August 29, 2015
To whom it may concern,
Ako si Gerald Cruz. Mas kilala ng iba bilang si Mr. G, isang taong tumutulong sa mga problema ng iba. Ilang taon ko na din ginagawa ito kahit na wala akong nakukuhang sweldo. Masaya ako kapag may nagpapadala sakin ng sulat at nagpapasalamat sa tulong na ginawa ko.
Nitong nakaraang taon mayroon akong apat na tao na hindi ko natulungan sa mga problema nila. Marahil nabasa niyo na ang kwento nila, ilalagay ko nalang ang mga iyon kasama ng sulat na to (Kung matanggap mo ang sulat na to na hindi kasama ang mga sulat nila Riley, Ethan, Alex, at Francis ay marahil nakalimutan ko lang ilagay. Pasensya na).
Hindi ko sila matulungan dahil nangyari din sakin ang mga problema nila (maliban lang yung kay Francis). Lumaki ako sa isang bahay ampunan. Hindi din ako palakaibigan katulad ni Riley. Nahirapan ako makibagay sa mga tao sa paligid ko. Katulad ni Ethan, naranasan ko na ding mag mahal at masaktan. Katulad ni Alex lumaki din akong walang magulang. Pero katulad ni Francis na sa kabila ng mga problemang dinadala ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa.
Katulad nila sinubukan kong solusyunan ang problema ko. Pero hindi naging matagumpay ang solusyon na nagawa ko kaya pinili ko nalang na hindi sagutin ang mga sulat nila. Baka kasi mas lalo lang akong makagulo. Pero kahit papaano naman natutuwa pa rin ako dahil ilang buwan lang ang nakalipas nakatanggap ulit ako ng sulat mula sa kanila.
Dahil sa tulong ni Francis nakapag-usap na ulit sila Ethan at Riley. Sa pagkakasulat ni Riley ramdam ko na sobrang saya niya. Alam ko na sobrang na miss niya si Ethan kaya ngayon masaya na ako para sa kanya. Nakuwento din niya na hindi na siya natatakot makipagkaibigan. Tinutulungan siya ni Ethan kung sino ba ang dapat niyang kaibiganin. Inilalayo niya si Riley sa mga kaibigang makakasira ng buhay niya.
Si Ethan naman naging masaya na kasama si Alex. Nagpaliwanag sa kanya si Alex kung bakit ba siya lumayo at kung bakit niya yun ginawa kay Ethan. Dahil naman mahal ni Ethan si Alex tinanggap naman nito ang paliwanag niya.
Si Alex naman ay nakita na ang nanay niya. Kaya pala hindi siya nito binalikan ay dahil nag hanap pa siya ng matinong trabaho. At sa loob ng labing limang taon ng sipag at tiyaga ay mayroon ng maginhawang buhay na maibibigay ang nanay niya sa kanya. Sobrang saya ni Alex na nakaalis na siya sa bahay ni Mrs. Lavilla. Ngayon kasama na niya ang nanay niya.
Masaya ako sa bagong buhay ng tatlo. Masaya ako at nagawa pa rin nilang ibahagi sa akin ang kwento nila kahit na hindi ko naman sila natulungan. Siguro naging patunay lang yun na hindi lahat ng problema kaya kong solusyunan, minsan kailangan mo lang maging matapang at subukang solusyunan ito ng mag-isa.
Nakakalungkot man pero iba ang laman ng sulat ni Francis. Hindi ito isang sulat na nag kukwento ng mga nangyari sa buhay niya, kundi isang sulat ng pamamaalam. Sinubukang sabihin ni Francis sa mama niya kung ano ba talaga siya. Pero hindi naging maganda ang kinalabasan.
Pagkagraduate nila ng highschool ay tumuloy pa rin sa military school si Francis. Kahit ayaw niya. Doon tago ang pagiging bakla niya. Pero nung nalaman ng isa sa mga kasama niya ang tungkol kay Francis naging "spotlight" na siya ng tukso. Yan ang salitang ginamit ni Francis. Sabi pa niya hindi na niya kaya ang mga ginagawa sa kanya dun.
"Siguro ito na ang parusa sakin ng diyos sakin.."
Nakakalungkot lang na ang isang matapang, malakas, at mabuting tao katulad ni Francis ang mawawala sa mundo dahil lang sa mga taong makikitid ang utak at hindi marunong umintindi. Nagpapasalamat ako at naging parte ako ng buhay ng isang Francis Lavilla. Tatawin kong isang karangalan ang pag bibigay niya sakin ng kanyang huling sulat.
Ito na ang magiging huling sulat ko. Natutuwa ako at marami akong natulungan sa pamamagitan ng pagsulat sa loob ng ilang taon. Pero sa tingin ko kailangan ko ng tumigil. Sapat na siguro ang isang taong nawala dahil hindi ko siya natulungan. Ayaw ko ng madagdagan pa. Maraming salamat sa lahat.
-Mr. G
