"Buenas Dias, Señorita."
Nagitla si Tammy nang maramdaman niyang may tumapik sa kanyang balikat. Agad siyang lumingon at handa na siya kung sakaling ito ang Guardia Civil na nakita niya kanina. Handa na rin siyang maaresto kung ganoon man ang kahihinatnan niya dito sa Spanish Era.
Sa halip, isang nakangiting binata ang bumati sa kanya.
"Labis ba kitang ginulat?"
Napatanga si Tammy nang makita niya ang kabuuan ng itsura ng binata. Nakabihis ito ng parang uniporme ng isang unibersidad: puting polo na long-sleeves at itim na pantalon. May sumbrero ito na parang top hat, at unang impresyon ni Tammy sa kanya ay kagalang-galang at elegante. Idagdag na rin na may angking kagwapuhan ang nasabing binata. May kamukha siyang artista sa TV, pero di niya maalala kung sino.
"Señorita, bakit parang nakakita ka ng multo? Ako ito, si Manuel, kapatid ng iyong kasintahan na si Julian."
Ngumiti pa lalo ang lalaki sa kanya. Lihim na kinilig si Tammy dahil may dimple ito sa kaliwang pisngi. Pero natauhan din siya. Hindi ito ang tamang oras para kiligin.
"Huh... Teka... Sinong Julian?" Sambit ni Tammy.
"Señorita Almira-"
"Teka, hindi iyan ang pangalan ko!" Tutol ni Tammy.
Nilapit ng binata ang kanyang mukha kay Tammy para ito ay kilatisin.
"Por Diyos, labis na magkahawig kayo ni Señorita Almira!" Pagkamangha nito.
"Hindi nga ako si Señorita na sinasabi mo!" Iritadong sagot ni Tammy. "Ako ay..."
Napahinto siya sa sasabihin. Bigla niyang naalala na nakabalik siya sa nakaraan, at mangiyak-ngiyak na siya nang maisip na baka di na siya muling makabalik pa sa kanyang panahon.
"Señorita, kayo po ba ay lumuluha?" Nag-aalalang tanong ng binatang Manuel ang pangalan.
Di naman siguro maniniwala ito kung sasabihin kong time-traveler ako. Teka, napansin kaya niya damit ko? Anong sasabihin ko?
Naalala kasi ni Tammy na ang bihis niya ngayong araw na ito ay puting blusa na peasant-sleeved at bulaklaking palda, tapos sandalyas sa paa.
"Naku, paumanhin kung nagawa kitang paiyakin," ika ng lalaking si Manuel.
Nakaisip na ng idadahilan si Tammy sa gitna ng kanyang pagtangis.
"Hindi ako si Señorita na sinasabi mo. Baka magkamukha lang kami. Ang totoo niyan, galing akong Hong Kong. Hinahanap ko kasi ang nanay ko dito sa Pilipinas, pero sa kasamaang-palad, wala na pala siya."
"Kay lungkot pala ng kwento mo, Señorita." Naramdaman ni Tammy ang kamay ng binata sa kanyang balikat.
"Tapos di ako makakauwi sa Hong Kong. Ninakawan ako ng pera, tapos wala pa akong matutuluyan."
Lalong humagulgol si Tammy, hindi dahil sa kinuwento niya, kundi dahil nalilito na siya at di niya alam ang gagawin sa panahong ito. Buti na lang nakaisip siya ng kwentong makatotohanan.
"Kay saklap pala ng nangyari sa iyo. Pero naisip ko, maari kitang tulungan."
Nang marinig ito ni Tammy ay napaangat ang kanyang ulo. "Ta... Talaga?"
"May dormitorio akong tinutuluyan sa malapit. Kasalukuyang naghahanap ang aming mayordoma ng isa pang kasama na maaring tumulong sa kanya sa mga gawaing-bahay. Kung maari, papayag ka ba sa aking mungkahi?"
BINABASA MO ANG
The Senorita | Published Under LIB
Historical FictionSino kaya ang misteryosong babae sa likod ng isang lumang painting? Bakit siya nakatalikod at kilala lamang sa titulo na La Señorita or "The Señorita"? (Mi Senorita Duology Book 1) (COMPLETED-Wattys 2017 Storysmiths Awardee) Photo: "Una India" Oil...
