15-Casa De Izquierdo

18.4K 723 69
                                        

"Hija, maari mo ba akong samahan sa Casa De Izquierdo?"

Ito ang bungad ni Aling Simang kay Tammy nang umakyat siya ng kusina galing sa kanyang siesta. Doon na niya naabutan ang matanda na nagmemeryenda.

"Opo naman, Aling Simang," pagsang-ayon ng dalaga. "Ano pong gagawin natin doon?"

"Dadalhin ko lang ang blusa na pinabili sa akin ni Señorita Almira. Mamahalin iyon at pinatahi pa sa Calamba, sa kanilang mananahi," wika ni Aling Simang. Tumayo siya at sinabing, "Maghanda ka na. Teka, di ka muna magmemeryenda?"

"Salamat po, pero di pa ako ganoon ka-gutom," ngiti ni Tammy.

"Sa salas ka maghintay. Susunod na ako."

Nauna na si Tammy sa salas, at sumunod na rin ang senyora. Tumahak na sila papunta sa bahay ng mga De Izquierdo. Gumawi sila sa kabilang dako ng Intramuros, kung saan may tulay na nagdudugtong mula doon hanggang Binondo.

Sumakay sila ng calesa at tumawid ng tulay. Maya-maya lamang ay binabagtas na nila ang mga kalye ng Binondo. Nakita ni Tammy ang mga naglalakihang bahay na bato, pati na rin ang iba't ibang mga klase ng tindahan. Tumigil sila sa harapan ng isa pang bahay na bato. Ito na yata ang pinakamalaking bahay sa kalye na iyon.

Bumaba sila ng kalesa. Naunang umakyat si Aling Simang sa loob ng nasabing bahay habang nakasunod naman sa kanya si Tammy. Nang makarating sila sa loob, may babaeng naghihintay sa kanila sa may hagdan.

"Senyora Simang! Kay tagal mo nang hindi nakakabisita!" Galak na ngumiti sa kanya ang babae, na nasa may edad kwarenta.

"Doña Elena! Ako rin ay nagagalak na makita kang muli." Ngumiti rin sa kanya si Aling Simang at sila ay nagyakapan, na parang dati na silang magkaibigan.

Pinagmasdan ni Tammy si Doña Elena. Magkahalong Kastila at Tsino ang kanyang itsura. Sa pananamit pa lang ay halata na ang pagiging mayaman nito. Naisip din ni Tammy na may kamukha siya sa isa sa kanyang mga tiyahin.

"Aba, sino iyang kasama mo?" Nakita agad ni Doña Elena si Tammy, na nasa likuran ni Aling Simang.

"Ito ba? Kasama ko sa dormitoryo, si Tami. Tumutulong din siya sa mga gawain. Tami, siya nga pala ang ina ni Señorita Almira, si Doña Elena de Izquierdo," pakilala sa kanya ni Aling Simang.

"Buenos Dias, Doña Elena." Yumuko si Tammy sa kanya.

"Kinagagalak kitang makilala!" Isang malaking ngiti ang sumilay sa mukha ng Doña. Nilapitan niya agad si Tammy at yumakap siya dito. Pagkayap niya ay kanyang winika:

"Magkamukha pala kayo ng anak kong si Almira. Pwede kayong maging magkapatid!" Halata ang kagalakan niya kay Tammy.

"Aba, dami nagsasabi sa akin na kamukha niya si Señorita!" Tawa ni Aling Simang. "Nasaan nga pala si Almira?"

"Nasa cuarto, nananahi," ika ni Doña Elena. "Magmeryenda muna tayo. Lalabas din siya mamaya."

"Naku, kakakain ko lang!" Magiliw na sagot ni Aling Simang.

"Sayang ang hinanda kong churros con tsokolate, dahil alam kong paparito kayo dito." Dinala na sila ni Doña Elena sa may azotea. Dahil di na makatanggi si Aling Simang, ay nagmeryenda na ito kasama ang ginang.

