"Madaling sabihin, mahirap gawin."
Minsa'y ganyan ang ating kaugalian ukol sa pagsusulat ng isang akda, piksyon man ito o di-piksyon. Kung tutuusin, napakadaling sabihin sa ating sariling kaya nating magsulat ng isang epektibong salaysay o ng isang makatawag-pansing sanaysay. Ngunit sa tuwing sinimulan na nating itala sa papel ang ating mga naisip, nararamdaman na natin ang bigat ng pagsusulat. Kaya kung minsa'y tila walang kabuluhan o damdaming ipinapahayag ang ating mga nasusulat.
Sa aking palagay, hindi na ito nababagong suliranin. Kadalasan, ang kakulangan sa kakayahang magsulat ng isang mabisang akda ang dahilan kung bakit ang ibang tao'y pipiliin na lamang na huwag na magsulat. Ngunit hindi maitatangging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ang pagsusulat. Kung tutuusin, ginagamit natin ito sa paglalahad ng ating mga kaisipan, saloobin, at damdamin.
Sapat na dahilan ito upang ating maintindihan ang proseso ng pormal na pagsusulat - at upang magkaroon tayo ng pansariling estilo ng pag-akda mula rito. Ang proseso ng pagsusulat ay binubuo lamang ng limang hakbang.
--------------
UNA: Paghandaan ang iyong isusulat na komposisyon.
Hindi basta-basta ang pagsusulat. Kailangan mo munang paghandaan nang mainam ang iyong isusulat. Kasama na sa iyong paghahanda ang pagpili ng paksa, ang paglahad ng iyong layunin, ang pagtiyak ng iyong mga mambabasa, at ang pansariling paghanda.
Bago ang lahat, maghanap ka ng isang paksang pagtutuunan ng higit na pansin ng iyong akda. Kumuha ka ng mga ideya mula sa iyong kapaligiran, sa iyong mga karanasan, o sa iyong imahinasyon. Kung nais mong sumulat ng mabisang akda, pumili ka ng paksang naaayon sa iyo. Ang iyong paksa ay maaaring isang tao, bagay, lugar, o pangyayari na lubos na nakakaapekto sa iyo o lubos mong naiintindihan.
Makatapos maghanap ng paksa, bigyang-linaw ang dahilan ng iyong pagsusulat at ang mga inaasahan mong magbabasa ng iyong nagawa. Sa paggawa nito, binibigyan mo ng kahalagahan at katangian ang iyong napiling paksa. Nagsisimula ka na ring lumikha ng larawan sa iyong isipan sa kung ano nga ba ang iyong gagawin.
Higit sa lahat, nararapat na handa kang magbahagi sa iyong mga mambabasa ng mga kaisipan, saloobin, at katotohanan na nilalaman ng iyong akda. Akin lamang na ibabahagi na ito ang aking pinakamahalagang pilosopiya tuwing ako'y magsusulat. Ayaw kong magsulat kapag hindi ako nasa kundisyong magsulat, sapagkat alam kong hindi ko mailalahad ang nais kong sabihin at wala akong mayayaring mabuti kahit pa ako'y magpatuloy.
IKALAWA: Sumulat ng balangkas (draft) ng iyong komposisyon.
Isaayos mo ang iyong mga saloobin at kaisipan sa pamamagitan ng pagsulat ng unang balangkas ng iyong akda. Mahalagang magkaroon ng pagkakasunod-sunod ang mga detalyeng iyong ilalahad sa iyong pagsusulat, obhetibo man ang mga ito o subhetibo. Ang nasabing pagkakasunod-sunod ay maaaring ayon sa oras, espasyo, kahalagahan, o katangian ng mga detalye, depende sa iyong opinyon at estratehiya.
Bigyang-pansin din ang estruktura ng iyong akda. Mayroon dapat itong makatawag-pansin na panimula, makabuluhang gitna, at mabisang wakas. Mas madaling basahin ang iyong teksto kapag magkaugnay ang iyong mga talata, malinaw ang diwa ng iyong mga pangungusap, at kasang-ayon ang iyong mga detalye sa pangunahing paksa ng iyong akda.
IKATLO: Suriin ang iyong komposisyon.
