"She loves her imperfection, perfectly."
"ANONG NANGYARI sa kaso ni Mang Danilo?" minsan ay naitanong ko kay Haze habang magkasama kami sa campus. Papauwi na kami noon at tulad ng dati ay ihahatid ko siya sa apartment na tinitirhan niya.
"Ayun, okay na. Ibinalik na siya ng board of director sa trabaho niya at binayaran pa iyong mga araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil nga sa biglaan siyang inalis sa serbisyo," mahabang sagot niya.
"Talaga? Ang galing n'yo naman. Natulungan n'yo ang isang kawawang empleyado ng eskuwelahan."
"Eh, wala naman kasing ibang tutulong sa kanya. Kung hindi pa nga kami kumilos hahayaan na lang niya ang nangyari sa kanya," malungkot na sabi ni Haze. "Hindi naman kasi maglalakas-loob na lumaban ang katulad ni Mang Danilo. Iisipin na lang niya na wala naman siyang mapapala kung lalaban pa siya. Kaya ipagpapasa-Diyos na lang niya ang mga nangyari."
"I'm so proud of you, alam mo ba iyon?" buong pagmamalaki kong sabi kay Haze. "Nakaka-proud isipin na ang girlfriend ko ay isang babaeng malakas ang loob, alam ang gusto niya, at alam kung anong gagawin para makuha ito. Ang swerte-swerte ko sa'yo!"
"Buang!" natatawa niyang sabi. "Ginawa ko lang ang dapat kong gawin. Siguro naman kapag sa akin nangyari ang ganoon, gagawin mo rin para sa akin ang ginawa namin para kay Mang Danilo."
"Naku, subukan lang nilang gawin sa'yo ang ganoon. Hindi lang ako magra-rally. Susunugin ko pa ang buong eskuwelahan," sabi ko kasabay ang malakas na halakhak.
Napahalakhak din si Haze. Noon ko lang siya nakitang tumawa ng ganoon. Walang pretensyon. Puno ng kumpiyansa sa sarili. Hindi niya kailangang bumuo ng ibang persona sa harap ko dahil alam niya kung sino siya. Alam niya rin kung ano ang gusto niya. At masaya siyang ipakita sa akin ang totoong siya.
Ang ganda-ganda ni Haze. Iyong gandang hindi mo pagsasawaan. Iyong gandang alam mong hindi perpekto pero dahil confident siya sa sarili niya ay nagagawa niyang mag-stand out ihalo man siya sa maraming tao.
"O, andito na tayo," sabi ko sa kanya pagdating namin sa apartment. "Mag-dinner ka nang maaga at matulog ka rin nang maaga. Bawasan mo ang pagpupuyat."
"Nagpupuyat naman ako dahil sa pag-aaral, hindi dahil sa ibang bagay."
"Kahit na. Hindi maganda na laging madaling-araw ka na natutulog. Aba, alagaan mo naman ang sarili mo," kinokonsensya ko siya. Baka sakaling makita niyang concern ako sa kanya at sundin ang sinabi ko.
Nakita ko siyang umismid lang, pero hindi iyong ismid na nagmamaganda. "Pumasok ka muna sa bahay, makapagmeryenda."
"Next time na lang. Kailangan ko na ring makauwi. May gagawin pa akong assignment."
"Ganoon ba? Sige, mag-iingat ka."
"Pumasok ka na sa loob," sabi ko. "Para makaalis na ako." Ganoon ako. Hindi ako umaalis sa labas ng apartment hanggang hindi ko siya nakikitang pumasok sa loob ng kanyang tinitirhan.
Pagkarating ko ng bahay ay agad kong sinimulang gawin ang assignment na ipapasa na kinabukasan. Kailangang matapos ko iyon kung hindi ay palalabasin ako ng propesor sa classroom. Ugali na ng propesor kong iyon na hindi tanggapin sa klase ang mga estudyanteng hindi gumagawa ng assignment. Ang malala pa, kapag maraming napalabas biglang magpapa-quiz kaya zero lahat ng estudyanteng hindi pinapasok sa klase. Major subject pa naman. Hindi ko pinangarap na bumagsak sa subject na ito.
Dahil naging busy na ako, hindi ko na nai-text pa si Haze noong gabing iyon. Nang matapos ang mga dapat tapusin ay natulog na ako upang kinabukasan ay maagang magising.
Sa school ko na inabangan si Haze kinabukasan. Pero almost lunch time na eh, hindi pa rin siya nagpaparamdam. Baka busy lang. Pero nang hindi pa rin siya nagrereply sa text messages ko ay sinubukan ko na lang siyang tawagan.