Labis na nagustuhan ni Tammy ang hinandang churros na may tsokolate. Tahimik lang siyang nakaupo sa tabi ni Aling Simang habang nag-uusap ang dalawa.

"Si Don Alberto, kumusta?" Si Aling Simang ang nagsimula ng usapan.

"Babalik na siyang galing Tsina. May inasikaso lamang tungkol sa mga telang seda na bibilhin niya para sa tindahan," tugon ni Doña Elena. "Pagkatapos ay aayusin na niya ang pagpapakasal ni Almira kay Sebastian."

"Natanong mo na ba si Almira ukol sa bagay na ito?" Si Aling Simang.

"Maari mo ba siyang kausapin? Mukhang ayaw niyang ituloy ang kasal. Nagtataka ako, naging malapit naman siya kay Sebastian mula nang sila'y mga bata. Ngunit nang makabalik na si Sebastian galing España ay nag-iba na ang ugali ng aking dalaga sa kanya." Bakas ang pag-aalala ni Doña Elena tungkol sa anak.

Hindi nila alam na may ibang mahal si Almira. Malaking gulo ito pag nalaman, naisip ni Tammy.

"Pwede ba siyang makita sa sandaling ito?" Tanong ni Aling Simang.

"Maari. Ikaw ang dati niyang tagapag-alaga, kaya baka mas makinig siya sa iyo," ngiti ni Doña Elena. "Sadyang may nagbago kay Almira at hindi ko maintindihan kung bakit. Apat na taon lang nawala si Sebastian at lagi naman silang nagsusulatan. Labis siyang naging malihim at wala siyang pinapahayag kung may naging suliranin ba sila o wala."

Tumayo ang Doña at inaya si Aling Simang. "Dalhin na kita sa kwarto ni Almira."

Sumunod si Aling Simang na dala ang tampipi na naglalaman ng blusa ng Señorita. "Gracias, Senyora. Maibibigay ko na rin ang blusa ni Señorita Almira." Nilingon niya si Tammy. "Ayos ka lang diyan?"

"Opo Senyora. Maghihintay na lang ako dito sa azotea."

Tinignan ni Tammy ang dalawang ginang na naglakad patungong salas.
Nang naiwan na siyang mag-isa, ay naisip niyang tumayo muna at maglakad-lakad. Tumingin siya sa kalye mula sa azotea. Naramdaman niya ang preskong simoy ng hangin habang pinagmamasdan ang kalakhan ng Binondo.

Ang ganda ng tanawin. Para akong nasa history book.

Umalis na si Tammy sa azotea at naglakad patungong salas. Mas malawak ito sa salas sa dormitoryo. May mga larawan sa pader pati na rin mga lamesita. Magagara ang mga upuang gawa sa kahoy na may mga inukit na bulaklak sa sandalan.

Napalingon si Tammy sa isa pang kwarto. Gumawi siya dito at nalaman niyang isa pa pala itong mas maliit sa salas. May mga upuan din dito at may piano sa kaliwang bahagi. Nang lumingon siya sa kanan, ay natulala na lang si Tammy sa kanyang nakita.

Nakasabit sa pader ang larawan ng La Señorita. Ito mismo ang painting na nakita niya sa museo.

Lumakad siyang papalapit dito. Tulala niyang pinagmasdan ang larawan. Para siyang nakakaramdam ng hipnotismo.

Hindi ako nagkakamali. Ito iyon.

Nanatili lang nakatingin si Tammy sa larawan. Bumalik ulit ang kanyang ulirat nang naramdaman niyang may tumapik sa kanyang braso.

"Ay!" Nagulat siya. Pagkalingon niya ay nakita niya ang isang dalaga na nakatayo sa harapan niya.

"Buenas dias," ngiti niya kay Tammy. "Magkamukha nga tayo."

Bigla na lang nakaramdam si Tammy ng pagkahilo, at tuluyan na siyang nawalan ng malay.

(Itutuloy)

A/N: May tulay na nagdudugtong from Intramuros to Binondo, ang Puente de España.

The Senorita | Published Under LIBMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon