Eurfron.
Maaga akong gumising upang sabayan si Tyrone sa pagkain ng almusal. Pinilit ko lang talaga ang sarili ko na gawin ito dahil aalis ito ng bansa at matatagalan pa ang susunod naming pagkikita.
Pinagbigyan ko na siya sa request niya na magpaalam sa kanya bago siya umalis dahil baka magbago pa ang isip nito at baka mag-stay rin dito tulad ni Liam—Oh, damn! Isa pang dahilan kung bakit hirap akong kumbinsihin ang sarili ko na gumising ay dahil sa lalaking ito. Naiisip ko palang na makikita ko na naman ang mukha niya, pakiramdam ko masisira na ang buong linggo ko.
Pagdating ko sa kusina, nandoon na si Tyrone. Nakaupo ito sa hapag-kainan habang ginagamit ang kanyang cellphone. Katabi nito si Uno na mukhang inaantok pa. Nakakrus ang mga braso nito at nakapikit ang kanyang mga mata.
“Good morning, sis,” bati sa akin ni Tyrone nang hindi tumitingin sa akin. Naupo naman ako sa tapat nitong upuan at binati rin siya pabalik. “Hintayin lang natin si Liam–oh, nandito na pala siya.”
Hindi na ako nag-abalang lumingon. Narinig ko na lang ang pag-usog ng upuan at ang pag-upo nito sa tabi ko. Lumingon pa ito sa akin at talagang tinapat pa ang mukha niya sa mukha ko sabay bati ng, “Good morning, honey.”
Napabuntong-hininga lang ako at hindi siya pinansin. Parang wala lang naman sa kanya ang pambabalewala ko.
Matapos naming kumain ay nagpaalam na sa amin si Tyrone na parang pupunta lang sa isang mall. Palibhasa ay sanay nang umaalis ng bansa.
“Kailan balik mo, Kuya?” I asked.
“Hindi pa ako nakakaalis, pagbalik na kaagad ang tinatanong mo.” pabiro nitong sabi bago ako niyakap. “Next year, maybe? Isa lang ang sigurado ko, kasama ko na ang ate Hayley mo pagbalik ko.”
“Oh.” Baliw na baliw talaga siya sa girlfriend niya. Humiwalay ako sa pagyakap at kinurot ang pisngi nito. “Ingat ka roon, Tyrone.”
“Yeah.” Kinuha na nito ang kanyang backpack at nagpaalam ulit sa dalawa sa huling pagkakataon. “Alagaan niyo itong si Eurfron. Huwag kayong magkakamali—” Tinignan ni Tyrone ang dalawa at para bang may kung anong mensaheng ipinasa ito sa dalawa sa pamamagitan lang ng pagtingin sa mga ito. “Liam and Uno, pinagkakatiwalaan ko kayo. Kapatid ko itong iiwan ko rito. Kapag nabalitaan ko lang–uuwi ako rito sa Pilipinas, agad-agad, para lang mabigwasan kayong dalawa.”
Matapos ang pagbabanta ng aking kapatid sa dalawa ay umalis na ito. Hindi man lang ito nagpahatid sa amin sa airport. Basta na lang ito lumayas.
Bumalik na rin ako sa kwarto ko para maligo na. Balak kong pumasok nang maaga ngayon para makapag-practice na rin kasama ang ilang miyembro ng basketball club. Sobrang practice ang ginagawa ng mga ito these past few weeks. Siguro ay para sa nalalapit na tournament. Sobrang nahihiya na rin ako dahil nawawala ako sa sarili ko sa mga practice games namin. Mapunan man lang ang mga pagkukulang ko ngayon.
Pagbaba ko, nadatnan ko sina Liam at Uno na nakaupo sa sofa. Nanonood si Liam ng basketball habang tulog na tulog naman ang katabi nitong si Uno.
“Papasok ka na?” Sinulyapan nito ang kanyang wrist watch at lumingon sa akin. “Ikaw ba ang magbubukas ng school?”
Hindi ko mapigilang mapairap.
“May gagawin ako sa school,” tipid na sagot ko at nagmadaling naglakad palabas ng bahay.
“Talaga? Pwedeng sumama?” rinig kong tanong nito. Pinatay na niya ang telebisyon at tumakbo ito upang maabutan ako at nagmadaling nagsuot ng sapatos. Ngayon ko lang napansin na suot nito ang kanyang jersey uniform.
“Pupunta ka ng Jordan na suot iyan?” Reklamo ko rito nang makita ang logo ng Harred Academy. “Good luck.”
Sabay kaming lumabas ng gate. Dinaanan lang namin yung car niya pero hindi ito nagtanong kung ayaw ko bang gamitin na lang iyon. Good.