Bukang-Liwayway

1 0 0
                                    



Tahimik ang buong paligid nang magising si Irene sa loob ng isang silid. Napahawak siya sa kanyang ulo dahil sa kirot na naramdaman. Inilibot niya ang paningin at napa-awang ang kanyang mga labi sa kanyang nakita...ang nobyo niya! Ilang hakbang lang ito mula sa kanya sapat upang makita ang kalagayan nito. May nakatutok ditong ilaw na nasa may uluhan nito, nakatungo ang ulo nito at nasa likuran ang mga kamay.



"Mike!? Mike!" Wala siyang narinig na tugon kaya't pinilit niyang makatayo upang makalapit. Iniangat niya ang ulo nito ngunit napaatras siya at natutop niya ang kanyang bibig sa kanyang nakita! Puno ng dugo at luwa ang mga mata nito!



Gumapang siya papunta sa pintong kanyang nakita kahit ramdam pa rin niya ang panginginig ng kanyang katawan, "T-tulong! Tulungan ninyo ako! Parang awa na ninyo!" hiyaw niya. Walang patid ang pag-agos ng kanyang mga luha. Buong lakas niyang hinila ang pinto para makalabas sa impiyernong lugar na iyon.


Sa kanyang paglabas ay isang bulto ng tao ang sumalubong sa kanya.



"B-beth!?" bulalas niya.



"Kumusta, Irene? Bakit gulat na gulat ka? Hindi ka ba masayang makita ako, Kaibigan?" may lungkot sa tinig nito.



"P-paanong...pa-patay k-"



Bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin ay sumigaw ito nang malakas. Nagsimulang umitim ang mga mata nito at ang bibig nito ay bumuka nang napaluwang hanggang sa umabot ito sa mga mata. Lumabas sa bunganga nito ang itim na usok na kalaunan ay naging iba't ibang uri ng insekto!



"Aaahh!" Nagsimulang manlamig ang kanyang pakiramdam. Hindi na niya pinansin ang paligid. Tanging ang daan lang ang malinaw sa kanyang paningin. Lakad...takbo...madapa man ay mabilis din siyang bumabangon dahil doon lang nakatuon ang isip niya. Ni hindi niya naramdaman ang presensiya ng lalaking kanina pa nakasunod sa kanya.



Hindi na nakatiis pa ang taong iyon kaya't mas lalo nitong binilisan ang pagtakbo upang tuluyang makalapit sa kanya.



"Ah! Bitawan mo-"



Tinakpan nito ang kanyang bibig, "Shhh...Irene, ako ito, si Josh," mahinahon nitong sambit. Sa narinig na iyon ay tumigil sa pagwawala ang dalaga at agad napayakap dito.



"J-josh! Si...si Mike! N-nakita ko s-siya roon, w-wala na siya, Josh," hagulgol niya.



"Alam ko, Irene. Alam ko at nakita ko kung sino ang gumawa." Inalo siya nito. Nag-angat siya ng tingin.



"N-nakita mo? P-paano?" Agad siyang lumayo rito at binigyan ito nang mapaghinalang tingin.



"Irene, kakampi mo ako, ok? Huwag mo akong tingnan nang ganyan. Nakita ko kayo ni Mike kaninang hapon. Naisip ko na sundan kayo," paliwanag nito. Doon na nagsimulang bumalik ang mga alaala sa isipan ni Irene.



***



"Mike, saan ba tayo pupunta?" tanong niya rito.



"Pupunta tayo sa lugar na walang ibang tao, Irene. Para naman masolo kita," nakangiting tugon nito.



"Tatawag muna ako kila Mama at Papa para sabihing gagabihin tayo." Inilabas niya ang kanyang selpon at nagsimulang hanapin ang numero ng mga magulang.



"Huwag na, Irene," pigil nito, "Saglit lang naman tayo. Pangako." Kinuha nito ang selpon niya at inilagay sa harap ng sasakyan. Hindi na siya muli tumutol pa, total alam naman ng kanyang mga magulang na ito ang kasama niya. Habang nasa daan ay napansin niyang hindi na pamilyar sa kanya ang tinatahak nilang landas.



"H-hon, saan ito papun-aahh!" Napasigaw siya dahil sa biglaan nitong pagpreno, "Ano ba, Mike!? Mag-ingat ka naman!" angil niya rito.



"Shhh...huwag kang maingay, Hon," saad nito na tila tinakasan ng kulay ang mukha. Bahagya namang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso sa nakikitang itsura ng nobyo. Dahan-dahan ang ginawa niyang paghinga dahil pakiramdam niya ay rinig na rinig ang pagtambol ng kanyang dibdib.

Come InWhere stories live. Discover now