CHAPTER ONE: ANG UNANG PAGTATAGPO

791 26 4
                                    


Naghuhumiyaw sa bawat sulok ng marangyang palasyo ng Lireo ang kaibahan ng pamumuhay nila sa aming mga nagmula sa tribo ng Punjabwe. Hindi ko nais makaramdam ng panliliit pero ano ang aking magagawa? Dahil sa pagkakabihag ng aking mga ka-tribo na sinabayan pa ng pagkakapili sa kapatid kong si Ariana bilang bagong tagapangalaga ng brilyante, kinakailangan kong manatili sa lugar na ito.

Sa lugar kung saan ang mga diwata ang siyang pinakamakapangyarihan.

Mga babaeng pinuno.

Napailing ako. Pilit kong kinukumbinsi ang aking sarili na tanggapin ang katotohanang kailangan ko ang kanilang tulong sa ngayon.

"May pakiwari akong hindi ka natutuwa sa mga diwata?"

Nilingon ko ang pinagmulan ng tinig. Si Pirena, ang panganay sa magkakapatid na sang'gre ng Lireo at siyang kasalukuyang reyna ng Hathoria. Base sa ayos nito ay nakatitiyak siyang nasa gitna ito ng pagsasanay.

Isang pinuno at mandirigmang babae. Ang eksaktong uri ng babae na kinaiinisan niya.

"At ano ang dapat kong ikatuwa, mahal na hara? Na pati kami at ang aking mga katribo ay nadamay sa inyong digmaan?"

"Kung nais mong tulungan ka naming at ang mga nabihag mong katribo, kinakailangan mong magpakumbaba nang sa gayon ay ikatuwa naming magbuwis ng buhay para sa inyo." taas-noong saad nito.

"Magpakumbaba? Ako? Si Azulan?! Marahil, hindi mo nga kilala nang lubos ang aking pinanggalingang tribo. Hindi kami kumikilala ng pinunong babae sa aming tribo. At hindi mo kailangang ibuwis ang iyong buhay samantalang gagamitin mo lang naman ang iyong brilyante dahil diyan din lang kayo magaling!"

Kulang na lang ay mamula nang husto ang mukha nito sa galit. "Tanakreshna! Wala kang galang! Ano't minamaliit mo aming kasarian gayong isa ka lang nilalang na nagmula sa lipi ng mga walang alam?!"

Walang takot na nagpatuloy siya. "Hindi rin ako kumikilala ng babaeng pinuno. Lalong hindi ako papatol sa isang babae lamang."

Talim ng espadang hawak ni Pirena ang sunod niyang nakita ilang pulgada ang layo sa kanyang mukha.

"Punjabwe, ngayon mo patunayan sa akin na may dahilan upang hindi mo kilalanin ang aking pagiging pinuno o ang lakas ng aking kasarian!"

Pinilit niyang magpakahinahon. "Hindi kita papatulan."

"Bakit? Naduduwag ka?" sagot ng hara na ang tinig ay punong-puno ng pang-uuyam.

Sa tinuran nito ay tuluyang napatid ang pisi ng kanyang pagtitimpi. "Tama na! Panahon na marahil para ilagay ka sa dapat mong kalagyan!"

Nilingon ni Pirena ang isa sa mga kawal na naroroon. "Bigyan siya ng sandata!"

Nagsimula ang kanilang pagtutuos. Aaminin niyang para sa isang babae, tunay ngang mahusay sa pakikipaglaban ang hara ng Hathoria. Ngunit, hindi siya padadaig dito.

Mula sa likuran ng diwata ay hinawakan niya ang balikat nito at hindi niya naiwasang samyuin ang mahabang buhok ng hara.

"Sang'gre Pirena, mabango pala ang iyong pawis." nangingiting bulong niya dito.

"Pashnea!" mariing sagot ng babae.

Nagawa nitong makawala sa kanyang pagkakahawak. Ilang pagtatama pa ng kanilang sandata at muli, nabihag niya ang malambot na katawan nito.

"Ano? Susuko ka na?"

"Pashnea! Ikaw ang susuko!" sagot muli nito.

