago kong pagpapapasok kay Ethan sa kwarto at ang patago kong paglabas ng bahay. Inisip nila na si Ethan ang nagturo sakin na gawin yun pero ang totoo ako ang may gusto nun.
Kinabukasan pagkatapos malaman ng mga magulang ko ang nangyari ay agad kaming pumunta sa states. Doon na daw ako mag aaral para maiwasan ang mga taong tulad ni Ethan. Hindi na ako nakapagpaalam kay Ethan dahil biglaan ang lahat. Mula noon hindi na ako muling nagkaroon ng kaibigan.
Anim na taon na ang lumipas mula ng mangyari yun pero hanggang ngayon wala pa din akong mahanap na katulad ni Ethan. Yung hindi tinitingnan kung sino ako, kundi kung ano ako. Kung tatanungin mo ako kung sino ako, ang isasagot ko sayo ay ang pangalan ko at sigurado akong pag narinig mo kung ano ang apelyido ko malalaman mo na agad na galing ako sa isang mayamang pamilya. Pero kung tatanungin mo ako kung ano ako, saasabihin ko sayo kung ano ang ugali ko, kung ano ang mga hilig ko, kung ano ang mga ginagawa ko sa buhay.
Hindi tulad ng mga nangyayari sa teleserye, hindi naman ako nabubully. Wala lang talagang nakakapansin sakin. Yung para lang akong anino sa classroom. Buti pa nga yung anino nakikita eh.
Ayaw kong manatiling ganoon. Gusto ko ng pagbabago pero natatakot ako. Natatakot ako na kapag nakipagkaibigan ako ulit ay mangyari lang yung nangyari dati. Natatakot din ako na baka hindi magustuhan ng mga kakaibiganin ko ang ugali ko. Baka iba yung hilig nila sa hilig ko.
I want this year to be different. Gusto ko na bago matapos ang huling taon ko sa high school na meron ako kahit isang kaibigan.
Ngayong taon sumali na ako sa mga school organizations. Natanggap ako sa music club. Kung hindi ko pa nasasabi, marunong akong tumugtog ng piano. Tinuturuan ko pa nga dati si Ethan kung pano tumugtog ng piano.
Tumutugtog ako sa bawat performance nila. Pero katulad ng dati hindi pa rin ako napapansin. Ano bang meron sakin ? Kung kakausapin man nila ko, saglit lang, uutusan lang nila ako ng taasan ng konti yung pagtugtog ko.
Minsan sumasagi sa isip ko ang mag suicide. Tutal wala din namang nakakapansin sakin. Wala namang makakaalala sakin. Baka nga walang makaalam na patay na ako, kahit ang mga magulang ko. Pero hindi ko gagawin yun. Alam ko na dadating din ang araw na magbabago ang lahat.
Isang araw ako lang mag-isa sa music room. Tumutugtog. Tinutugtog ko ang paboritong kanta namin ni Ethan. Hindi ko tinutugtog to sa harap ng madaming tao dahil nangako kami ni Ethan sa isa't isa na kami lang ang makakaalam ng kantang ginawa niya.
Habang tumutugtog ako, isang lalake ang nakita kong nakatayo sa pintuan ng room.
Sa una pa lang ay kilala ko na siya, si Ethan.
Anong ginagawa niya dito? Imposibleng dito siya nag aaral dahil alam kong hindi nila kayang mag aral sa ganitong school.
Nilapitan ko siya at kinausap. Pero nag bago na siya. Hindi na siya tulad ng dati. At nagkamali ako, dito nag aaral si Ethan. Hindi ko alam kung paano at bakit.
Gusto ko lang po sana humingi ng tulong. Ano po ba ang dapat kong gawin kapag nakita ko ang best friend ko matapos ang madaming taon pero hindi na siya tulad nung dati. Paano ko ba maibabalik ang nakaraan ?
-Riley
![](https://img.wattpad.com/cover/10754883-288-k975444.jpg)