"SALAMAT po, apong ha?" natutuwang ani Miguel nang matanggap ang dalawang daan na inabot sa kanya ng may ari ng tricycle.
May kapitbahay kasi silang mayroong tricycle kaya maaga siyang nagising sa sumunod na araw para pumasada. Sideline lang din para kumita.
"Oo, pinaghirapan mo naman 'yan eh." mabait na sagot ng may edad na lalaki.
"Sige, una na ho ako ha?"
"Oh, s'ya sige. Ingat."
Muli siyang umuwi ng bahay para maligo at isuot ang paborito niyang damit na nabili niya sa ukay-ukay no'ng nakaraang buwan lang. 'Yon ang paborito niyang damit sa ngayon at pakiramdam niya'y gwapings talaga s'ya kapag ito ang sinuot niya. Nag-spray s'ya ng mumurahing pabango saka nag-gel ng buhok.
Ngiting-ngiti siya habang nasa harapan ng salamin at nakuntento sa ayos at bango. Excited talaga s'ya sa pagkikita nila ngayon ni Cristina. Ng babaeng nagugustuhan niya. Sana nga lang ay gusto rin s'ya ng dalaga, pero malakas naman ang kutob niya, malaki ang pag-asa n'ya sa puso ng itinatangi.
"Aba, gwapong-gwapo ang anak ko ha!" magiliw na ngiti ng nanay niya saka sinundan siya sa salamin.
"Pwede na po ba, nay?" nag-pogi sign siya sa harap ng ina.
"Pwedeng-pwede, syempre!" very supportive naman nitong sagot.
Masayang niyakap niya ang ina.
"Pero 'nak, tandaan mo ha? Nandito lang si nanay para sayo. Kung saan ka masaya, do'n din ako, at kung si Cristina ang dahilan ng ikasasaya mo. Susuportahan kita, anak. Susuportahan ko kayo." mabait na sinabi pa nito.
"Alam ko po, nay, kaya nga po sobrang nagpapasalamat po ako sa inyo."
"O s'ya, s'ya. Magmadali ka na't baka hinihintay ka na niya."
"Opo, nay!"
Madali siyang sumakay sa luma at karagkarag niyang motor na ipinamana pa ng yumaon niyang ama sa kanya. Pinatakbo niya ang sasakyan at mayamaya ay huminto sa may bandang simbahan kung saan mayroong mga nagbebenta ng mga bulaklak sa gilid. Ang perang kita niya kanina sa pamamasada ay ipinambili niya ng rosas.
Sana nga ay magustuhan ni Cristina itong rosas na binili niya para kahit sa ganitong paraan man lang ay mapasaya niya at mapadama niya ang labis na pagkagusto sa dalaga. Ito lang naman kasi talaga ang kaya niyang ibigay, hindi tulad ng ibang mga lalaking halos kayang ibigay ang mundo sa mga babaeng nagugustuhan. Ngunit kahit ganito lang, kahit bulaklak lang, kahit walang anumang mamahaling bagay, eh pinagpaguran naman niya't galing sa puso niya.
Nang makarating sa bakanteng lote, pinarada na niya ang sasakyan sa isang tabi at naglakad sa palaging tambayan nila ni Cristina kapag tinuturuan niya ito sa pagba-bike o pagmo-motor. Malayo pa'y tanaw na niya ang dalagang naghihintay sa kanya.
Napangiti siyang bigla. Naka-sideview mula sa kanya si Cristina at mukhang hindi pa nito napapansin ang pagdating niya. Kahit kailan talaga ay ang ganda nito! Nakasuot ito ngayon ng yellow na bulaklaking dress na hindi bababa sa tuhod ang haba. Golden brown ang kulay ng straight nitong buhok na bumagay sa malagatas na maputing balat nito. Payat ito at matangkad ngunit mas matangkad pa rin siya. Maganda ang kurba ng katawan.
Ang mga mata'y tila kay inosente, may mahahabang pilik-mata at natural na magandang guhit ng kilay. Matangos ang ilong at nakakaakit ang mga labi. Halata ring may lahi itong banyaga. Siguro'y half-Mexican ito o half-Italian. Basta para itong si Thalia ng orihinal na Rosalinda sa ganda. Sabagay, hindi na nakapagtataka iyon. Nakita na rin n'ya minsan sa personal ang ama nitong si Don Sancho del Martin at meztisohin nga talaga iyon.
BINABASA MO ANG
Forever And A Day (Completed)
RomanceUnang pagkikita palang nina Cristina at Miguel ay nagmahalan kaagad sila, kahit pa mala-prinsesa ang dalaga at trabahador lang sa Hacienda nila ang binata. Nang malaman ng ama ni Cristina ang pakikipagrelasyon kay Miguel ay pilit silang pinaglayo at...