Muntik siyang matawa sa pagmamatigas nito. Talaga bang wala itong alam pagdating sa mga lalaking nagmula sa tribo ng mga Punjabwe?

"Wala sa bokabularyo ko iyan."

Sa pangatlong pagkakataon ay nabihag niya ito sa kanyang mga bisig. "Tila bumibilis yata ang tibok ng iyong puso, mahal na hara."

"Pagkat pikon na pikon na ako sa'yo!" nakamulagat na sigaw ni Pirena. Sa isang galaw ay nakagawa nitong makawala sa kanya at ilang saglit pa ay inilabas na nito ang brilyante ng apoy. Gaya ng kanyang inaasahan.

"Sinasabi ko na nga ba! Gagamitin mo na naman ang brilyante!"

Marahil, natusta na ang kanyang katawan kung hindi lamang namagitang si Pinunong Imaw. Inutusan sila nitong itigil ang ginagawa nilang pagtutunggali. Nakatalikod na si Pirena nang muli itong lumingon sa kanya at sa mariing tinig ay nagbanta.

"Mag-ingat ka sa iyong pananalita dahil kung hindi ako makapagpigil, susunugin kita! Ipinapangako ko iyan!"

Pagkasabi nito ay mabibilis ang mga hakbang na nilisan ni Pirena ang parteng iyon ng palasyo.

Kahit si Azulan ay tunay na nagugulat sa kanyang sarili ngayon. Bakit nga ba imbes na ang kalagayan ng kanilang tribo ay ang mukha ni Hara Pirena ang laman ng kanyang isipan? Mabuti na lamang at mahimbing na ang tulog ng kanyang kapatid dahil hindi niya nanaiising makita siya nito sa ganitong kalagayan. Nakangiting tila nangangarap nang mag-isa, pigil na natutuwa habang binabalikan sa gunita ang palitan nila ng maiinit na salita kanina lamang.

"Ngayon lamang ako nakatagpo ng babaeng tulad mo, Hara Pirena." bulong niya.

Sa apat na magkakapatid, ito ang may pinakamatapang na anyo at pananalita. Ni hindi niya pa ito nakikitang ngumiti nang buong giliw. Hindi gaya ng ibang mga kapatid nito na may yumi at hinahon sa bawat galaw, si Pirena ay tila laging may ipinaglalaban. Laging nakataas ang mga kilay at kung makatingin ay tila minamaliit siya.

Pero bakit imbes na magalit ay may nadarama pa siyang pananabik? Ano nga kaya ang anyo ng matapang at mataray na diwatang ito sa harap ng engkantadong kanyang iniibig? Gaya ba ng babae ay mapapalambot din ito sa pamamagitan ng mababangong bulaklak at matatamis na salita?

Malabo yatang mangyari iyon.

"Ngunit mayroon siyang anak. Ibig sabihin, minsan din siyang nagkaroon ng kaugnayan sa isang engkantado. Nasaan na kaya ang ama ng kanyang anak? At anong klaseng lalaki ito?"

Hindi man niya kilala ang kung sinumang engkantadong iyon ay tila nakakaramdam na siya ng inis para dito. Mabuti na lamang at tila burado na sa sistema ni Pirena ang nilalang na iyon.

"At ano namang pakialam ko kung may karelasyon man o wala ang harang iyon?! Bakit ko ba siya pinag-aaksayahan ng oras na isipin?" tila natauhan at naiiritang bulong niya sa sarili.

Pilit ipinikit ni Azulan ang kanyang mga mata upang sa wakas ay makatulog na. Ngunit sa kanyang pagpikit ay naroon pa rin ang imahe ng magandang mukha ni Pirena. Ang mabibilog nitong mga mata. Mga labing walang preno sa pang-iinsulto sa kanya ngunit kataka-takang kay sarap pagmasdan. Ang mahaba nitong buhok kung saan nais niyang paglandasin ang kanyang mga daliri upang malaman kung gaano nga ba kalambot iyon. Ang malambot nitong katawan na nais niyang ikulong pa sa kanyang mga bisig sa mas mahabang pagkakataon.

"Tanakreshna! Naaakit na nga ba ako sa hara ng Hathoria?'' 

AKO AT ANG HARA NG HATHORIATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon