Bilang isang Punjabwe, wala sa bokabularyo ni Azulan ang pagiging duwag o mahina ang loob. Ngunit kahit ang pinakamatapang na mandirigma ay bibigay sa tagpong nagaganap sa bulwagan ng palasyo ng Lireo.
Ang pagdating ng sinaunang diwatang si Cassiopeia dala ang bangkay ng apat na nilalang.
Ang barbarong si Wahid na kahit papaano'y naging kaibigan niya na rin.
Si Gilas na mula sa lahi ng mga nymfas.
At ang higit na gumimbal sa kanilang lahat..... ang dalawang pinakamamahal at iniingatang tagapagmana ng mga diwata.
Oo, sina Mira at Lira. Umalis ang mga itong puno ng sigla at pag-asa para magsanay sa isla ni Cassiopeia kasama ang iba pang bagong tagapangalaga pero ngayo'y nagbalik na wala ng mga buhay.
Kalunos-lunos!
Masasabi ngang nakahinga ng maluwag si Azulan dahil nakaligtas sa malagim na trahedya ang kanyang kapatid na si Arianna ngunit paano magkakaroon ng puwang sa puso niya ang pagsasaya kung naririnig niya ang pagtangis ng mga naulila ng dalawang sang'gre?
Ang rama ng Sapiro na si Ybrahim ay halos matulala at mawalan ng lakas na tumayo sa sariling paa nang makita ang bangkay ni Lira. Hindi nito itinago ang pagtangis dahil sa malupit ng sinapit ng pinakamamahal na panganay.
Nang ilabas ni Cassiopeia ang wala ng buhay na katawan ni Mira, doon na tila pinagsakluban ng langit ang mga sang'gre. Maririnig sa bawat sulok ng bulwagan ang paghihinagpis nina Hara Danaya at sang'gre Alena dahil sa sinapit ng kanilang mga hadiya.
Awtomatikong tumutok ang paningin ni Azulan kay Pirena. Tila napako ang hara ng Hathoria sa kanyang kinatatayuan.
"Pirena, lapitan mo ang iyong anak." lumuluhang saad ni Alena sa kapatid.
Nanginginig ang mga kamay ni Pirena nang hawakan ang malamig na bangkay ng nag-iisang anak. Ang kanyang tagapagmana. Ang kanyang pinakakamamahal na kayamanan.
Kasabay ng pagsigaw ni Pirena ay ang pagkawala ng kapangyarihan nito. Kitang-kita nila kung paanong naglagablab sa galit ang hara ng Hathoria at sinugod ang sinaunang diwata. Si Cassiopeia ang sinisisi ni Pirena dahil wala itong nagawa upang pigilan ang trahedyang naganap. Sa panahong higit na kinakailangan ay tila may maitim na ulap na humarang sa kakayahan ni 'Mata' na makita ang hinaharap.
Tila may kamay na bakal na dumudurog sa puso ni Azulan habang nakikita ang pagdurusa ni Pirena. Gusto niyang yakapin ito ngunit alam niyang hindi iyon makasasapat para maibsan ang nadarama nitong sakit. Dumako ang tingin niya sa bangkay ng dalawang sang'gre na noong isang araw lamang ay masayang nakikipag-usap pa sa kanya.
"Ikaw ay isang matapang na Punjabweng bagay na bagay sa mas matapang kong ashti hara! Huwag kang mag-alala, kuya Azulan. Boto kami ni Mira sayo!" pahayag ni Lira. "Sana nga kayo ang magkatuluyan."
"Sang'gre Lira..." bulong niya pagkaalala sa madaldal na anak nina Ybrahim at Amihan. Tiyak ni Azulan na matitigib ng kalungkutan ang Lireo at Sapiro dahil hindi na maririnig pa ang tinig at pagtawa ng sang'greng lumaki sa mundo ng mga tao.
"Sana nga ay ikaw na ang makapagpasaya sa aking ina, ginoong Azulan. Ikatutuwa kong ituring ka bilang aking ado." saad ni Mira na puno ng pag-asam ang mga mata. Nagulat siya nang yumakap sa kanya ang batang sang'gre. Tila may kamay na humaplos sa kanyang puso. Isipin pa lang na magiging anak niya si Mira ay napupuno na ng pagmamalaki at tuwa ang kanyang kalooban.
Kahit anong pigil ni Azulan, sumungaw pa rin ang luha sa kanyang mga mata nang muling pumasok sa isip ang mga katagang sinambit noon ni Mira. Pasimple siyang tumalikod para itago sa ibang naroroon ang kanyang pagdadalamhati. At ano'ng paliwanag ang ibibigay niya kung sakali? May maniniwala ba kapag sinabi niyang sa mga sandaling ito ay tila nawalan din siya ng anak dahil sa pagpanaw ni Mira? Na kahit wala siyang karapatan ay gusto niya itong mayakap sa huling pagkakataon? Na kahit hindi ito nagmula sa kanya ay buong-puso naman siyang nakahanda na maging ado nito kung nabigyan lang siya ng pagkakataon.
Ngunit imposible na itong mangyari ngayon.
"Napakalupit namang kapalaran nito para sa mga munting diwani, mahabaging Emre! Si Mira... ang aking Mira... ni hindi ko man lang naiparanas sa kanya kung paano ang mahalin ng isang ama!" bulong ni Azulan.
Wala man siyang kapangyarihan na gaya ng brilyante ng apoy ni Pirena ay dama pa rin ni Azulan ang umaalimpuyo niyang damdamin. Kung sino man ang walang kaluluwang nagpahirap, nanakit at pumatay kina Mira at Lira ay dapat lang na magbayad ng mahal.
Tiyak ang bawat hakbang ni Azulan habang tinatalunton ang daan patungo sa silid ng mga namayapang sang'gre. Malakas ang kutob niyang naroroon ang hinahanap niya.
Tama nga ang kanyang hinala. Naroon si Pirena, malungkot na pinagmamasdan ang kabuuan ng silid at namumula pa rin ang mga mata dahil sa kaiiyak.
Nang mapansin ang kanyang presensiya ay agad nitong pinapormal ang ekspresyon ng mukha.
"Ano'ng ginagawa mo dito, Punjabwe? Ididiin mo na naman ba na ang mga kababaihan ay hindi dapat sumasabak sa digmaan kaya napaslang ang aking anak?!" mariing pahayag nito.
Alam ni Azulan na hindi ito ang panahon para sabayan niya ang galit at init ng ulo nito.
"Hindi. Hindi ako naparito para inisin ka o para makipagtalo. Andito ako para makiramay. Kaya sana ay hayaan mo ako."
Tila hindi makapaniwala si Pirena sa narinig. Namimilog ang mga mata nitong tumutok sa kanyang mukha. Sa mga matang iyon ay naroroon ang magkahalong hinagpis, galit at kawalan ng pag-asa.
Lakas loob na humakbang papalapit si Azulan. Marahan niyang iginiya ang katawan ni Pirena hanggang tuluyan na nitong ihilig ang ulo sa balikat niya. Doon ay inalis ng hara ng Hathoria ang maskara ng katatagan at hinayaan ang sariling lumuha ng malaya. Kahit gaano pa ito kalakas ay ramdam ni Azulan na sa mga sandaling ito ay tila isang paslit ang sang'gre na hindi alam ang gagawin. Ang bawat luha at hikbi nito ay mga palasong tumitimo sa puso ni Azulan.
Walang karapatang mabuhay ang sinumang nagpaiyak at nanakit sa kanyang minamahal na sang'gre!
"Oo na, titigilan ko na ang pagsisinungaling sa aking sarili. Tunay ngang iniibig na kita, sang'gre Pirena, sa kabila ng katotohanang magkaiba tayo ng estado at liping pinagmulan. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba. Basta isa lang tiyak ko, hindi ko na magagawa pang lumayo sa piling mo, aking hara. E corre diu!" bulong niya.
Humigpit ang pagkakayakap ni Azulan kay Pirena. Hindi pa ito ang tamang panahon para ipagtapat sa sang'gre ang lahat pero nakahanda siyang maghintay. Sa ngayon, mas higit nitong kailangan ang pagdamay niya. Hindi niya ito iiwang mag-isa. Hindi kailanman.
BINABASA MO ANG
AKO AT ANG HARA NG HATHORIA
FanfictionA 5-part AzPiren fanfic written from the point of view of Azulan, one of the members of the Punjabwe tribe. This is all about his fateful encounter with Pirena, the queen of Hathoria. Let me show you how their animosity develops into something deepe...