"Hello..." Narinig ko ang boses ni Haze. Medyo nawala ang pag-aalala ko. Sa tono ng boses niya ay mukhang everything is under control. Baka nga busy lang talaga siya kaya hindi niya nagagawang sumagot sa messages ko.
"Asan ka? Sabay ba tayong magla-lunch?" tanong ko.
"Hindi ako pumasok. Sorry, hindi ko nasabi sa'yo."
"Bakit? Nasaan ka ba?" nag-aalala kong tanong.
"Nandito ako sa ospital, magpapa-inject ako ng anti-rabies. Nakagat ako ng pusa kanina noong papunta na ako sa school," kaswal niyang tugon. Everything is under control nga.
"Pusa? May alaga ka bang pusa sa bahay?" Parang wala naman akong nakitang pusa sa apartment niya noong ilang beses kong pagpunta roon.
"Hindi, wala. Pusa ng kapitbahay. Papalabas na kasi ako ng pinto nang biglang pumasok sa loob. Noong pinalalabas ko, ayaw lumabas. Kaya hinawakan ko na lang. Ayun, sinakmal ako," parang walang anuman siyang nagkuwento. Ako pa 'yung kinabahan habang dinedetalye niya ang nangyari. "Kaya imbes na pumasok sa school, eto dumiretso na lang ako sa ospital para magpaturok ng anti-rabies."
"Eh, kumusta ka na? Aren't you even worried?" Ako itong alalang-alala sa sinabi niya.
"Eto, I'm still waiting for my number to be called. Daming pasyente, eh. Siguro dalawang pasyente pa bago ako matawag."
"Bakit hindi mo sinabi sa akin, sana nasamahan kita diyan sa ospital."
"Hindi na. Para ito lang naman. Hindi naman ito grabe. Kailangan lang talagang magpa-inject kasi hindi tayo sigurado kung may rabies ba yung pusang kumagat sa akin. Mabuti na ang nag-iingat," sabi niya. "But don't worry, I'm perfectly okay. Baka makahabol pa ako sa afternoon class ko."
"Saang ospital 'yan, pupuntahan kita." Hindi talaga ako mapapanatag kung hindi ko siya makikita.
"Huwag na nga kasi. Okay lang ako. Magkita na lang tayo diyan sa school mamaya."
"Sigurado ka?"
"Oo..." paniniguro ni Haze sa akin. "Sige na, mamaya na lang. Tinatawag na ako ng doktor."
"Okay..." Nawala na siya sa kabilang linya. Si Haze talaga, ayaw na ayaw niyang may nag-aalala sa kanya. Lagi niyang sinasabing kaya niya. Okay lang siya. Siya na ang bahala... Haay, ano ba ang hindi kaya ng babaing ito?
NANG MAGKITA kami sa eskuwelahan ay ipinakita niya sa akin ang apat na bakas ng pangil ng pusang kumagat sa kanya.
"Sabi ko sa'yo, maliit lang 'di ba? Mas masakit pa nga 'yung injection kesa sa kagat ng pusa. At madugo ang presyo. Ang mahal! Buti na lang may pera pa ako."
"Eh, 'di wala ka ng allowance ngayon?"
"Meron pa. Mapagkakasya ko pa 'to hanggang Sunday."
"Kapag kinulang sabihin mo sa 'kin, ha?"
Nakangiti siyang tumango.
"Paano 'yan 'pag nagpeklat?" Inginuso ko ang kamay niyang nakagat ng pusa.
"Wala 'to. Para ito lang? Hindi ko naman ikapapangit ang konting mantsa sa balat," kumpiyansang sabi ni Haze.
Biglang nagbago ang itsura niya at matiim na tumitig sa akin. "Bakit? Aayawan mo na ba ako 'pag nagkapeklat ako?"
"Ha?! Hindi, ah! Ba't ko naman gagawin 'yon? Hindi naman ako ganoon kababaw. My love for you is not skin deep. It's more than what is visible to the eye," puno ng damdaming sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang matamis na ngiti ni Haze. Pati mga mata niya ay ngumingiti rin.
Muli ay nakumpirma ko sa sarili kong si Haze na talaga ang babaing gusto ko makasama habang buhay. Mahal ko si Haze. Mahal na mahal...
At akala ko ay mahal na mahal din niya ako.
Akala ko lang pala ang lahat...
BINABASA MO ANG
Finding The Value Of Ex (Para sa mga Ayaw Mag-move On)
General FictionPara kay Jeffrey Reyes, si Hazel De Dios ang nag-iisang babae para sa kanya. Wala na siyang balak na maghanap ng iba pa. Kaya naman sobrang sakit ang naramdaman niya nang mag-break sila dahil na rin sa kagagawan ng babae. Ngunit ang puso ni Jeffrey...