Tekstong Deskriptibo: AKO (Part 1 of 2)

741 4 0
                                    

Mayroong mga tao sa ating buhay na minsa'y hindi natin sapat na maintindihan o lubos na makilala. Sila ang mga taong hindi gaanong nakikisama sa galaw at takbo ng mundo, ang mga taong mas pipiliing mapag-isa sa madilim na silid kaysa sa makihalubilo sa maaliwalas na kapaligiran. Sila ang mga uri ng taong batid mong hindi mo kakausapin sa unang tingin pa lamang. Sila ang mga taong hindi nag-iisip, nakikiramdam, at namumuhay tulad ng nakararami.

Ngunit kahit sila''y madalas na nasasabihang naiwan sa agos ng ilog ng panahon, tila makapupuno ng isang silid ang kanilang mga pananaw sa buhay. Tila mas nanaisin mo pa silang makausap kapag ang katotohanang ito'y iyong naunawaan, at kapag ang ganoong kabutiha'y iyong naranasan.

Sa katunaya'y masasabi kong hindi ako ganoong uri ng tao. Wala akong pangngalang maituturing na sariling akin. Wala akong pagkataong inaalagan sa huling tatlong taon ng aking pag-aaral sa pamantasang ito. Wala akong tunay na kaibigan, at wala akong ganap na layunin sa aking buhay. Wala akong nagagawang kanais-nais sa mata ng mga nakakataas, at wala akong alam ukol sa aking sarili na maaari kong ipagmalaki sa iba.

Ang alam ko lamang sa aking sarili'y isa akong kahihiyan.

Isa ako sa daan-daang mukha sa aming sosyaling pamantasang tila nabulag ng sistema at nanakawan ng pagkakakilanlan. Isa ako sa libo-libong mag-aaral na nabulag sa mariwasang pamamaraan ng pamumuhay at pakikisama. Parati kong nararamdamang tila kailangan kong sumunod sa uso at sumabay sa nakararami, kung kaya't di ko maiwasang hamakin at husgahan ang iilan kong mga kaklaseng hindi katulad namin. Tanto ko man sa aking sariling hindi ito nararapat, nagagawa ko ito minsan sa pag-aakalang sa ganito lamang ako tatagal sa lipunan.

Maaaring hindi ito kapani-paniwalang isipin, ngunit hindi ako ipinanganak o pinalaki nang ganito. Bago ako pumasok sa kolehiyo, sa pamantasang ito na aking sinisisi sa pagkawala ng aking pagkatao, nakilala ako sa mabuting pamamaraan. Bilang masipag na mag-aaral. Bilang mabait at maunawaing kaibigan. Bilang masunurin at maalagang anak. Bilang matapat at mapagmahal na kapatid. Bilang kabataang may ganap na kagustuhan sa buhay.

Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon, hindi tumalab ang ganitong mga katangian sa aking pinasukang kolehiyo. Sa aking unang tao'y nagsumikap ako't kumayod nang higit sa aking makakaya. Subalit sadyang mailap ang tadhana. Mas mataas pa ang marka ng aking mga kaklase na binarkada ang propesor at natulog buong araw, kaysa sa iilan sa aming nagdanas ng hirap upang mag-aral at makapasa. Napaluha na lamang ako at napasuntok sa pader nang nabatid kong ganoon pala ang kahulugan ng edukasyon sa pamantasang aking nais pasukan kahit ako'y bata pa. Lubos akong nawalan ng ganang mamuhay nang naalala kong pinili kong pasukin ang ganitong kapalaran sa sobrang paghahangad.

Hindi naglao'y naintindihan ko ang mapait na realidad. Wala nang kabuluhan ang pagpapakasakit at pagpapakahirap sa panahon ngayon, sapagkat wala nang mga taong naiisip ang kabuluhan at kahalagahan ng buhay. Wala na akong magagawa sa aking limang taon sa paaralang ito kundi magsaya, maglibang, at maging tulad ng nakararami. Wala nang pag-asang makaraos kung ako'y magpapakatino, magpapakabuti, at magpapakasipag. Mas mabuti na yatang makain ng sistema kaysa mapagod para sa wala.

Iyon na nga ang aking pinagkaabalahan. Nakihalubilo ako sa mga taong nalulong sa makamundong pagnanais. Naranasan ko nang makatikim ng bawal na gamot, makaranas ng mga bagay na hindi dapat, at makagawa ng mga kahihiyang hindi ko inakalang aking makakaya. Nahulog na ako sa labis na kasakiman at sa impluwensya ng mga kaibigang akala ko'y tunay na mapagkakatiwalaan. Kahit alam ko sa sarili kong mali ang aking mga pamamaraan, ano pa ba ang aking magagawa kundi tanggapin ang aking kapalaran?

Sa sobra kong kapalaluan at kamangmangan, nadamay ko pa ang mga taong hindi dapat. Nadamay ko pa ang mga matitino at mabubuti sa aking mga kasalanan, at tila minsa'y sinasadya ko pa ito.

Maaaring ito'y dahil sila ang mga taong hindi ko maintindihan o makilala.

Maaaring ito'y dahil sila ang mga taong hindi nakikisama sa takbo ng mundo, ang mga taong mas pipiliing mapag-isa kaysa makihalubilo.

Maaaring ito'y dahil sila ang mga taong alam kong hindi ko nais kausapin.

Maaaring ito'y dahil sila ang mga taong hindi nag-iisip, nakikiramdam, at namumuhay tulad namin.

Maaaring ito'y dahil sila ang aking natitirang pag-asa.

intindi.Where stories live. Discover now