CHAPTER FOUR: ANG PAGTATAPAT

449 23 14
                                    



Ako si Azulan, isang Punjabwe. Dati ay napakasimple lang ng mga plano ko sa buhay. Tiyaking maayos ang kalagayan ng aking kapatid na si Arianna sa piling ni Rehav Malik, maging kapaki-pakinabang na miyembro ng aming tribo at mamuhay ng tahimik sa lugar na aking pinagmulan.

Ngunit ngayon ay tila banyaga na sa akin ang mga bagay na nabanggit.

Hinayaan ko nang magdesisyon para sa sarili niya si Arianna at sinuportahan ang kagustuhan nitong lumaban kasama ng mga kapwa tagapagtanggol. Pati ang panunumbalik sa aming tribo ay hindi ko na rin kinasasabikan. Sa halip, ang aking isip ay nakatuon sa isang buhay na kasama ang pinakamatapang na diwatang aking nakilala.

Nararamdaman ko ang nagbabadyang digmaan na magaganap sa Encantadia dahil sa muling panggugulo ng pangkat ni Hagorn. Aaminin kong nakakaramdam ako ng takot. Matinding takot na baka gaya nina Mira at Lira ay mapahamak din si Pirena. Kaya naman ayokong masayang ang bawat sandali at nais kong maging matapat sa itinatangi kong sang'gre.

"Punjabwe, ano ang iyong ginagawa sa dati kong silid?"

Kaswal na hinarap ko ang diwatang halos permanente nang laman ng aking isip. Pilit kong itinatago sa aking mga kilos ang nararamdaman kong tensiyon. Alam kong isang malaking sugal ang aking binabalak na gawin.

"Alam kong dito ka tutuloy dahil nakita ko ang mga dama na inihahanda ang silid na ito." Nagsalin ako ng alak sa dalawang kopita at inabot ko ang isa kay Pirena. "Narito... uminom ka muna. Kailangan mo ito. Sige na."

May pagtatakang nakabadha sa mukha ng babae pero kinuha pa rin nito ang iniaalok niya. "Avisala eshma."

Pinagmasdan ko si Pirena habang umiinom ng alak. Tila may magneto ang bawat galaw niya at hindi ko siya malubayan ng tingin.

"Matapang kang diwata, mahusay makipaglaban, matatag ang loob.... at ngayon ay malakas rin palang uminom." puna ko. Mabilis nitong naubos ang laman ng kopita at nagsalin ng panibago. Bago pa nito magawang uminom muli, kinuha ko ang kopita at inilapag sa mesa. Mahirap na. Baka maibato ni Pirena ang mga iyon kapag narinig nito ang nakabibigla kong pagtatapat.

"Ano pa bang hindi ko nalalaman tungkol sa iyo?" dugtong ko sabay hakbang papalapit sa kanya. Tinitigan ko siya ng matiim.

"Durog na ang aking puso. Kaya huwag ka nang mag-aksaya ng panahon lalo at nakatitiyak akong hindi ako ang babaeng iyong pinapangarap." Matatag na sagot ni Pirena.

"Tama ka. Wala nga sa iyo ang katangian ng isang babaeng Punjabwe na pinalaki upang sumunod sa aming mga lalaki." Pagsang-ayon ko habang inaabot ang kanyang kaliwang kamay. "Kaya nga nagtataka rin ako kung bakit ikaw ang aking nagugustuhan."

Halatang nabigla si Pirena dahil sa aking sinabi. Hindi nito magawang makapagsalita at tahimik na sinundan ng tingin ang ginagawang paghaplos ng aking palad mula sa kanyang kamay pataas sa kanyang pisngi. Nagpatuloy ako sa pagsasalita. Kalmado ang aking tinig ngunit kasabay nito ang malakas na tibok ng aking dibdib.

"Gayong alam ko naman na magmumukha lang akong mahina at walang alam kung ikaw ang aking makakatuluyan."

Tila noon lamang natagpuan ng sang'gre ang kanyang tinig. "Makakatuluyan?!" gulat na bulalas nito.

"Tama ang iyong narinig. Gusto kong ikaw ang aking makatuluyan. Kahit na alam kong kakainin ko lamang ang aking paniniwala. Pero hindi na ito importante sapagkat ikaw.... ikaw ang aking gusto." madamdamin kong pagtatapat.

Lakas-loob na kumilos ako upang tawirin ang distansiyang nakapagitan sa aming mga mukha. Marahang inilapat ko ang aking mga labi kay Pirena upang bigyan ito ng magaan na halik. Halik na tila nananantiya at nakikiramdam sa magiging reaksiyon ng babae sa aking kapangahasan. Isang parte ng aking utak ang bumubulong na ihanda ang aking sarili dahil maaaring gamitin ni Pirena ang kanyang brilyante upang parusahan ako.

