Ang pangalan niya'y Ana, isa sa mga di-kilalang mukha sa pamantasan. Siya'y matangkad ngunit payat tulad ng kawayan, at maganda ngunit mailap tulad ng hiyas. Subalit kung gaano kaitim ang kanyang buhok na parating nakalugay at ang kanyang mga malinaw na mata'y ganoon naman kalinis ang kanyang maputi at makinis na balat at ang kanyang inosenteng mukha.
Malumanay si Ana kung kumilos. Mahinahon kung magsalita. Matino tuwing nakikipag-usap, maunawain tuwing siya'y nakikitungo. Isa siyang makatawag-pansin na mukha sa aming pamantasan para sa akin, kahit hindi man ito ang isipin ng nakararami sa aking nakakasalamuha. Sapagkat sa di masabing kadahilanan, nakikita ko ang aking sarili sa kanya. Hindi ang mailap at mapagkunwaring "ako", kundi ang mabait at marangal na "ako".
Ang "ako" bago ako pumasok sa kolehiyo.
Nakaupo ako ngayon sa gitna ng isang parkeng katabi lang ng aming pamantasan. Naghihintay. Humihinga nang malalim. Minamasdan ang pagsayaw ng mga puno, ang paglakad ng mga tao, ang paglipad ng mga ibon sa bughaw na kalangitan. Iniisip kung ito na ba ang aking pagkakataong magsimula ng panibagong buhay, ng mas maayos na buhay. Naghahangad sa kung sinuman ang nasa itaas upang ganap na maging mabuti ang lahat.
Bigla akong nakaramdam ng takot at pangamba nang aking tiningnan ang aking relo. Tatlumpung minuto na. Alas-kwatro ang aming napagsunduang oras. Tatlumpung minuto na makalipas ang alas-kwatro, at -
"Napaghintay ba kita?"
Nagmula ang boses na iyon sa aking likuran. Lumingon ako nang may kabagalan, nang may pag-agam. Ayon na nga. Nakatayo si Ana sa tabi ng narra, nakatingin sa akin at nakatayo nang tuwid. Parang nagalit pa dahil sa akin paghihintay.
Tumayo ako. Lumapit sa kanya. "Hindi naman. Ayos lang," sabi ko. "Bakit ngayon ka lang?"
"May inasikaso lang ako bago ako pumunta rito," tugon niya, sabay upo sa malambot na damuhan. "Pero nakikita mo naman. Nandito na ako."
Wala na lamang akong nagawa kundi mapangiti.
"Alam mo naman kung bakit tayo nandito, hindi ba?" tanong ni Ana. Makabuluhan ang kanyang tingin sa akin, at nawala na rin ang kanyang ngiti. "Alam mo namang may kailangan tayong pag-usapan."
Tumango ako. Napaupo na lamang ako sa damuhan sa tabi niya. Napasandal na rin ako sa narra sa pagod ko sa kakahintay.
"Ano, may sasabihin ka ba?" sabi ni Ana.
Napayuko ako. Napabuntung-hininga. "Hindi ko alam," sinabi ko sa kanya. "Hindi ko alam kung saan magsisimulang magkwento sa iyo ng mga nangyari, ngunit - " Napahinga na lamang ako. Hindi ko lubos mahanap ang mga wastong salita. "Ngunit nais kong makinig ka sa akin, at mapagpasensyahan mo ako."
Tumango siya at yumuko rin. Sapat na iyon upang aking maintindihang narito talaga si Ana para sa akin. Narito siya upang ako'y matulungan, upang makinig sa kung anuman ang sasabihin ko, upang bigyan ako ng payo. Kaya aking ikinuwento ang lahat, sapagkat hindi na panakip-butas ang kailangan ko upang malutas ang aking suliranin. Kailangan ko ng tunay na kaibigan.
Ikinuwento ko kay Ana kung paano ako pinalaki ng aking mga magulang, kung paano ako nakapagsikap sa aking pag-aaral nang ako'y bata pa lamang. Ikinuwento ko kay Ana ang tungkol sa aking buhay bago ako maging isang kolehiyala, bago ako napasubo sa tukso ng pakikiuso. Nasabi ko sa kanya na hindi ako natural na ganito, isang makasalanang binatang walang inisip kundi ang sarili niyang ikasasaya at ikabubuti.Napaluha ako nang nabanggit kong kinain ako ng sistema, ng isang bulok na sistemang wawasak sa aking pagkatao at sa aking hinaharap, ng isang bulok na sistemang walang pakialam sa karangalan at walang inatupag kundi ang pagsasamantala sa napiling iilan. Ngunit hindi lamang iyon ang dahilan ng aking pagkaluha.
Naalala ko rin ang nagawa ko kay Ana dalawang linggo na ang nakalilipas, ang kahihiyang aking pinasok nang nagawa ko siyang pagdiskitahan. Naalala ko kung paano ko winasak ang kanyang mga pampaaralang aklat, kung paano ko pinunit ang kanyang mga kwaderno. Nagawa ko ring ikalat sa buong pamantasan ang kasinungalingang dinadaya niya ang kanyang mga pagsusulit, ang kanyang mga gawain, ang kanyang pag-aaral.
Hanggang ngayon, tuwing naaalala ko kung gaano kadaling magtiwala ang aking mga napagsabihan - nang dahil lamang sa nais nilang makisama - hindi ko maiwasang itakwil ang aking sarili, mapasigaw sa isang tabi, at lubusang magsisi.
"Kaya pasensya ka na, Ana," sabi ko sa kanya, kahit pa ang boses ko'y nanghihina sa labis na pagdaramdam. "Alam kong hindi ko dapat ginawa ang aking mga ginawa, ngunit sinadya ko pa rin. Nawalan ako ng kaalaman sa kung anong tama, sa kung anong mali. Nawala ako sa kamangmangan, sa kadiliman, o kung ano pa man ang matatawag mo sa nangyari sa akin." Napapikit ako ng mata. Bumigat ang aking dibdib. "At alam kong hindi mo ako mapapatawad dahil dito, pero pasensya ka na."
Hindi ko na maiwasang mapaluha. Alam kong nasa parke kami, ngunit wala akong pakialam. Hindi ko na kailangang magbalatkayo na ako'y malakas o magaling. Alam ko na sa sarili kong wala na akong dahilan upang magpanggap, upang matanggap.
Naramdaman ko na lamang ang pagbago ng ihip ng hangin. Narinig ko ang huni ng mga ibon, ang tapak ng mga taong nasa aking paligid, ang tunog ng mga damo at mga dahon na sumasabay sa galaw ng hangin.
At sa aking balikat, naramdaman ko ang isang kamay na nagsasabi sa aking tila napatawad na ako.
Binuksan ko ang aking mga mata. Huminga nang malalim. Lumingon sa aking tabi nang may katiyakan.
Wala na si Ana sa aking tabi.

YOU ARE READING
intindi.
Non-Fictiona compilation of essays, texts, and thoughts. in the formal philippine language. in compliance with requirements and personal interest.