Sa pagsusulat ng iyong balangkas, hindi maiiwasang magkamali - kung kaya't kailangan itong suriin nang mabuti. Sa pagsusuri ng iyong akda, hindi rin maiiwasang lumapat ng rebisyon ng nilalaman at estruktura nito. Maaaring hindi gaanong naaayon sa iyong mga mambabasa ang iyong nailahad, o hindi gaanong nailahad ang mga detalye nang may kaayusan at karangalan. Maaaring nawala na ang pangunahing diwa ng iyong akda o dahilan ng iyong pagsusulat, o may kamalian sa gramatika o sa baybay ng mga salita. Sa pagsusuri ng akda, natatama ang mga kamaliang iyong nagawa.
Walang saysay ang iyong pagsusulat ng balangkas kapag hindi mo ito binasa at sinuri, kahit pa maayos at maganda na ang iyong naisulat. Ang masusing pagsusuri ng iyong komposisyon habang ika'y nagsusulat ay labis na mahalaga upang maintindihan ng iyong mga mambabasa ang mensaheng nais mong iparating.
IKAAPAT: Pamatnugutan ang iyong sariling akda.
Iba ang pamamatnugot sa pagsusuri. Sa pagsusuri, nabibigyang-pansin mo ang mga kamalian sa nilalaman, gramatika, at estruktura ng iyong akda. Kapag iyo nang pamamatnugutan ang iyong naisulat, gagamitin mo na ang pinakawastong mga salita, semantika, sintaksis, at pamamaraan upang mailahad ang diwa ng iyong akda.
Sa pamamatnugot, subukan mong basahin ang iyong akda na tila pinakaunang pagkakataon mo itong makita. Sa ganitong pananaw, magiging obhetibo ang iyong pakikitungo sa iyong akda - walang bahid, kung baga. Bunga nito, mailalapat mo ang nararapat na mga estratehiya upang maisaayos ang kabuuan ng iyong komposisyon bago mo ito ibahagi sa iyong mga mambabasa.
IKALIMA: Ibahagi ang iyong akda.
Maraming paraan ng pagbabahagi ng iyong naisulat. Maaari mo itong ilathala sa mga magasin, dyaryo, o iba pang mga peryodiko. Maaaring ipabasa mo ito sa ibang tao sa pamamagitan ng paggamit ng social media, katulad rito sa Wattpad. Maaaring gumawa ng sarili mong website o blog kung saan nakapalaman ang iyong akda. Maaari ring ikwento mo ito sa iyong mga mahal sa buhay.
Anuman ang iyong pamamaraan ng pagbabahagi ng iyong natapos na akda, mahalaga sa iyo bilang manunulat ang pagkakataong maipakita sa mundo ang iyong nagawa. Ito ang bunga ng iyong masusing pag-iisip, masinop na pagtatrabaho, at madamdaming paglalahad. Masaya sa iyong pakiramdam na natapos mo na ang iyong nasimulan - at minsa'y nanaisin mo pang magsimulang muli.
--------------
Bagkus ang proseso ng pagsusulat ay binubuo ng limang hakbang lamang, hindi kailangang sundin ang tradisyunal na pagkakasunod-sunod ng mga ito. Maaaring suriin ang iyong balangkas habang ito'y iyong sinusulat, at maaaring balikan ang iyong dahilan ng pagsusulat at ang iyong pangunahing paksa habang ika'y namamatnugot. Maaaring nailahad mo na ang isang bahagi ng iyong akda bago mo masimulang isulat ang kasunod na bahagi.
Ito ang kagandahan ng pagsusulat: Isa itong prosesong nakadepende sa kakayahan, katangian, at kagustuhan ng manunulat. Kadalasan, ito'y magulo, ngunit mayroon pa ring saysay sa huli. Kadalasan, ito'y nakakapiga ng utak, ngunit nakakatulong sa ating pagkatuto at pagkatao. Oo, maaaring madali itong sabihin at mahirap gawin, ngunit kapag may kabuluhan ang iyong sinusulat at masaya ka sa iyong ginagawa, ano naman?
YOU ARE READING
intindi.
Kurgu Olmayana compilation of essays, texts, and thoughts. in the formal philippine language. in compliance with requirements and personal interest.