🕈Kabanata 1🕈

265 33 72
                                    

Berserk Hospital

GIGI

     Madilim.

     Beep. Beep. May tunog na umaalingawngaw sa dilim.

     Beep. Beep. Bakit parang nasa tabi ko na ang tunog na yun? Mas malinaw.

     Maginaw. Beep. Beep.

     Bakit parang may malamig na hanging dumadampi sa balat ko?

     Ang tunog na yun, hindi umaalis. Humigop ako ng hangin para sa kauna unang paghinga ko ulit. Ang lamig sa dibdib. Nalimutan ko na anong pakiramdam ng huminga. Ramdam na ramdam ko ang pagdaan ng hangin sa aking lalamunan papunta sa aking baga.


     Lub dub. Lub dub. Maliban sa aking hininga ay naririnig ko na din ang pamilyar na tunog ng isang tumitibok na puso. Ito na ba ang pakiramdam na mabuhay ulit? Ang dami kong nararamdaman at naririnig. Masyado akong naninibago.

     Gusto kong buksan ang mga mata pero parang ang bigat nito. Paano ba dapat ulit iyon?

     "Geraldine!" May tumatawag. Umaalingawngaw sa isip ko ang boses ng isang lalaki. "Geraldine!" Ayan ulit.

     Sino ba si Geraldine? Bakit ba niya tinatawag?

     Paulit ulit ang boses na yun hanggang sa natanto kong ako ang tinatawag nito. 


     Oo, tama, ako si Geraldine?

     Bumuka ang aking mga mata. Biglaan kaya parang umikot ang paningin ko. Nahihilo ako. Parang may kung anong sumipol sa tainga ko kasabay ng pagbagal ng pagkurap ko.

     Naramdaman ko ang natural na reaksiyon ng katawan ko, ang pagkunot ng noo.

     "Gigi!" May boses ng babae ding lumitaw sa pandinig ko. Umaalingawngaw lang. Yung mukha niya malabo pero parang nakikita ko sa harap ng mga mata ko. 

     Kurap. Minsan nakangiti.

     Kurap. Minsan malungkot at duguan. Gusto kong banggitin ang pangalan niya. 

     Pero bakit parang hindi ko magawa? Para bang hindi ko pag-aari ang katawang ito't di ko maigalaw. Parang nanginginig lang ang mga labi nito habang pilit inaalala paano ba dapat ang pagbigkas ng mga salita.


     "E-Elle." Sa wakas ay nabuka ko na ang mga bibig. Sobrang hina. Halos hindi ko marinig.

     Kurap. Puti, puti na ang nakikita ko. Pinilit ko ang sariling lumingon, nagagawa ko na. Parang unti-unting nagiging isa ang aking kaluluwa at ang aking bagong katawan.

     Nanginginig ngunit kinaya kong igalaw ang mga daliri. Dahan dahan, unti-unti ko itong itinaas para pagmasdan. Hindi na ito nanganganinag. 


     Dahan dahan kong sinasara at binubuka ang mga palad ko. Ganito pala ang pakiramdam na may balat at laman. Kakaiba para sa akin ang pagdadampi ng mga daliri. 

     Nilakbay ng mga mata ko ang maputing paligid. Napakaputi, parang nasisilaw ako. Parang halos walang ibang kulay na nahalo doon. Nilingon ko ang nasa kaliwa ko, may puting cabinet doon at isang basket ng prutas. Ito lang ata ang may kulay sa paningin ko. Sa kanan, andun ang kanina pang tumutunog na parang machine. 

🕈Tame Series Part2🕈 TAMING GERALDINE (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon