Hinawakan ni Maia ang mukha ni prinsesa Arby at tinigil na nito ang mumunting halik na ginagawa. Niyakap ni Maia ang prinsesa at nahiga sila sa kama. Nanatili silang magkayakap. Hinahaplos ni prinsesa Arby ang mahabang buhok ni Maia at hinalikan ito sa noo. Pagkalipas ng isang oras ay niyaya na ni prinsesa Arby si Maia na bumalik na sa karagatan at umuwi na sa kanyang tirahan ngunit tumutol si Maia at sinabing nais niya na munang manatili sa lugar na iyon ng isa pang oras. May nais lamang siyang gawin kaya hindi siya makakasama pabalik kay prinsesa Arby. Labag man sa loob ng prinsesa ay hinayaan niya na muna si Maia at naglakad na paalis.
Mula sa kwarto ay natatanaw ni Maia si prinsesa Arby na naglalakad papuntang dalampasigan at unti unti na itong nawala sa kanyang paningin. Doon na nagsisiunahang lumabas ang mga luha ni Maia na kanina niya pa pinipigilang tumulo. Naalala niya ang naging paguusap nila ng matalik niyang kaibigang si Gelizie. Isiniwalat nito ang nakita nung nakaraang araw na nakita daw sila ng kapwa sirena na magkasama ng prinsesa at magkahawak pa ang kamay at nagtatawanan. Labis na kinabahan at natakot si Maia sa narinig. Alam ng kaibigan ni Maia ang kanilang estado at relasyon kaya naman ng mabanggit ito sa kanya ng kapwa sirena at minabuti niyang sabihin ito agad kay Maia. Hindi mawari ni Maia kung pano niya ito sasabihin kay prinsesa Arby ngunit nais niya pa ring malaman ito ng prinsesa lalo pat nalalapit na ang pagdating ng tatlong prinsipe.
Sa loob ng isang oras ay walang ibang ginawa si Maia kundi ang umiyak lang sa loob ng kwartong iyon. Ang hindi niya alam ay nasa labas ng pintuan lamang ang prinsesa at pinapakinggan ang hagulgol niya. Hindi niya namalayang may dumadaloy na rin palang mga luha sa kanyang mata dahil sa naririnig na hinagpis ng kanyang mahal. Hinarap niya ang pinto at akmang bubuksan na sana ito ngunit nagalinlangan siya dahil baka hindi niya kayanin ang makita ang pagdurusa ni Maia. Huminga siya ng malalim at pinunasan ang luhang muling dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Dahan dahan niyang binuksan ang pinto at sinigurong wala siyang malilikhang ingay. Nakita niyang nakadapa sa higaan at yakap yakap ni Maia ang unan. Umiiyak pa rin ito. Naglakad siya papalapit dito at dahan dahang umupo sa gilid ng higaan. Malumanay niyang tinawag ang pangalan ni Maia at hinaplos ang buhok nito. Nagulat si Maia at bigla itong bumangon sa pagkakahiga. Niyakap ng mahigpit ni Maia si prinsesa Arby. Niyakap din pabalik ng prinsesa si Maia. Nagdadalawang isip ang prinsesa kung itatanong niya ba kay Maia kung bakit ito umiiyak o hahayaan niya na lang na magkwento ang iniirog. Unti unting bumuka ang bibig ni Maia at mahinang sinambit nito na may nakakita sa kanila na magkahawak ang kamay at nagtatawanan. Mukhang nabingi ang prinsesa sa narinig at muli nitong pinaulit kay Maia ang mga katagang binitawan nito. Napaluha ang prinsesa dahil natakot siya, natakot siyang may makaalam ng relasyon nila ni Maia. Alam niyang mapapahamak ang iniirog niya kapag nakarating ito sa mga namumuno sa konseho at nakasisiguro siyang mapapaaga ang pagiisang dibdib niya sa isa sa tatlong prinsipe na nakatakda para sa kanya.
Kailangan na talaga nilang magingat. Mukhang marami na ang nakakapansin ng pagiging malapit nila sa isat isa. Ayaw ni prinsesa Arby na mapahamak ang kanyang mahal kaya kailangan niyang pansamantalang lumayo muna kay Maia. Mamamalagi muna siya sa palasyo hanggang sa lumipas ang mga araw at mawala na sa alaala ng nakakita ang pangyayaring iyon. Isa iyon sa mga tumatakbo sa isipan ni prinsesa Arby habang nakaidlip si Maia sa mga bisig niya. Hinayaan niya na munang makapagpahinga ang mahal niya dahil mas nahihirapan siya na makita itong umiiyak. Ipapaliwanag niya na lamang dito ang ideya na naisip niya upang mapapayag itong huwag na munang makipagkita sa kanya.

YOU ARE READING
A Different Kind of Love
RomanceMasayang pamunuan ang kaharian ngunit mas masayang magmahal at maging malaya sa kung ano ka at ano magpapasaya sayo.