Nakahinga ako ng maluwag nang sa halip na tupukin ako gamit ng kanyang kapangyarihan, mas pinili ni Pirena na tugunin ang aking halik.

Sa pagkabigla ay bahagya kong inilayo ang aking mukha upang matitigan siya ng husto. Walang bakas ng galit o disgusto mula kay Pirena. Sa halip ay napakaamo ng ekspresyon nito at may kakaibang kislap sa magagandang mga mata.

Tila iisa lamang ang aming iniisip dahil sabay kaming kumilos upang muling paglapatin ang aming mga labi.

Mas mapusok at madiin ang ikalawang halik. Pareho kaming napapikit sa intensidad nito at naramdaman ko ang masuyong paghaplos ng palad ni Pirena sa aking mukha. Napakatamis ng mga labi ng pinakamamahal kong sang'gre. Kung maaari lang ay ayoko nang matapos ang sandaling ito. Nais ko siyang ikulong sa aking bisig hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Nais kong malunod sa pag-ibig na alam kong tanging kay Pirena ko lamang matatagpuan.

Laking gulat ko nang huminto sa pagtugon ang sang'gre at tuluyang inilayo ang mga labi sa akin.

"Poltre, Azulan. Ngunit marami pa akong nais gawin at nais marating bago ko tanggapin ang iyong ninanais sa akin." Muli niyang hinaplos ang aking mukha bago tuluyang humakbang paatras. "Makakaalis ka na."

Huminga ako ng malalim. Tumalikod ako at nagsimulang humakbang palabas ng silid. Sinasabi ng aking utak na dapat lang na bigyan ko ng panahon si Pirena upang makapag-isip. Lalo pa nga't hindi madali sa isang hara na kagaya niya ang magdesisyon ng tungkol sa ganitong bagay.

Ngunit ako si Azulan at sutil ang aking puso! Ang bulong nito ang higit kong pinakinggan.

Mabilis akong humakbang pabalik at nahuli ko pa ang tila nangangarap at nakangiting ekspresyon ng mukha ni Pirena na noo'y nakaupo sa kanyang kama.

"Azulan! Ano't naririto ka pa rin? Hindi ba, inutusan na kitang lumabas ng aking silid?" natatarantang tanong nito.

Lumuhod ako at hinuli ang kanyang mga kamay. "Pirena, naiintindihan kong ang pakikipagrelasyon ay hindi kasama sa mga prayoridad mo sa ngayon. Isa kang hara at alam kong mas uunahin mo ang iyong tungkulin. Ngunit... ngunit nais kong malaman kung may puwang ba ako sa puso mo! May karapatan ba akong isipin na may tsansa akong makapiling ka sa sandaling makamit natin ang kapayapaan dito sa Encantadia?"

"Ashtadi! Isang kalabisan ang hinihingi mo, Azul—"

"E corre diu, Pirena!" putol ko sa kanyang pagpoprotesta. "Mahal mo rin ba ako?"

Tulalang napatitig sa akin ang diwata. Panghihinaan na sana ako ng loob dahil sa hindi pagtugon ni Pirena ngunit nabigla ako sa sunod niyang ginawa.

Tumawa ang sang'gre habang bahagyang napapailing.

"Hindi ko maintindihan kung bakit isang gaya mo ang ibinigay sa akin ng bathalang Emre. Mahusay kang mandirigma ngunit tila mahina ang iyong pakiramdam sa ibang bagay."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Azulan, kung hindi kita mahal, sa palagay mo ba ay hahayaan kitang halikan ako ng dalawang beses? Dapat ay kanina pa kita tinupok gamit ang aking brilyante dahil sa iyong kapangahasan pero paano ko iyon gagawin sa engkantadong bumihag sa aking puso? Mag-isip isip ka nga, ashtadi!"

Mabilis na gumuhit ang maluwang na ngiti sa aking mukha dahil sa pahayag ni Pirena. Mapagpalang bathala! May katugon nga ang pag-ibig ko para sa hara ng Hathoria!

"Avisala eshma, Pirena!"

Nakangiting tinaasan lang ako ng kilay ng diwata. "Huwag ka munang magpasalamat. Hindi madaling umibig sa isang sang'gre lalo na sa isang gaya ko."

Muli ko siyang hinalikan upang matigil na sa kanyang paglilitanya. Wala akong pakialam kung gaano kahirap ang kailangan kong pagdaanan. Tanggap ko na sa aking sarili na ang kapalaran ko ay tuluyan nang nagbago dahil sa pagdating ng hara ng Hathoria sa buhay ko. Kahit ilang digmaan pa ang dumating, alam ko sa aking sarili na isang lugar lamang ang nais kong kalagyan. Isang lugar kung saan nais kong gugulin ang buo kong buhay.

Sa tabi ni Pirena. 

AKO AT ANG HARA NG HATHORIATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon